Iginagalang ng hari ng Aram si Naaman na pinuno ng kanyang hukbo, dahil pinagtagumpay ng PANGINOON ang Aram sa pamamagitan niya. Matapang siyang sundalo, subalit may malubhang sakit sa balat.
Noong lumusob ang mga sundalo ng Aram sa Israel, may nabihag silang dalagita na naging alipin ng asawa ni Naaman. Isang araw, sinabi ng dalagita sa kanyang amo, “Kung makikipagkita lang sana ang amo ko sa propeta na nasa Samaria, pagagalingin siya nito sa sakit niya sa balat.”
Pumunta si Naaman sa hari at sinabi niya ang sinabi ng dalagitang nagmula sa Israel. Sinabi ng hari ng Aram, “Lumakad ka, dalhin mo ang sulat ko sa hari ng Israel.” Kaya umalis si Naaman na may dalang 350 kilong pilak, pitumpung kilong ginto at sampung pirasong damit. Ito ang mensahe ng sulat na dinala niya sa hari: Ipinadala ko sa iyo si Naaman na aking lingkod para pagalingin mo ang sakit niya sa balat.
Nang mabasa ng hari ng Israel ang sulat, pinunit niya ang damit niya at sinabi, “Bakit ipinadala niya sa akin ang taong ito na may malubhang sakit sa balat para pagalingin? Diyos ba ako? May kapangyarihan ba ako para pumatay at bumuhay? Gumagawa lang siya ng paraan para mag-away kami!”
Nang malaman ni Eliseo na lingkod ng Diyos ang nangyari, nagpadala siya ng ganitong mensahe sa hari: “Bakit mo pinunit ang damit mo? Papuntahin mo sa akin ang taong ʼyan para malaman niya na may propeta sa Israel.”
Kaya umalis si Naaman sakay ng mga kabayo at karwahe niya at huminto sa pintuan ng bahay ni Eliseo. Nagsugo si Eliseo ng mensahero para sabihin kay Naaman na pumunta siya sa Ilog Jordan, lumubog doon ng pitong beses at gagaling siya.
Ngunit nagalit si Naaman at padabog na umalis. Sinabi niya, “Akala ko, talagang lalabas siya at haharap sa akin. Iniisip ko na tatawagin niya ang PANGINOON niyang Diyos, at ikukumpas ang kanyang kamay sa ibabaw ng aking balat at pagagalingin ako. Ang mga ilog ng Abana at Farpar sa Damasco ay mas mabuti kaysa sa ibang mga ilog dito sa Israel. Bakit hindi na lang ako roon lumubog para gumaling?” Kaya umalis siyang galit na galit.
Ngunit lumapit ang mga utusan niya at sinabi, “Amo, kung may ipinapagawa po sa inyo na malaking bagay ang propeta, hindi ba gagawin ninyo ito? Pero bakit hindi ninyo magawa ang sinabi niya na maghugas at gagaling kayo.” Kaya si Naaman ay pumunta sa Ilog Jordan at lumubog ng pitong beses, ayon sa sinabi ng lingkod ng Diyos. Gumaling nga ang kanyang sakit at kuminis ang kanyang balat gaya ng balat ng sanggol.
Pagkatapos, bumalik si Naaman at ang mga kasama niya sa lingkod ng Diyos. Tumayo siya sa harap ni Eliseo at sinabi, “Ngayon, napatunayan ko na wala nang ibang Diyos sa buong mundo maliban sa Diyos ng Israel. Kaya pakiusap, tanggapin mo ang regalo ko saʼyo, Ginoo.”
Sumagot si Eliseo, “Sumusumpa ako sa buháy na PANGINOON na aking pinaglilingkuran, na hindi ako tatanggap ng anumang regalo.” Pinilit siya ni Naaman na tanggapin ang regalo, pero tumanggi siya.
Sinabi ni Naaman, “Kung hindi mo tatanggapin ang regalo ko, bigyan mo na lang po ako ng lupa na kayang dalhin ng aking dalawang mola at dadalhin ko sa amin. Mula ngayon, hindi na ako mag-aalay ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog sa anumang diyos maliban sa PANGINOON. Ngunit patawarin sana ako ng PANGINOON kapag sumáma ako sa hari na pumunta sa templo ng diyos na si Rimon para sumamba. Dapat lang na gawin ko ito bilang opisyal ng hari. Patawarin sana ako ng PANGINOON kung luluhod din ako roon.”
Sinabi ni Eliseo, “Umalis kang mapayapa.”
Ngunit hindi pa nakakalayo si Naaman ay