Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Samuel 23:14-29

1 Samuel 23:14-29 ASND

Nagtago si David sa mga kuta sa ilang at sa kaburulan ng disyerto ng Zif. Araw-araw ay hinahanap siya ni Saul, pero hindi siya ibinigay ng Dios kay Saul. Isang araw, habang naroon pa si David sa Hores sa disyerto ng Zif, nabalitaan niya na pumunta roon si Saul para patayin siya. Pinuntahan siya ni Jonatan para palakasin ang pananampalataya niya sa Dios. Sinabi ni Jonatan, “Huwag kang matakot. Hindi ka magagalaw ng aking ama. Nalalaman ng aking ama na magiging hari ka ng Israel at magiging pangalawa lang ako sa iyo.” Gumawa silang dalawa ng kasunduan sa presensya ng PANGINOON. At pagkatapos, umuwi na si Jonatan pero nagpaiwan si David sa Hores. Ngayon, may mga taga-Zif na pumunta kay Saul sa Gibea at nagsabi, “Nagtatago po si David sa amin doon sa Hores sa kaburulan ng Hakila, sa gawing timog ng Jeshimon. Kaya Mahal na Hari, pumunta po kayo roon anumang oras na gustuhin ninyo at kami na ang bahala. Ibibigay namin sa inyo si David.” Sumagot si Saul, “Pagpalain sana kayo ng PANGINOON sa pag-aalala ninyo sa akin. Lumakad na kayo at tiyakin ninyo kung saan siya pumupunta at kung sino ang nakakita sa kanya roon, dahil alam kong napakatuso niya. Alamin ninyo kung saan siya pwedeng magtago at bumalik kayo rito kapag sigurado na kayo. Pagkatapos, sasama ako sa inyo at kung naroon pa siya, hahanapin ko siya kahit saan sa lupain ng Juda.” Kaya nauna sila kay Saul papuntang Zif. Samantala, si David at ang kanyang mga tauhan ay nasa disyerto ng Maon sa Araba, sa gawing timog ng Jeshimon. Pagdating ni Saul at ng mga tauhan niya sa Zif, hinanap nila si David. Nang malaman ito ni David, nagtago siya sa malaking bato sa disyerto ng Maon at doon siya nanirahan. Nang mabalitaan ito ni Saul, pumunta siya sa disyerto ng Maon para hanapin si David. Habang sina Saul at ang mga tauhan niya ay nasa kabilang gilid ng bundok, sina David at ang mga tauhan naman niya ay nasa kabilang gilid at nagmamadaling makalayo kay Saul. Nang malapit na silang maabutan ni Saul at ng kanyang mga tauhan, dumating ang isang mensahero at sinabi kay Saul, “Bumalik po muna kayo dahil sinasalakay tayo ng mga Filisteo ang ating bayan.” Kaya tumigil si Saul sa paghabol kina David at bumalik para labanan ang mga Filisteo. At dahil sa lugar na iyon naghiwalay si David at si Saul, tinawag ang lugar na iyon na “Batong Pinaghiwalayan.” Mula roon, dumiretso si David sa mga kuta ng En Gedi at doon nagtago.