Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Deuteronomio 28:1-14

Deuteronomio 28:1-14 ASND

“Kung lubos ninyong susundin ang PANGINOON na inyong Dios at gagawin ang lahat ng utos niya na ibinibigay ko sa inyo ngayon, gagawin niya kayong nakakahigit sa lahat ng bansa rito sa mundo. Kung susundin ninyo ang PANGINOON na inyong Dios, mapapasainyo ang lahat ng pagpapalang ito: “Pagpapalain niya ang mga lungsod at mga bukid ninyo. Pagpapalain niya kayo ng maraming anak, masaganang ani at maraming hayop. Pagpapalain niya kayo ng masaganang ani at pagkain. Pagpapalain niya ang lahat ng ginagawa ninyo. Ipapatalo ng PANGINOON sa inyo ang mga kaaway na sasalakay sa inyo. Sama-sama silang sasalakay sa inyo pero magkakanya-kanya sila sa pagtakas. Pagpapalain ng PANGINOON na inyong Dios ang lahat ng ginagawa ninyo at pupunuin niya ng ani ang mga bodega ninyo. Pagpapalain niya kayo sa lupaing ibinibigay niya sa inyo. Ayon sa ipinangako ng PANGINOON na inyong Dios, gagawin niya kayo na pinili niyang mamamayan, kung susundin ninyo ang kanyang mga utos at mamumuhay ng ayon sa kanyang pamamaraan. At sa ganoon ay malalaman ng lahat ng tao sa mundo na pinili kayo ng PANGINOON, at matatakot sila sa inyo. Pagpapalain kayo ng PANGINOON doon sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno na ibibigay sa inyo. Pararamihin niya ang inyong mga anak, mga hayop at ang inyong ani. Padadalhan kayo ng PANGINOON ng ulan sa tamang panahon mula sa taguan ng kayamanan niya sa langit, at pagpapalain niya ang lahat ng ginagawa ninyo. Magpapautang kayo sa maraming bansa, pero kayo ay hindi mangungutang. Gagawin kayo ng PANGINOON na pinuno ng mga bansa, at hindi tagasunod lang. Lagi kayong nasa itaas at hindi sa ilalim kung susundin ninyong mabuti ang mga utos ng PANGINOON na inyong Dios na ibinibigay ko sa inyo ngayon. Kaya huwag ninyong susuwayin ang alinman sa iniuutos ko sa inyo sa araw na ito, at huwag kayong susunod sa ibang mga dios at maglilingkod sa kanila.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Deuteronomio 28:1-14