Bilang mga katuwang sa gawain ng Dios, nakikiusap kami sa inyo na huwag ninyong balewalain ang biyaya ng Dios na inyong natanggap. Sapagkat sinabi ng Dios,
“Dininig kita sa tamang panahon,
at tinulungan kita sa araw ng kaligtasan.”
Kaya makinig kayo! Ngayon na ang tamang panahon! Ngayon na ang araw ng kaligtasan.
Hindi kami gumagawa ng kahit ano na ikatitisod ng ibang tao, para hindi mapintasan ang paglilingkod namin sa Dios. Sa lahat ng aming ginagawa, sinisikap naming ipakita na kami ay totoong mga lingkod ng Dios. Tinitiis namin anumang hirap, pasakit, at kagipitan. Nakaranas kami ng pambubugbog, pagkakakulong, at panggugulo ng mga tao. Nagsikap kami nang husto, at kung minsan ay wala pang tulog at wala ring pagkain. Pinatunayan namin sa lahat na kami ay mga tunay na lingkod ng Dios sa pamamagitan ng aming malinis na pamumuhay, kaalaman, pagtitiyaga, kagandahang-loob, sa pamamagitan ng patnubay ng Banal na Espiritu sa amin, sa tapat na pag-ibig at pananalita, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Dios. Ang matuwid naming pamumuhay ang aming sandata na panlaban at pananggalang sa kaaway. Bilang mga lingkod ng Dios, naranasan naming parangalan at siraan ng kapwa, purihin ng iba at laitin ng iba. Pawang katotohanan ang aming mga sinasabi, ngunit itinuturing kaming mga sinungaling. Kami ay tanyag, ngunit hindi kinikilala; lagi kaming nasa bingit ng kamatayan, ngunit buhay pa rin hanggang ngayon. Dinidisiplina kami ng Dios pero hindi pinapatay. May mga nagpapalungkot sa amin, ngunit lagi pa rin kaming masaya. Mahirap lang kami, ngunit marami kaming pinapayaman. Kung tungkol sa mga bagay dito sa mundo, wala kaming masasabing amin, ngunit ang totoo, kami ang nagmamay-ari sa lahat ng mga bagay.
Mga taga-Corinto, naging tapat kami sa aming pananalita sa inyo, dahil mahal na mahal namin kayo.