Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Timoteo 1:6-18

1 Timoteo 1:6-18 ASD

May ilang tumalikod na sa mga bagay na ito, at bumaling sa walang kuwentang usapin. Gusto nilang maging tagapagturo ng Kautusan, ngunit hindi naman nila nauunawaan ang mga sinasabi nila, o ang mga bagay na buong tiwala nilang pinaninindigan. Alam nating mabuti ang Kautusan kung ginagamit ito sa wastong paraan. Sapagkat hindi ibinigay ang Kautusan para sa mga matuwid, kundi para sa mga lumalabag sa Kautusan at mapaghimagsik, sa mga hindi kumikilala sa Diyos at makasalanan, sa mga hindi namumuhay sa kabanalan at sa mga lapastangan, sa mga pumapatay sa sariling magulang, at sa mga mamamatay-tao, para sa mga gumagawa ng seksuwal na imoralidad, sa mga nakikipagtalik sa kapwa lalaki o babae, sa mga kidnaper, sa mga sinungaling at sa mga sumasaksi nang hindi totoo, at sa sinumang sumasalungat sa tamang aral na naaayon sa Magandang Balita ng dakila at mapagpalang Diyos na ipinagkatiwala sa akin. Nagpapasalamat ako kay Kristo Hesus na ating Panginoon na nagbigay sa akin ng lakas na maglingkod sa kanya, dahil itinuring niya akong mapagkakatiwalaan. Kaya nga pinili niya akong maglingkod sa kanya, kahit na nilapastangan ko siya noong una. Bukod pa riyan, inusig at nilait ko ang mga sumasampalataya sa kanya. Ngunit kinaawaan ako ng Diyos, dahil ginawa ko ito noong hindi pa ako sumasampalataya sa kanya at hindi ko alam ang ginagawa ko. Umaapaw ang biyayang ipinagkaloob ng ating Panginoon sa akin. Binigyan niya ako ng kakayahang sumampalataya sa kanya at umibig sa aking kapwa. Ang kakayahang ito ay napasaatin na nakipagkaisa kay Kristo Hesus. Mapagkakatiwalaan ang salitang ito at karapat-dapat tanggapin ng lahat: Naparito si Kristo Hesus sa mundo upang iligtas ang mga makasalanan, at ako ang pinakamakasalanan sa lahat. Ngunit kinaawaan ako ng Diyos upang maipakita ni Kristo Hesus sa pamamagitan ko ang kanyang lubos na pagtitiyaga sa mga makasalanan. Magsisilbing halimbawa ang ginawa ni Kristo sa akin para sa ibang sasampalataya sa kanya na pagkakalooban niya ng buhay na walang hanggan. Sa nag-iisang Diyos, ang Haring walang hanggan, walang kamatayan at di-nakikita; sa kanya ang papuri at kaluwalhatian, magpakailanman. Amen. Timoteo, anak ko, itinatagubilin ko sa iyo ang mga ito ayon sa pahayag na sinabi tungkol saʼyo, upang sa pag-alaala mo sa mga itoʼy magawa mong makipaglaban nang mabuti.