Pinalalakas niya ang ating loob sa lahat ng ating paghihirap, para sa pamamagitan ng kalakasan ng loob na ibinigay sa atin ng Dios ay mapalakas din natin ang loob ng ibang naghihirap. Sapagkat kung gaano karami ang mga paghihirap natin dahil kay Cristo, ganoon din karaming beses niyang pinalalakas ang ating loob. Kung naghihirap man kami, itoʼy para mapalakas ang inyong loob, at para kayoʼy maligtas. At kung pinalakas man ng Dios ang aming loob, itoʼy para mapalakas din ang loob ninyo, nang sa ganoon ay makayanan ninyo ang mga paghihirap na tulad ng dinaranas namin. Kaya malaki ang aming pag-asa para sa inyo, dahil alam namin na kung naghihirap kayo tulad namin, palalakasin din ng Dios ang inyong loob tulad ng sa amin.
Mga kapatid, gusto naming malaman ninyo ang mga paghihirap na dinanas namin sa lalawigan ng Asia. Napakabigat ng mga dinanas namin doon, halos hindi na namin nakayanan at nawalan na kami ng pag-asang mabuhay pa. Ang akala namin noon ay katapusan na namin. Ngunit nangyari ang lahat ng iyon para matuto kami na huwag magtiwala sa aming sarili kundi sa Dios na siyang bumubuhay ng mga patay. Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy niya kaming ililigtas. At umaasa kami na patuloy niyang gagawin ito sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa ganoon, marami ang magpapasalamat sa Dios dahil sa mga pagpapalang tatanggapin namin mula sa kanya bilang sagot sa mga panalangin ng marami.
Isang bagay ang maipagmamalaki namin: Namumuhay kaming matuwid at tapat sa harap ng lahat ng tao, lalung-lalo na sa inyo. Nagawa namin ito hindi sa pamamagitan ng karunungan ng mundo kundi dahil sa biyaya ng Dios. At pinatutunayan ng aming konsensya na talagang totoo itong aming ipinagmamalaki. Sapagkat wala kaming isinusulat sa inyo na hindi ninyo mabasa o maintindihan. Kahit na hindi nʼyo pa kami kilalang mabuti, umaasa akong darating ang araw na makikilala nʼyo kami nang lubusan, para maipagmalaki ninyo kami sa araw ng pagdating ng Panginoong Jesus, at maipagmamalaki rin namin kayo.
Dahil sa tiwalang ito, binalak kong bisitahin kayo noong una, para makatanggap kayo ng dobleng pagpapala sa pagbisita ko sa inyo ng dalawang beses. Binalak kong dumaan muna sa inyo pagpunta ko sa Macedonia, at sa aking pagbalik mula roon, muli akong dadaan diyan para matulungan ninyo ako sa aking paglalakbay papuntang Judea. Iyon sana ang plano ko noon. Ngunit dahil hindi ito natuloy, masasabi ba ninyong pabago-bago ang aking isip? Katulad din ba ako ng mga taong makamundo na “Oo” nang “Oo,” pero “Hindi” naman pala ang ibig sabihin? Aba, hindi! Kung paanong tapat ang Dios, ganoon din naman kami sa aming mga sinasabi. Kami nina Silas at Timoteo ay nangaral sa inyo tungkol kay Jesu-Cristo na Anak ng Dios. At alam ninyong si Cristoʼy tapat sa kanyang mga salita. Talagang tutuparin niya ang kanyang mga pangako. Sapagkat kahit gaano man karami ang pangako ng Dios, tutuparin niyang lahat ito sa pamamagitan ni Cristo. Kaya nga masasabi natin na tapat ang Dios, at itoʼy nakapagbibigay ng kapurihan sa kanya.