Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EXODO 3:1-8

EXODO 3:1-8 ABTAG01

Noon ay inaalagaan ni Moises ang kawan ni Jetro na kanyang biyenan na pari sa Midian; kanyang pinatnubayan ang kawan sa kabila ng ilang at nakarating sa bundok ng Diyos, sa Horeb. Ang anghel ng PANGINOON ay nagpakita sa kanya sa isang ningas ng apoy na mula sa gitna ng isang mababang punungkahoy. Siya'y nagmasid at ang punungkahoy ay nagliliyab ngunit ito'y hindi nasusunog. Sinabi ni Moises, “Ako'y pupunta sa kabila at titingnan ko itong dakilang panooring ito, kung bakit ang punungkahoy ay hindi nasusunog.” Nang makita ng PANGINOON na siya'y pumunta sa kabila upang tumingin ay tinawag siya ng Diyos mula sa gitna ng mababang punungkahoy, “Moises, Moises.” Sumagot siya, “Narito ako.” Kanyang sinabi, “Huwag kang lumapit dito. Hubarin mo ang sandalyas sa iyong mga paa sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay banal na lupa.” Sinabi pa niya, “Ako ang Diyos ng iyong ama, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.” Si Moises ay nagtakip ng kanyang mukha sapagkat siya'y natakot na tumingin sa Diyos. Sinabi ng PANGINOON, “Aking nakita ang paghihirap ng aking bayan na nasa Ehipto at aking narinig ang kanilang daing dahil sa mga umaapi sa kanila. Talagang nalalaman ko ang kanilang pagdurusa. Ako'y bumaba upang iligtas sila mula sa kamay ng mga Ehipcio at upang sila'y dalhin sa isang mabuting lupain at malawak, mula sa lupaing iyon, sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, sa lugar ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo at Jebuseo.