Pero ipinasya ni Daniel na hindi siya kakain ng pagkain ng hari o iinom ng kanyang inumin para hindi siya marumihan. Kaya nakiusap siya kay Ashpenaz na huwag siyang bigyan ng pagkain at inuming iyon. Niloob naman ng Dios na siyaʼy kalugdan ni Ashpenaz. Pero sinabi ni Ashpenaz kay Daniel, “Natatakot ako sa hari. Siya ang pumili kung ano ang kakainin at iinumin ninyo, at kung makita niyang hindi kayo malusog gaya ng ibang mga kabataan, baka ipapatay niya ako.” Dahil dito, sinabi ni Daniel sa itinalaga ni Ashpenaz na mangangalaga sa kanila, “Subukan nʼyo kaming pakainin lang ng gulay at painumin ng tubig sa loob ng sampung araw. Pagkatapos, ihambing ninyo kami sa mga kabataang kumakain ng pagkain ng hari, at tingnan ninyo kung ano ang magiging resulta. At bahala na kayo kung ano ang gagawin ninyo sa amin.” Pumayag naman ito at sinubukan nga sila sa loob ng sampung araw. Pagkatapos ng sampung araw, nakita ng tagapagbantay na mas malusog sila kaysa sa mga kabataang kumakain ng pagkain ng hari. Kaya ipinagpatuloy na lang ang pagbibigay sa kanila ng gulay at tubig sa halip na pagkain at inumin ng hari. Binigyan ng Dios ang apat na kabataang ito ng karunungan at pang-unawa, pati na ang kaalaman sa ibaʼt ibang literatura. Bukod pa rito, binigyan ng Dios si Daniel ng karunungan sa pagpapaliwanag ng kahulugan ng mga pangitain at mga panaginip. Pagkalipas ng tatlong taon na pagtuturo sa kanila ayon sa utos ni Haring Nebucadnezar, dinala sila ni Ashpenaz sa kanya. Nakipag-usap ang hari sa kanila, at napansin ng hari na wala ni isa man sa mga kabataan doon ang makahihigit kina Daniel, Hanania, Mishael, at Azaria. Kaya sila ang piniling maglingkod sa kanya. Sa lahat ng itinanong ng hari sa kanila, nakita niya na ang kanilang kaalaman ay sampung ulit na mas mahusay kaysa sa kaalaman ng mga salamangkero at engkantador sa buong kaharian niya. Patuloy na naglingkod si Daniel kay Nebucadnezar hanggang sa unang taon ng paghahari ni Cyrus.
Basahin Daniel 1
Makinig sa Daniel 1
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: Daniel 1:8-21
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas