Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Samuel 2:12-17

1 Samuel 2:12-17 ASND

Masasamang tao ang dalawang anak ni Eli. Hindi sila sumusunod sa Dios dahil hindi nila sinusunod ang mga tuntunin tungkol sa bahaging matatanggap ng mga pari galing sa handog ng mga tao. Ito ang kanilang ginagawa kapag may naghahandog: Habang pinapakuluan ang mga karneng ihahandog, pinapapunta nila roon ang alipin nila na may dalang malaking tinidor na may tatlong tulis. Pagkatapos, tinutusok ng alipin ang mga karne sa loob ng kaldero o palayok. Ang matusok ng tinidor ay ang bahaging mapupunta sa mga pari. Ganito ang kanilang ginagawa tuwing maghahandog ang mga Israelita sa Shilo. At bago pa masunog ang taba ng karne, pumupunta na ang alipin at sinasabi sa naghahandog, “Bigyan mo ang pari ng karneng maiihaw. Hindi siya tumatanggap ng pinakuluan. Hilaw ang gusto niya.” Kapag sinabi ng naghahandog na hintayin munang maihandog ang taba ng karne bago siya kumuha ng gusto niya, sasagot ang alipin, “Hindi maaari! Kailangang ngayon mo ibigay dahil kung hindi, aagawin ko iyan sa iyo.” Malaking kasalanan sa paningin ng PANGINOON ang ginagawa ng mga anak ni Eli dahil hindi nila iginagalang ang handog para sa PANGINOON.