Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Exodus 14:1-10

Exodus 14:1-10 ASD

Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na bumalik sila malapit sa Pi-hahirot, sa gitna ng Migdol at Dagat na Pula, at magkampo sila roon sa tabi ng dagat, sa harap ng Baal-zefon. Iisipin ng Faraon na nagkaligaw-ligaw kayo at hindi na makalabas ng disyerto. At patitigasin ko ang kanyang puso at hahabulin niya kayo. Ngunit papatayin ko siya at ang kanyang mga sundalo. Sa pamamagitan nitoʼy mapaparangalan ako, at malalaman ng mga Ehipsiyo na ako ang PANGINOON.” Kaya ginawa ito ng mga Israelita. Nang mabalitaan ng hari ng Ehipto na tumakas ang mga Israelita, nagbago ang isip niya at ang lahat ng opisyal tungkol sa pag-alis ng mga Israelita. Sinabi nila, “Ano ba ang ginawa natin? Bakit natin pinaalis ang mga Israelita? Ngayon, wala na tayong mga alipin.” Kaya inihanda ng Faraon ang karwahe niya at ang kanyang mga sundalo. Dinala niya ang 600 na pinakamahuhusay na karwahe ng Ehipto at ang iba pang mga karwahe. Bawat isaʼy pinamamahalaan ng opisyal. Pinatigas ng PANGINOON ang puso ng Faraon na hari ng Ehipto, kaya hinabol niya ang mga Israelita na naglalakbay na buo ang loob. Ang mga Ehipsiyong sumáma sa paghabol ay ang mga hukbo ng hari, kasama ang lahat ng mga mangangabayo niyang sakay ng mga kabayo at karwahe. Naabutan nila ang mga Israelita sa pinagkakampuhan nila sa tabing-dagat na malapit sa Pi-hahirot, sa harap ng Baal-zefon. Nang papalapit na ang Faraon at ang kanyang mga sundalo, nakita sila ng mga Israelita. Kaya lubha silang natakot at humingi ng tulong sa PANGINOON.