Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Exodus 3:1-8

Exodus 3:1-8 ASND

Isang araw, binabantayan ni Moises ang mga hayop ng biyenan niyang si Jetro na pari ng Midian. Dinala ni Moises ang mga hayop malapit sa ilang at nakarating siya sa Horeb, ang bundok ng Dios. Nagpakita sa kanya roon ang anghel ng PANGINOON sa anyo ng naglalagablab na apoy sa isang mababang punongkahoy. Nakita ni Moises na naglalagablab ang punongkahoy pero hindi naman nasusunog. Sinabi niya, “Nakapagtataka! Bakit kaya hindi iyon nasusunog? Malapitan nga at nang makita ko.” Nang makita ng PANGINOON na papalapit si Moises para tumingin, tinawag siya ng Dios mula sa gitna ng mababang punongkahoy, “Moises, Moises!” Sumagot si Moises, “Narito po ako.” Sinabi ng Dios, “Huwag ka nang lumapit pa. Tanggalin mo ang iyong sandalyas, dahil banal ang lugar na kinatatayuan mo. Ako ang Dios ng iyong mga ninuno, ang Dios nina Abraham, Isaac, at Jacob.” Nang marinig ito ni Moises, tinakpan niya ang kanyang mukha, dahil natatakot siyang tumingin sa Dios. Pagkatapos, sinabi ng PANGINOON, “Nakita ko ang paghihirap ng aking mga mamamayan sa Egipto. Narinig ko ang paghingi nila ng tulong dahil sa sobrang pagmamalupit ng mga namamahala sa kanila, at naaawa ako sa kanila dahil sa kanilang mga paghihirap. Kaya bumaba ako para iligtas sila sa kamay ng mga Egipcio, at para dalhin sila sa mayaman, malawak at masaganang lupain na tinitirhan ngayon ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo.