Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Daniel 2:24-49

Daniel 2:24-49 ASND

Pagkatapos, bumalik si Daniel kay Arioc na inutusan ng hari para patayin ang mga marurunong na tao sa Babilonia. Sinabi ni Daniel sa kanya, “Huwag mo muna silang patayin; dalhin mo muna ako sa hari at ipapaliwanag ko ang kanyang panaginip.” Kaya dali-daling dinala ni Arioc si Daniel sa hari. Sinabi ni Arioc, “Mahal na Hari, may nakita po akong bihag mula sa Juda na makapagpapaliwanag ng inyong panaginip.” Tinanong ng hari si Daniel na tinatawag ding Belteshazar, “Talaga bang mahuhulaan mo ang aking panaginip at maipapaliwanag ang kahulugan nito?” Sumagot si Daniel, “Mahal na Hari, wala pong sinumang marunong katulad ng mga mangkukulam, engkantador, o manghuhula ang makakapagpaliwanag ng inyong panaginip. Pero may Dios sa langit na naghahayag ng mga mahiwagang bagay. At inihayag niya sa inyo sa panaginip ang mangyayari sa hinaharap. Ngayon, sasabihin ko po sa inyo ang mga pangitaing nakita ninyo sa inyong panaginip. “Habang natutulog po kayo, Mahal na Hari, nanaginip kayo tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap. Ipinapaalam ito sa inyo ng Dios na tagapagpahayag ng mga mahiwagang bagay. At inihayag sa akin ng Dios ang inyong panaginip hindi dahil mas matalino ako kaysa sa iba kundi para maipaliwanag ko sa inyo at maintindihan nʼyo ang gumugulo sa inyong isipan. “Ito po ang inyong panaginip: May nakita kayong malaking rebulto na nakakasilaw na nakatayo sa inyong harapan at nakakatakot tingnan. Ang ulo nito ay purong ginto, ang mga bisig at dibdib ay pilak, ang tiyan at hita ay tanso. Ang kanyang mga binti ay bakal at ang kanyang mga paa naman ay bakal at luwad. At habang tinitingnan nʼyo po ang rebulto, may batong natipak na hindi kagagawan ng tao. Tumama ito sa mga paang bakal at luwad ng rebulto, at nawasak ang kanyang mga paa. Agad namang nadurog ang buong rebulto na gawa sa bakal, luwad, tanso, pilak at ginto. At parang naging ipa sa giikan na ipinadpad ng hangin kung saan-saan. Pero ang batong bumagsak sa paa ng rebulto ay naging malaking bundok at pumuno sa buong mundo. “Iyan po ang panaginip nʼyo, at ito naman ang kahulugan: Mahal na Hari, kayo ang hari ng mga hari. Ginawa kayong hari ng Dios sa langit at binigyan ng kapangyarihan, kalakasan, at karangalan. Ipinasakop niya sa inyo ang mga tao, mga hayop at mga ibon sa lahat ng dako. Kayo ang sumisimbolo sa gintong ulo ng rebulto. “Ang susunod sa inyong kaharian ay mas mahina kaysa sa inyo. Pagkatapos, ang ikatlong kaharian ay sumisimbolo ng tansong bahagi ng rebulto, at ang kahariang ito ay maghahari sa buong mundo. At ang ikaapat na kaharian ay kasintatag ng bakal. Kung paanong ang bakal ay dumudurog, ang kahariang ito ay dudurog din ng ibang mga kaharian. Ang mga paa na yari sa bakal at luwad ay nangangahulugan ng mahahating kaharian. Pero mananatili itong malakas, dahil ikaw mismo ang nakakita na may halo itong bakal. Ang mga daliring bakal at luwad na mga paa ay nangangahulugan na may bahagi ang kaharian na matibay at may bahaging mahina. Ang pagsasama ng bakal at luwad ay nangangahulugang magkakaisa ang mga pinuno ng mga kahariang ito sa pamamagitan ng pag-aasawa ng magkaibang lahi. Pero hindi rin magtatagal ang kanilang pagkakaisa, katulad ng bakal at luwad na hindi maaaring paghaluin. “Sa panahon ng mga haring ito, ang Dios sa langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi babagsak kailanman. Hindi ito matatalo ng alinmang kaharian, kundi wawasakin pa niya ang lahat ng kaharian at mananatili ito magpakailanman. Katulad ito ng iyong nakitang tipak na bato mula sa bundok (na hindi kagagawan ng tao) na dumurog sa rebultong yari sa bakal, tanso, luwad, pilak at ginto. “Mahal na Hari, ipinahayag po ng makapangyarihang Dios sa inyo kung ano ang mga mangyayari sa hinaharap. Iyon ang panaginip nʼyo at ang kahulugan nito. Totoo po ang lahat ng sinabi ko.” Nagpatirapa si Haring Nebucadnezar upang parangalan si Daniel. Pagkatapos, nag-utos siyang maghandog at magsunog ng insenso kay Daniel. Sinabi niya kay Daniel, “Dahil sa ipinahayag mo ang panaginip ko at ang kahulugan nito, totoo na ang iyong Dios ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng dios. Siya ang dapat kilalaning Panginoon ng mga hari. At siya lamang ang nakakapagpahayag ng mga hiwaga.” Pagkatapos, binigyan ng hari si Daniel ng maraming magagandang regalo. Ginawa siyang tagapamahala ng buong lalawigan ng Babilonia at pinuno ng lahat ng marurunong doon. Hiniling ni Daniel sa hari na italaga sina Shadrac, Meshac, at Abednego bilang katulong niya sa pamamahala ng lalawigan. Pumayag naman ang hari. At namalagi si Daniel sa palasyo ng hari.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa Daniel 2:24-49