Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

2 Corinto 8:8-24

2 Corinto 8:8-24 ASND

Hindi sa inuutusan ko kayo; sinasabi ko lamang sa inyo ang ginagawang pagtulong ng iba para maipakita rin ninyo sa amin na tunay ang inyong pagmamahal. Sapagkat alam naman ninyo ang biyayang ipinakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit na mayaman siya doon sa langit ay nagpakadukha siya dito sa mundo alang-alang sa atin, para sa pamamagitan ng kanyang kahirapan ay maging mayaman tayo. Kaya ito ang maipapayo ko sa inyo: Makabubuti kung ipagpapatuloy ninyo ang inumpisahan ninyong pagbibigay noong nakaraang taon. Kayo ang unang nakaisip nito, at kayo rin ang unang nagsagawa. Kaya ituloy ninyo ito! Pagsikapan ninyong tapusin ang gawain na masigasig ninyong inumpisahan, at magbigay kayo sa abot ng inyong makakaya. Sapagkat kung kusang-loob ang inyong pagbibigay, tatanggapin ng Dios ang anumang makayanan ninyo. Hindi niya kayo pinagbibigay nang hindi ninyo kaya. Hindi ko sinasabi na magbigay kayo para guminhawa ang iba at kayo naman ang maghirap, kundi para magkaroon ng pagkakapantay-pantay sa ating kalagayan. Sa ngayon ay masagana kayo, kaya nararapat lamang na tulungan ninyo ang nangangailangan. Sa panahon na kayo naman ang mangailangan, at sila ang masagana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa ganoon, magkakapantay-pantay ang kalagayan ng isaʼt isa. Ayon nga sa Kasulatan, “Ang nagtipon ng marami ay hindi sumobra, at ang nagtipon ng kaunti ay hindi naman kinulang.” Nagpapasalamat kami sa Dios na ipinadama niya sa puso ni Tito ang pagmamalasakit sa inyo na tulad ng pagmamalasakit namin sa inyo. Sapagkat hindi lang siya sumang-ayon sa aming pakiusap, kundi siya na rin mismo ang may gustong pumunta riyan. Pasasamahin namin sa kanya ang isa sa mga kapatid natin na kilala sa lahat ng iglesya dahil sa paglilingkod niya para sa Magandang Balita. Hindi lang iyan, siya rin ang pinili ng mga iglesya na sumama sa amin para magdala ng tulong sa mga nangangailangan, nang sa ganoon ay maparangalan ang Panginoon at maipakita namin na talagang gusto naming makatulong. Isinusugo namin siya kasama si Tito dahil nais naming maiwasang may masabi ang iba tungkol sa pangangasiwa namin sa malaking tulong na ito. Sapagkat sinisikap naming gawin ang tama, hindi lamang sa paningin ng Panginoon, kundi maging sa paningin ng tao. Kasama nila sa pagpunta riyan ang isa pang kapatid sa pananampalataya, na subok na namin sa maraming bagay at nakita namin ang kanyang sigasig sa pagtulong. At higit pa nga ang kanyang sigasig ngayon, dahil malaki ang kanyang tiwala sa inyo. Tungkol naman kay Tito, siya ang kasama at katulong ko sa aking mga gawain diyan sa inyo. Tungkol naman sa mga kapatid na kasama niya, sila ang mga kinatawan ng mga iglesya. Ang kanilang pamumuhay ay isang karangalan para kay Cristo. Kaya ipakita ninyo sa kanila ang inyong pagmamahal para mapatunayan nila na talagang totoo ang pagmamalaki namin sa inyo, at malaman din ito ng ibang iglesya sa pamamagitan nila.