Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Exodus 14:10-18

Exodus 14:10-18 ASND

Nang papalapit na ang Faraon at ang kanyang mga sundalo, nakita sila ng mga Israelita. Kaya lubha silang natakot at humingi ng tulong sa PANGINOON. Sinabi nila kay Moises, “Bakit dito mo pa kami dinala sa disyerto para mamatay? Wala bang libingan doon sa Egipto? Bakit mo pa kami pinalabas sa Egipto? Hindi baʼt sinabi namin sa iyo sa Egipto na pabayaan mo na lang kaming magpaalipin sa mga Egipcio? Mas mabuti pang nanilbihan na lang kami sa mga Egipcio kaysa sa mamatay dito sa disyerto!” Sumagot si Moises sa mga tao, “Huwag kayong matakot. Magpakatatag kayo at makikita ninyo ang pagliligtas ng PANGINOON sa inyo sa araw na ito. Ang mga Egipciong nakikita ninyo ngayon ay hindi na ninyo makikita pang muli. Ang PANGINOON ang makikipaglaban para sa inyo. Hindi nʼyo na kailangang makipaglaban pa.” Pagkatapos, sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Bakit patuloy ka pa ring humihingi ng tulong sa akin? Sabihin mo sa mga Israelita na magpatuloy sila sa paglalakbay. Pagkatapos, itaas mo ang iyong baston sa dagat para mahati ang tubig at makatawid ang mga Israelita sa tuyong lupa. Patitigasin ko ang puso ng mga Egipcio para habulin nila kayo. Pero lilipulin ko ang Faraon at ang kanyang mga sundalo, mangangabayo at mga karwahe. Sa pamamagitan nito, mapaparangalan ako. At kapag nalipol ko na sila, malalaman ng mga Egipcio na ako ang PANGINOON.”