Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Hari 21:1-9

2 Hari 21:1-9 ASND

Si Manase ay 12 taong gulang nang maging hari ng Juda. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 55 taon. Ang ina niya ay si Hefziba. Masama ang ginawa niya sa paningin ng PANGINOON. Sumunod siya sa kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ng PANGINOON sa pamamagitan ng mga Israelita. Muli niyang ipinatayo ang mga sambahan sa matataas na lugar na ipinagiba ng ama niyang si Hezekia. Ipinatayo rin niya ang mga altar para kay Baal at nagpagawa ng posteng simbolo ng diosang si Ashera, tulad ng ipinagawa ni Haring Ahab ng Israel. Sumamba siya sa lahat ng bagay na nasa langit. Nagpagawa pa siya ng mga altar sa templo ng PANGINOON sa Jerusalem, ang lugar na sinabi ng PANGINOON na pararangalan siya. Inilagay niya ang mga altar sa magkabilang panig ng bakuran ng templo ng PANGINOON para sambahin ang lahat ng bagay sa langit. Inihandog pa niya ang sarili niyang anak sa apoy. Ginawa rin niya ang mga ginagawa ng mga mangkukulam at mga manghuhula, at nagtatanong siya sa mga espiritista na nakikipag-usap sa kaluluwa ng patay. Labis ang pagkakasala ni Manase na nakapagpagalit sa PANGINOON. Ang ipinagawa niya na posteng simbolo ng diosang si Ashera ay inilagay niya sa templo, ang lugar kung saan sinabi ng PANGINOON kay David at sa anak nitong si Solomon, “Pararangalan ako habang buhay sa templong ito at sa Jerusalem, ang lugar na pinili ko sa lahat ng lahi ng Israel. Kung tutuparin lang ng mamamayan ng Israel ang lahat ng kautusan na ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ng lingkod kong si Moises, hindi ko papayagang palayasin sila sa lupaing ito na ibinigay ko sa mga ninuno nila.” Pero ayaw makinig ng mga tao. Inudyukan sila ni Manase sa paggawa ng masasama at ang ginawa nila ay mas masama pa kaysa sa ginawa ng mga bansang nilipol ng PANGINOON sa pamamagitan ng mga Israelita.