Isang araw, sinabi ni Jonatan sa binata na tagapagdala ng kanyang armas, “Halika, pumunta tayo sa kampo ng mga Filisteo.” Pero hindi niya ito sinabi sa kanyang ama.
Si Saul naman noon ay nasa ilalim ng punong pomegranata sa Migron, na nasa labas ng Gibea, at kasama ang 600 niyang tauhan sa di-kalayuan. Naroon din ang paring si Ahia na nakasuot ng espesyal na damit ng pari. Si Ahia ay anak ni Ahitub na kapatid ni Icabod. Si Ahitub ay anak ni Finehas na anak naman ni Eli na pari na naglingkod noon sa Shilo. Walang nakakaalam na umalis si Jonatan.
May bangin sa magkabilang gilid ng dinadaanan ni Jonatan papunta sa kampo ng mga Filisteo; ang isaʼy tinatawag na Bozez at ang isaʼy tinatawag na Sene. Ang isaʼy nasa gawing hilaga at nakaharap sa Micmash, at ang isaʼy nasa gawing timog at nakaharap sa Gibea.
Sinabi ni Jonatan sa tagapagdala niya ng armas, “Puntahan natin ang kampo ng mga taong iyon na hindi kumikilala sa Dios. Baka sakaling tulungan tayo ng PANGINOON, dahil walang makakapigil kung loloobin niyang magtagumpay tayo, kahit marami o kakaunti tayo.” Sinabi ng tagapagdala niya ng armas, “Gawin nʼyo po ang anumang iniisip ninyo. Kasama nʼyo ako kahit ano ang mangyari.”
Sinabi ni Jonatan, “Tayo na, pupuntahan natin sila at magpapakita tayo sa kanila. Kung sasabihin nilang sila ang lalapit sa atin para makipaglaban, hindi na tayo aakyat pa sa kanila, hihintayin na lang natin sila. Pero kung sasabihin nilang tayo ang lumapit, aakyat tayo dahil iyon ang tanda na ipapatalo sila sa atin ng PANGINOON.”
Nang magpakita silang dalawa roon sa mga Filisteo, sumigaw ang mga Filisteo, “Tingnan ninyo ang mga Hebreo! Naglalabasan na sila mula sa pinagtataguan nila.” At sinigawan nila sina Jonatan at ang tagapagdala niya ng armas, “Lumapit kayo rito, nang maturuan namin kayo ng leksyon.” Sinabi ni Jonatan sa tagapagdala niya ng armas, “Halika, sumunod ka sa akin dahil tutulungan tayo ng PANGINOON na talunin sila ng Israel.”
Kaya gumapang si Jonatan paakyat, kasunod ang tagapagdala niya ng armas. Pinatay ni Jonatan ang mga Filisteo at ganoon din ang ginawa ng tagapagdala niya ng armas. Sa unang pagsalakay na ito, napatay nila ang 20 Filisteo at nagkalat ang mga bangkay ng mga ito sa kalahating ektaryang lupa roon. Natakot nang matindi ang mga Filisteong nasa kampo, nasa bukid, at pati na ang mga sundalo nilang sasalakay. At lumindol, kaya lalo pang tumindi ang takot nila.
Doon sa Gibea, sa lupain ng Benjamin, nakita ng mga tagapagbantay ni Saul ang mga sundalong Filisteo na nagtatakbuhan papunta sa ibaʼt ibang direksyon. Sinabi ni Saul sa mga tauhan niya, “Tipunin ninyo ang mga sundalo at tingnan kung sino ang nawawala.” At nalaman nila na wala si Jonatan at ang tagapagdala niya ng armas.
Sinabi ni Saul kay Ahia, “Dalhin dito ang Kahon ng Dios.” (Nang panahong iyon, ang Kahon ng Kasunduan ay nasa mga Israelita.) Habang nakikipag-usap si Saul sa pari, lalo pang lumakas ang sigawan at kaguluhan sa kampo ng mga Filisteo kaya sinabi ni Saul kay Ahia, “Hayaan mo na. Itigil mo na iyan.” Agad na tinipon ni Saul ang mga tauhan niya at sumugod sa digmaan. Nakita nila ang mga Filisteo na nagkakagulo at sila-sila ang nagpapatayan. Pati na ang mga Hebreong dating kakampi ng mga Filisteo ay pumunta sa kampo ng mga Israelita at kumampi kina Saul at Jonatan. Nang makita ng lahat ng mga Israelitang nagtatago sa kaburulan ng Efraim na nagsisitakas ang mga Filisteo, sumama na rin sila sa paghabol. Nang araw na iyon, iniligtas ng PANGINOON ang mga Israelita at umabot pa ang digmaan hanggang sa Bet Aven.