2 Mga Taga-Tesalonica 2:1-9
2 Mga Taga-Tesalonica 2:1-9 ASD
Tungkol naman sa pagbabalik ng ating Panginoong Hesu-Kristo at kung paanong tayoʼy titipunin upang katagpuin siya, hinihiling namin, mga kapatid, na huwag kayong mag-alala o mabahala dahil sa mga taong nagsasabing dumating na ang araw ng Panginoon. Huwag kayong maniwala kahit sabihin pa nilang sinabi ito ng Espiritu sa kanila, nabalitaan, o nabasa man sa isang sulat na galing daw sa amin. Huwag kayong magpalinlang sa kanila sa anumang paraan. Sapagkat hindi darating ang araw ng pagbabalik ng Panginoon hanggaʼt hindi pa nagsisimula ang huling paghihimagsik ng mga tao sa Diyos, at hindi pa lumilitaw ang suwail na tao na itinalaga sa walang hanggang kapahamakan. Kakalabanin niya ang lahat ng sinasamba at itinuturing na diyos ng mga tao, at itataas ang sarili sa lahat ng mga ito. Uupo siya sa loob ng Templo ng Diyos at itatanghal ang sarili bilang Diyos. Hindi nʼyo ba natatandaan na binabanggit ko na ang mga bagay na ito sa inyo noong kasama nʼyo pa ako? At alam ninyo kung anoʼng pumipigil sa kanya, upang sa takdang panahon ay lilitaw siya. Kahit ngayon, palihim nang kumikilos ang kasamaan ng taong ito, at nananatiling palihim hanggaʼt hindi pa inaalis ang pumipigil sa kanya. Pagkatapos maalis ang pumipigil, lilitaw na siya. Ngunit sa pagdating ng Panginoong Hesus, papatayin niya ang suwail na taong ito sa pamamagitan lang ng isang hinga niya. Darating ang suwail na tao na taglay ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng nakalilinlang na himala, tanda at kababalaghan.

