Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Exodus 11:1-10

Exodus 11:1-10 ASD

Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Padadalhan ko ng isa pang salot ang Faraon at ang Ehipto. Pagkatapos nito, paaalisin na niya kayo. Itataboy pa niya kayo dahil gusto niyang makaalis agad kayo. Sabihin mo sa mga Israelita, lalaki man o babae, na humingi sila ng mga alahas na pilak at ginto sa mga kapitbahay nila na Ehipsiyo.” (Niloob ng PANGINOON na paburan ng mga Ehipsiyo ang mga Israelita, at iginalang din si Moises ng mga opisyal ng Faraon at ng mga mamamayan ng Ehipto.) Kaya sinabi ni Moises sa Faraon, “Ito ang sinasabi ng PANGINOON: ‘Dadaan ako sa Ehipto mga bandang hatinggabi, at mamamatay ang lahat ng panganay na lalaki sa Ehipto, mula sa panganay ng Faraon na papalit sa kanyang trono, hanggang sa panganay ng pinakamababang aliping babae. Mamamatay din ang lahat ng panganay ng mga hayop. Maririnig ang matinding iyakan sa buong Ehipto na hindi pa nangyayari kailanman at hindi na mangyayari pang muli. Ngunit magiging tahimik ang mga Israelita; kahit tahol ng asoʼy walang maririnig.’ Sa pamamagitan nito, malalaman ninyo na iba ang pagtrato ng PANGINOON sa mga Israelita at sa mga Ehipsiyo. Lahat ng iyong mga opisyal ay lalapit sa akin na nakayuko at magsasabi, ‘Umalis ka na at isama mo ang mga mamamayang sumusunod sa iyo!’ Pagkatapos nito, aalis na ako.” At umalis si Moises sa harapan ng galit na galit na Faraon. Sinabi noon ng PANGINOON kay Moises, “Hindi maniniwala ang Faraon sa iyo, upang marami pang mga kababalaghan ang magawa ko sa Ehipto.” Ginawa nila Moises at Aaron ang mga kababalaghang ito sa harap ng Faraon, pero pinatigas ng PANGINOON ang puso ng Faraon, at hindi pinayagan ng Faraon na umalis ang mga Israelita sa kanyang bansa.