Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Gawa 11:1-18

Gawa 11:1-18 ASND

Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa Judea na ang mga hindi Judio ay tumanggap din ng salita ng Dios. Kaya pagbalik ni Pedro sa Jerusalem, sinalungat siya ng mga kapatid na Judio na naniniwalang ang mga hindi Judio ay kinakailangang magpatuli muna bago maging kaanib nila. Sinabi nila kay Pedro, “Ikaw ay isang Judio, bakit ka nakituloy at nakikain sa bahay ng mga hindi Judio na hindi tuli?” Kaya ipinaliwanag ni Pedro sa kanila ang buong pangyayari mula sa simula. Sinabi niya, “Habang nananalangin ako sa lungsod ng Jopa, may ipinakita sa akin ang Dios. Nakita ko ang parang malapad na kumot na bumababa mula sa langit. May tali ito sa apat na sulok, at ibinaba sa tabi ko. Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang lahat ng uri ng hayop – ang mga lumalakad kasama na rito ang mababangis, mga gumagapang, at mga lumilipad. At narinig ko ang boses na nagsasabi sa akin, ‘Pedro tumayo ka! Magkatay ka at kumain.’ Pero sumagot ako, ‘Panginoon, hindi ko magagawa iyan dahil hindi po talaga ako kumakain ng mga hayop na itinuturing na marumi at ipinagbabawal kainin.’ Pagkatapos, muling nagsalita ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang kahit na anong bagay na nilinis na ng Dios.’ Tatlong beses naulit ang pangyayaring ito, at pagkatapos ay hinila na pataas ang kumot. Nang mga oras ding iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko ang tatlong lalaki na galing sa Cesarea. Inutusan sila na sunduin ako. Sinabi ng Banal na Espiritu sa akin na huwag akong mag-alinlangang sumama sa kanila. At nang umalis na kami papunta sa bahay ni Cornelius sa Cesarea, sumama sa akin itong anim na kapatid natin na taga-Jopa. Pagpasok namin doon, ikinuwento ni Cornelius sa amin na may nakita siyang anghel sa loob ng kanyang bahay na nagsabi sa kanya, ‘Magsugo ka sa Jopa para sunduin si Simon na tinatawag na Pedro. Sasabihin niya sa iyo kung paano ka maliligtas at ang iyong buong pamilya.’ At nang magsalita na ako, napuspos sila ng Banal na Espiritu tulad din ng nangyari sa atin noon. At naalala ko ang sinabi ng Panginoong Jesus: ‘Nagbautismo si Juan sa tubig, ngunit babautismuhan kayo sa Banal na Espiritu.’ Kaya ang nangyari sa kanila ay nagpapatunay na ang ibinigay ng Dios sa ating mga Judio, nang sumampalataya tayo sa Panginoong Jesu-Cristo ay ibinigay din niya sa mga hindi Judio. At kung ganoon ang gusto ng Dios, sino ba ako para hadlangan siya?” Nang marinig ito ng mga kapatid na Judio, hindi na nila binatikos si Pedro, sa halip ay nagpuri sila sa Dios. Sinabi nila, “Kung ganoon, ibinigay din ng Dios sa mga hindi Judio ang pagkakataon na magsisi para matanggap nila ang buhay na walang hanggan.”