Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Samuel 16:1-14

2 Samuel 16:1-14 ASND

Kalalampas pa lang nang kaunti ni David sa ibabaw ng bundok nang salubungin siya ni Ziba na katiwala ni Mefiboset. May dalawa itong asno na may kargang 200 tinapay, 100 kumpol ng ubas, 100 piraso ng hinog na prutas, at katas ng ubas na nakalagay sa balat na sisidlan. Tinanong ni David si Ziba, “Bakit nagdala ka ng mga iyan?” Sumagot si Ziba, “Ang mga asno po ay para sakyan ng sambahayan nʼyo, ang mga tinapay naman at prutas ay para kainin nʼyo at ng mga kasama ninyo, at ang katas ng ubas ay para naman inumin nʼyo kapag napagod kayo sa disyerto.” Nagtanong si David, “Nasaan na si Mefiboset, ang apo ng amo mong si Saul?” Sumagot si Ziba, “Nagpaiwan po siya sa Jerusalem, dahil iniisip niyang gagawin siyang hari ngayon ng mga Israelita sa kaharian ng lolo niyang si Saul.” Sinabi ni David, “Kung ganoon, ibinibigay ko na sa iyo ngayon ang lahat ng ari-arian ni Mefiboset.” Sinabi ni Ziba, “Mahal na Hari, handa po akong sumunod sa inyo. Malugod sana kayo sa akin.” Nang papalapit na si Haring David sa Bahurim, may taong lumabas sa bayang iyon at isinumpa si David. Ang taong ito ay si Shimei na anak ni Gera at kamag-anak ni Saul. Binato niya si David at ang mga opisyal nito kahit na napapaligiran si David ng mga tauhan at mga personal niyang tagapagbantay. Ito ang sinabi niya kay David: “Huwag kang papasok sa bayan namin, mamamatay-tao at masamang tao ka! Ginagantihan ka ng PANGINOON sa pagpatay mo kay Saul at sa sambahayan niya. Kinuha mo ang kanyang trono, pero ngayon, ibinigay ito ng PANGINOON sa anak mong si Absalom. Bumagsak ka dahil mamamatay-tao ka!” Sinabi ni Abishai na anak ni Zeruya sa hari, “Mahal na Hari, bakit nʼyo po pinapabayaang sumpain kayo ng taong iyan na tulad lang ng patay na aso? Payagan nʼyo po akong pugutan siya ng ulo.” Pero sinabi ng hari, “Kayong mga anak ni Zeruya, wala kayong pakialam dito! Kung inutusan siya ng PANGINOONG sumpain ako, sino ako para pigilan siya?” Sinabi ni David kay Abishai at sa lahat ng opisyal niya, “Kung ang anak ko nga ay binabalak akong patayin, paano pa kaya itong kamag-anak ni Saul? Inutusan siya ng PANGINOON kaya hayaan nʼyo na lang siya. Baka makita ng PANGINOON ang paghihirap ko, at gantihan niya ng kabutihan ang kasamaang nararanasan ko ngayon.” Kaya nagpatuloy sa paglakad sina David at ang mga tauhan niya. Sinusundan din sila ni Shimei, pero sa gilid ng burol lang siya dumadaan. Habang naglalakad siya, isinusumpa niya si David at hinahagisan ng bato at lupa. Napagod sina David at ang mga tauhan niya kaya nagpahinga sila pagdating nila sa Ilog ng Jordan.