Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Deuteronomio 18:9-22

Deuteronomio 18:9-22 ASND

“Kapag nakapasok na kayo sa lupaing ibinibigay sa inyo ng PANGINOON na inyong Dios, huwag ninyong susundin ang kasuklam-suklam na mga kaugalian ng mga naninirahan doon. Wala ni isa man sa inyo na magsusunog ng kanyang anak bilang handog. At huwag din kayong manghuhula, mangkukulam, manggagaway, gumagawa ng mga ginagawa ng mga espiritista, at makikipag-usap sa espiritu ng mga patay. Kinasusuklaman ng PANGINOON ang sinumang gumagawa ng mga bagay na ito. Ito ang dahilan kung bakit palalayasin ng PANGINOON na inyong Dios ang mga bansa sa inyong harapan. Wala dapat kayong maging kapintasan sa harap ng PANGINOON na inyong Dios. “Ang mga bansang ito na palalayasin ninyo ay sumasangguni sa mga mangkukulam at mga manghuhula. Pero kayo, pinagbabawalan ng PANGINOON na inyong Dios sa paggawa nito. Sa halip, magpapadala sa inyo ang PANGINOON na inyong Dios ng isang propeta na mula sa inyo at kadugo ninyo tulad ko. At kailangang makinig kayo sa kanya. Sapagkat ito ang hinihingi ninyo sa PANGINOON na inyong Dios nang magtipon kayo roon sa Horeb. Sinabi ninyo sa Panginoon, ‘Huwag nʼyong iparinig sa amin ang boses nʼyo o ipakita ang naglalagablab na apoy dahil baka mamatay kami.’ “Kaya sinabi ng PANGINOON sa akin, ‘Mabuti ang kanilang hinihingi. Magpapadala ako sa kanila ng isang propeta na mula sa kanila at kadugo nila tulad mo. Ipasasabi ko sa kanya ang lahat ng gusto kong sabihin sa kanila. Parurusahan ko ang sinumang hindi makikinig sa aking mga salita na sinasabi ng propeta na ito sa pamamagitan ng aking pangalan. At kailangang patayin ang sinumang propetang magsasalita sa aking pangalan nang hindi ko inuutusan o magsasalita sa pangalan ng ibang dios.’ “Maaaring isipin ninyo, ‘Paano ba namin malalaman kung iyon nga ay mensahe ng PANGINOON?’ Kapag ang sinabi ng propeta na gumamit ng pangalan ng PANGINOON ay hindi mangyari o magkatotoo, ang mensahe niya ay hindi galing sa PANGINOON. Gawa-gawa lang iyon ng propeta, kaya huwag kayong matakot sa kanya.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Deuteronomio 18:9-22