Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Samuel 2:1-26

1 Samuel 2:1-26 ASND

At nanalangin si Hanna, “Nagagalak ako sa PANGINOON! Dahil sa kanyang ginawa, hindi na ako mahihiya. Tinatawanan ko ngayon ang aking mga kaaway. Nagagalak ako sa pagliligtas niya sa akin. Walang ibang banal maliban sa PANGINOON. Wala siyang katulad. Walang Bato na kanlungan tulad ng ating Dios. Walang sinumang makapagyayabang dahil alam ng PANGINOONG Dios ang lahat ng bagay, at hinahatulan niya ang mga gawa ng tao. Nililipol niya ang mga makapangyarihan, ngunit pinalalakas niya ang mahihina. Ang mayayaman noon, ngayon ay nagtatrabaho para lang may makain. Ngunit ang mahihirap noon ay sagana na ngayon. Ang dating baog ay marami nang anak. Ngunit ang may maraming anak ay nawalan ng mga ito. May kapangyarihan ang PANGINOON na patayin o buhayin ang tao. May kapangyarihan siyang ilagay sila sa lugar ng mga patay o kunin sila roon. Ang PANGINOON ang nagpapadukha at nagpapayaman. Itinataas niya ang iba at ang iba naman ay kanyang ibinababa. Ibinabangon niya ang mga mahihirap sa kanilang kahirapan. Pinapaupo niya sila kasama ng mga maharlika at pinararangalan. Sa kanya ang pundasyon na kinatatayuan ng mundo. Iniingatan niya ang tapat niyang mamamayan. Ngunit lilipulin niya ang masasama. Walang sinumang magtatagumpay sa pamamagitan ng sarili niyang kalakasan. Dudurugin niya ang kanyang mga kaaway. Padadagundungin niya ang langit laban sa kanila. Ang PANGINOON ang hahatol sa buong mundo. Dahil sa kanya, magiging makapangyarihan at laging magtatagumpay ang haring kanyang hinirang.” Pagkatapos, umuwi si Elkana at ang sambahayan niya sa Rama. Pero iniwan nila si Samuel para maglingkod sa PANGINOON sa ilalim ng pangangalaga ni Eli na pari. Masasamang tao ang dalawang anak ni Eli. Hindi sila sumusunod sa Dios dahil hindi nila sinusunod ang mga tuntunin tungkol sa bahaging matatanggap ng mga pari galing sa handog ng mga tao. Ito ang kanilang ginagawa kapag may naghahandog: Habang pinapakuluan ang mga karneng ihahandog, pinapapunta nila roon ang alipin nila na may dalang malaking tinidor na may tatlong tulis. Pagkatapos, tinutusok ng alipin ang mga karne sa loob ng kaldero o palayok. Ang matusok ng tinidor ay ang bahaging mapupunta sa mga pari. Ganito ang kanilang ginagawa tuwing maghahandog ang mga Israelita sa Shilo. At bago pa masunog ang taba ng karne, pumupunta na ang alipin at sinasabi sa naghahandog, “Bigyan mo ang pari ng karneng maiihaw. Hindi siya tumatanggap ng pinakuluan. Hilaw ang gusto niya.” Kapag sinabi ng naghahandog na hintayin munang maihandog ang taba ng karne bago siya kumuha ng gusto niya, sasagot ang alipin, “Hindi maaari! Kailangang ngayon mo ibigay dahil kung hindi, aagawin ko iyan sa iyo.” Malaking kasalanan sa paningin ng PANGINOON ang ginagawa ng mga anak ni Eli dahil hindi nila iginagalang ang handog para sa PANGINOON. Samantala, patuloy na naglilingkod sa PANGINOON ang batang si Samuel. Suot-suot niya ang espesyal na damit na gawa sa telang linen. Taun-taon, iginagawa ni Hanna ng balabal si Samuel, at dinadala niya ito kay Samuel sa tuwing maghahandog sila ng asawa niya ng taunang handog. Doon, binabasbasan ni Eli si Elkana at ang kanyang asawa. Sinasabi niya kay Elkana, “Sanaʼy bigyan ka ng PANGINOON ng mga anak sa babaeng ito kapalit ng kanyang hiningi at inihandog sa PANGINOON.” Pagkatapos, umuwi na sila. Kinahabagan ng PANGINOON si Hanna. Nagkaanak pa siya ng tatlong lalaki at dalawang babae, habang si Samuel ay patuloy na lumalaking naglilingkod sa PANGINOON. Matandang-matanda na si Eli. Nabalitaan niya ang lahat ng kasamaang ginagawa ng kanyang mga anak sa mga Israelita. Nalaman na rin niya ang pagsiping ng mga ito sa mga babaeng naglilingkod sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Kaya sinabihan niya ang mga ito, “Nabalitaan ko sa mga tao ang lahat ng kasamaang ginagawa ninyo. Bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Mga anak, tigilan na ninyo ito, dahil hindi maganda ang nababalitaan ko tungkol sa inyo mula sa mga mamamayan ng PANGINOON.” Sinabi pa ni Eli, “Kung magkasala ang isang tao sa kanyang kapwa, maaaring mamamagitan ang Dios sa kanila; pero sino ang mamamagitan kung magkasala ang tao sa PANGINOON?” Pero hindi nakinig ang mga anak niya dahil nakapagpasya na ang PANGINOON na patayin sila. Samantala, patuloy na lumalaki si Samuel, at kinalulugdan siya ng PANGINOON at ng mga tao.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa 1 Samuel 2:1-26