Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Daniel 3:19-28

Daniel 3:19-28 ASND

Dahil sa sagot nilang iyon, lalo pang nagalit ang hari sa kanila, at kitang-kita ito sa kanyang mukha. Kaya iniutos niyang painitin pa ang hurno ng pitong ulit. Pagkatapos ay inutusan niya ang kanyang pinakamalalakas na sundalo na gapusin sina Shadrac, Meshac at Abednego, at itapon sa naglalagablab na hurno. Kaya iginapos sila ng mga sundalo at itinapon sa hurno na hindi na inalis ang kanilang mga damit. Dahil sa pinainit pang lalo ng hari ang hurno, namatay ang mga sundalong nagtapon sa kanila dahil sa lagablab ng apoy. At silang tatlo na nakagapos ay bumagsak sa naglalagablab na hurno. Habang nakatingin si Haring Nebucadnezar bigla siyang tumayo sa laki ng kanyang pagkamangha. Tinanong niya ang kanyang mga opisyal, “Hindi baʼt tatlo lang ang itinapon sa apoy?” Sumagot sila, “Opo, Mahal na Hari.” Sinabi ng hari, “Tingnan ninyo! Apat na ang nakikita kong palakad-lakad sa gitna ng apoy. Hindi na sila nakagapos at hindi sila nasusunog. At ang isa sa kanila ay parang dios.” Kaya lumapit si Nebucadnezar sa pintuan ng naglalagablab na hurno at tinawag sila, “Shadrac, Meshac, at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Dios, lumabas kayo riyan. Halikayo rito.” At lumabas silang tatlo mula sa hurno. Pagkatapos, nagtipon sa kanila ang mga gobernador, mayor, komisyoner, at ang iba pang mga opisyal ng hari. At nakita nilang hindi man lang sila napinsala ng apoy, ni hindi nag-amoy usok ang kanilang buhok o damit. Dahil dito, sinabi ng hari, “Purihin ang Dios nina Shadrac, Meshac, at Abednego. Nagsugo siya ng kanyang anghel para iligtas ang kanyang mga lingkod na nagtitiwala sa kanya. Hindi nila sinunod ang aking utos; minabuti pa nilang mapatapon sa apoy kaysa sumamba sa alinmang dios maliban sa kanilang Dios.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Daniel 3:19-28