Sinunod ni Samuel ang iniutos ng PANGINOON. Pagdating niya sa Betlehem, sinalubong siya ng mga tagapamahala ng bayan na nanginginig sa takot. Nagtanong sila, “Kapayapaan ba ang pakay mo sa pagpunta rito?” Sumagot si Samuel, “Oo, matiwasay akong pumunta rito para maghandog sa PANGINOON. Maglinis kayo ng sarili ninyo sa pagharap sa kanya at sumama kayo sa akin sa paghahandog.” Pagkatapos, ginawa ni Samuel ang seremonya para linisin si Jesse at ang mga anak niya at inanyayahan din sila sa paghahandog. Pagdating nila, nakita ni Samuel si Eliab at naisip niya, “Siguradong siya na ang pinili ng PANGINOON na maging hari.” Pero sinabi ng PANGINOON kay Samuel, “Huwag mong tingnan ang tangkad at ang kakisigan niya dahil hindi siya ang pinili ko. Hindi ako tumitingin na gaya ng pagtingin ng tao. Ang taoʼy tumitingin sa panlabas na kaanyuan, ngunit ang tinitingnan koʼy ang puso.” Tinawag ni Jesse si Abinadab at pinapunta kay Samuel. Pero sinabi ni Samuel, “Hindi siya ang pinili ng PANGINOON.” Pagkatapos, pinapunta ni Jesse si Shama kay Samuel, pero sinabi ni Samuel, “Hindi rin siya ang pinili ng PANGINOON.” Pinapunta ni Jesse kay Samuel ang pito niyang mga anak na lalaki, pero sinabi ni Samuel sa kanya, “Wala ni isa man sa kanila ang pinili ng PANGINOON.” Tinanong ni Samuel si Jesse, “Sila na bang lahat ang anak mo?” Sumagot si Jesse, “May isa pa, ang bunso, pero nagpapastol siya ng mga tupa.” Sinabi ni Samuel, “Ipasundo mo siya. Hindi tayo magpapatuloy sa ating gagawin hanggaʼt hindi siya dumarating.” Kaya ipinatawag ni Jesse si David at pinapunta sa kanila. Magandang lalaki siya, mamula-mula ang mukha at maganda ang mga mata. Pagkatapos, sinabi ng PANGINOON, “Pahiran mo siya ng langis dahil siya ang pinili ko.” Kaya kinuha ni Samuel ang langis at pinahiran niya sa ulo si David sa harap ng kanyang mga kapatid. Simula nang araw na iyon, napuspos siya ng Espiritu ng PANGINOON. At umuwi naman si Samuel sa Rama.
Basahin 1 Samuel 16
Makinig sa 1 Samuel 16
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: 1 Samuel 16:4-13
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas