Pagdating ng araw ng pista na tinatawag na Pentecostes, nagtipon ang lahat ng mananampalataya sa isang bahay. Habang nagtitipon sila, bigla na lang silang nakarinig ng ugong na mula sa langit, na katulad ng malakas na hangin. At puro ugong na lang ang kanilang narinig sa bahay na kanilang pinagtitipunan. Pagkatapos, may nakita silang mga ningas ng apoy na parang mga dila na kumalat at dumapo sa bawat isa sa kanila. Napuspos silang lahat ng Banal na Espiritu, at nakapagsalita ng ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan. Ang Banal na Espiritu ang siyang nagbigay sa kanila ng kakayahang makapagsalita nang ganoon.
Nang panahon ding iyon, doon sa Jerusalem ay may mga relihiyosong Judio na nanggaling sa ibaʼt ibang bansa sa buong mundo. Pagkarinig nila sa ugong na iyon, nagmadali silang pumunta sa pinagtitipunan ng mga mananampalataya. Namangha sila dahil narinig nilang sinasalita ng mga mananampalataya ang kani-kanilang wika. Sinabi nila, “Aba, hindi baʼt mga taga-Galilea silang lahat? Bakit sila nakakapagsalita ng sarili nating wika? Ang iba sa atin ay taga-Partia, Media at Elam. Mayroon ding mga taga-Mesopotamia, Judea, Capadosia, Pontus at Asia. Ang iba ay taga-Frigia, Pamfilia, Egipto, at mula sa mga lugar na sakop ng Libya na malapit sa Cyrene. Mayroon ding mga taga-Roma, mga Judio, at mga hindi Judio na nahikayat sa relihiyon ng mga Judio. At ang iba ay mula sa Crete at Arabia. Pero naririnig natin sila na nagsasalita ng mga wika natin tungkol sa mga kamangha-manghang ginawa ng Dios!”
Namangha talaga ang lahat ng tao roon. At dahil hindi nila maunawaan kung ano ang nangyayari, nagtanungan na lang sila sa isaʼt isa, “Ano kaya ito?” Pero tinuya ng iba ang mga mananampalataya. Sinabi nila, “Lasing lang ang mga iyan!”
Kaya tumayo si Pedro kasama ang 11 apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga kababayan kong mga Judio, at kayong lahat na nakatira sa Jerusalem, makinig kayo sa akin, dahil ipapaliwanag ko kung ano ang ibig sabihin ng mga nangyayaring ito. Mali ang inyong akala na lasing ang mga taong ito, dahil alas nuwebe pa lang ng umaga. Ang pangyayaring itoʼy katuparan ng ipinahayag ni propeta Joel noon:
‘Sinabi ng Dios, “Sa mga huling araw, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng uri ng tao.
Ang inyong mga anak na lalaki at babae ay magpapahayag ng aking mga salita;
ang inyong mga binata ay makakakita ng mga pangitain;
at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip.
Oo, sa mga araw na iyon, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa aking mga lingkod na lalaki at babae, at ipapahayag nila ang aking mga salita.
Magpapakita ako ng mga himala sa langit at sa lupa sa pamamagitan ng dugo, apoy, at makapal na usok.
Magdidilim ang araw, at ang buwan ay pupula katulad ng dugo. Mangyayari ito bago dumating ang kamangha-manghang araw ng paghahatol ng Panginoon.
Ngunit ang sinumang tatawag sa Panginoon ay maliligtas sa parusang darating.” ’ ”