2 Cronica 33
33
Ang Paghahari ni Manase sa Juda
(2 Hari 21:1-18)
1Si Manase ay 12 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 55 taon. 2Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita. 3Muli niyang ipinatayo ang mga sambahan sa matataas na lugar#33:3 sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod. na ipinagiba ng ama niyang si Hezekia. Nagpatayo rin siya ng mga altar para kay Baal at nagpagawa ng mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. Sumamba siya sa lahat ng bagay sa langit. 4Nagpagawa pa siya ng mga altar sa templo ng Panginoon sa Jerusalem, na ayon sa Panginoon ay ang lugar na kung saan pararangalan siya magpakailanman. 5Inilagay niya ang mga altar sa dalawang bakuran ng templo ng Panginoon para sambahin ang lahat ng bagay sa langit. 6Inihandog niya sa pamamagitan ng apoy ang kanyang mga anak#33:6 Inihandog niya sa pamamagitan ng apoy ang kanyang mga anak: o, Idinaan niya sa apoy ang kanyang mga anak., sa Lambak ng Ben Hinom. Ginawa rin niya ang mga ginagawa ng mga manghuhula at mangkukulam, at nagtatanong siya sa mga espiritista na nakikipag-usap sa kaluluwa ng mga patay. Napakasama ng ginawa niya at nakapagpagalit ito sa Panginoon.
7Inilagay niya sa templo ang imahen na kanyang ipinagawa, kung saan sinabi ng Panginoon kay David at sa anak niyang si Solomon, “Pararangalan ako magpakailanman sa templong ito at sa Jerusalem, ang lugar na aking pinili mula sa lahat ng lugar ng mga lahi ng Israel. 8Kung tutuparin lang ng mga mamamayan ng Israel ang lahat ng kautusan at tuntunin ko na ibinigay sa kanila ni Moises, hindi ko papayagang paalisin sila rito sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno.” 9Pero hinikayat ni Manase ang mga mamamayan ng Juda at Jerusalem sa paggawa ng masama, at ang ginawa nila ay mas malala pa sa ginawa ng mga bansang ipinalipol ng Panginoon sa harap ng mga Israelita.
10Kahit binalaan ng Panginoon si Manase at ang kanyang mga mamamayan, hindi pa rin sila nakinig sa kanya. 11Kaya ipinalusob sila ng Panginoon sa mga sundalo ng Asiria. Binihag nila si Manase, nilagyan ng kawit ang kanyang ilong, kinadenahan, at dinala sa Babilonia. 12Sa kanyang paghihirap, nagpakumbaba siya at nagmakaawa sa Panginoon na kanyang Dios, na Dios din ng kanyang mga ninuno. 13At nang nanalangin siya, pinakinggan siya ng Panginoon. Naawa ang Panginoon sa kanyang mga pagmamakaawa. Kaya pinabalik siya ng Panginoon sa Jerusalem at sa kaharian niya. At napagtanto ni Manase na ang Panginoon ang Dios.
14Simula noon, ipinaayos ni Manase ang panlabas na pader ng Lungsod ni David mula sa kanluran ng Gihon, sa may lambak hanggang sa pintuan na tinatawag na Isda, paliko sa bulubundukin ng Ofel. Pinataasan din niya ito. Pagkatapos, naglagay siya ng mga pinuno sa lahat ng napapaderang lungsod ng Juda. 15Ipinaalis niya ang mga dios-diosan ng taga-ibang bansa at ang imahen sa templo ng Panginoon. Ipinaalis din niya ang mga altar na ipinatayo niya sa burol na kinatatayuan ng templo at ang mga altar sa ibang bahagi ng Jerusalem, at ipinatapon niya ito sa labas ng lungsod. 16Pagkatapos, ipinaayos niya ang altar ng Panginoon, at pinag-alayan ng mga handog para sa mabuting relasyon at mga handog ng pasasalamat. Sinabihan niya ang mga mamamayan ng Juda na maglingkod sa Panginoon, ang Dios ng Israel.
17Ganoon pa man, naghahandog pa rin ang mga tao sa mga sambahan sa matataas na lugar, pero ang Panginoon lang na kanilang Dios ang hinahandugan nila. 18Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Manase, pati ang pananalangin niya sa Dios at ang mga sinabi ng mga propeta sa kanya sa pangalan ng Panginoon, ang Dios ng Israel ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. 19Ang panalangin niya at ang sagot ng Panginoon sa kanya, pati ang lahat niyang kasalanan at pagsuway sa Panginoon ay nakasulat sa aklat ng mga Propeta. Nakatala rin dito ang mga lugar na pinatayuan niya ng mga sambahan, mga posteng simbolo ng diosang si Ashera at ng iba pang mga dios-diosan, bago pa siya nagpakumbaba sa Dios. 20Nang mamatay si Manase, inilibing siya sa palasyo niya. At ang anak niyang si Ammon ang pumalit sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Ammon sa Juda
(2 Hari 21:19-26)
21Si Ammon ay 22 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng dalawang taon. 22Masama ang ginawa ni Ammon sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ni Manase na kanyang ama. Sinamba at hinandugan niya ang mga dios-diosan na ipinagawa ni Manase. 23Pero hindi tulad ng kanyang ama, hindi siya nagpakumbaba sa Panginoon. Sa halip, dinagdagan pa niya ang kanyang kasalanan.
24Nagplano ng masama ang mga opisyal ni Ammon laban sa kanya at pinatay siya sa palasyo niya. 25Pero pinatay ng mga mamamayan ng Juda ang lahat ng pumatay kay Haring Ammon. At ang anak niyang si Josia ang ipinalit nila bilang hari.
Kasalukuyang Napili:
2 Cronica 33: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.