Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Hari 2:2-46

1 Hari 2:2-46 ASND

“Malapit na akong mamatay, kaya magpakatatag ka at magpakatapang, at sundin ang mga iniuutos ng PANGINOON na iyong Dios. Sumunod ka sa kanyang mga pamamaraan, mga tuntunin at mga utos na nakasulat sa Kautusan ni Moises para magtagumpay ka sa lahat ng gagawin mo, saan ka man magpunta. Kung gagawin mo ito, tutuparin ng PANGINOON ang pangako niya sa akin, na kung ang aking mga lahi ay mamumuhay nang tama at buong buhay na susunod sa kanya nang may katapatan, laging sa kanila magmumula ang maghahari sa Israel. “Ito pa ang bilin ko sa iyo: Nalaman mo kung ano ang ginawa sa akin ni Joab na anak ni Zeruya. Pinatay niya ang dalawang kumander ng mga sundalo ng Israel na si Abner na anak ni Ner at si Amasa na anak ni Jeter. Pinatay niya sila na parang mga kaaway, pero ginawa niya iyon sa panahon na walang labanan. Siya ang may pananagutan sa pagkamatay nila. Kaya gawin mo ang naiisip mong mabuting gawin sa kanya, pero huwag mong hayaan na payapa siyang mamatay sa katandaan. “Ngunit maging mabuti ka sa mga anak ni Barzilai na taga-Gilead at pakainin silang kasama mo, dahil tinulungan nila ako nang tumakas ako sa kapatid mong si Absalom. “Tandaan mo si Shimei na anak ni Gera, na taga-Bahurim at mula sa lahi ni Benjamin. Isinumpa niya ako ng matindi nang pumunta ako sa Mahanaim. Pero nang magkita kami sa Ilog ng Jordan, nakipagkasundo ako sa kanya sa pangalan ng PANGINOON na hindi ko siya papatayin. Pero ngayon, ikaw ang hahatol sa kanya. Matalino ka, at alam mo kung ano ang dapat gawin. Kahit matanda na siya, ipapatay mo siya.” Pagkatapos, namatay si David at inilibing sa kanyang lungsod. Naghari siya sa buong Israel sa loob ng 40 taon – pitong taon sa Hebron at 33 taon sa Jerusalem. Si Solomon ang pumalit sa ama niyang si David bilang hari, at tunay na matatag ang kaharian niya. Ngayon, si Adonia na anak ni Hagit ay pumunta kay Batsheba na ina ni Solomon. Nagtanong si Batsheba sa kanya, “Mabuti ba ang pakay mo sa pagpunta rito?” Sumagot si Adonia, “Mabuti po. May hihilingin lang ako sa inyo.” Nagtanong si Batsheba, “Ano ba ang hihilingin mo?” Sumagot si Adonia, “Nalalaman ninyo na ako na sana ang naging hari, at hinihintay ito ng buong Israel. Pero iba ang nangyari; ang kapatid ko ang siyang naging hari, dahil iyan ang gusto ng PANGINOON. Ngayon, may hihilingin ako sa inyo. At kung maaari, huwag nʼyo akong biguin.” Nagtanong si Batsheba, “Ano ba iyon?” Sumagot si Adonia, “Kung maaari ay hilingin nʼyo kay Haring Solomon na mapangasawa ko si Abishag na taga-Shunem. Alam kong hindi siya tatanggi sa inyo.” Sumagot si Batsheba, “Sige, sasabihin ko sa hari.” Kaya pumunta si Batsheba kay Haring Solomon para sabihin sa kanya ang tungkol sa kahilingan ni Adonia. Pagkakita ni Solomon sa kanya, tumayo si Solomon mula sa kanyang trono para salubungin siya, at agad siyang yumukod sa kanyang ina bilang paggalang. Pagkatapos, muli siyang naupo sa kanyang trono. Nagpakuha siya ng upuan at ipinalagay sa kanan niya at doon pinaupo ang kanyang ina. Sinabi ni Batsheba, “Mayroon akong maliit na kahilingan sa iyo. Huwag mo sana akong tatanggihan.” Sumagot ang hari, “Ano po ang hihilingin ninyo? Hindi ko kayo bibiguin.” Sinabi ni Batsheba, “Hayaan mong mapangasawa ng iyong kapatid na si Adonia si Abishag na taga-Shunem.” Nagtanong si Haring Solomon, “Bakit hinihiling ninyo na mapangasawa ni Adonia si Abishag? Baka hilingin nʼyo rin na ibigay ko sa kanya ang kaharian ko dahil mas matanda siya sa akin at kakampi niya ang paring si Abiatar at si Joab na anak ni Zeruya!” Pagkatapos, sumumpa si Haring Solomon sa pangalan ng PANGINOON, “Parusahan sana ako ng Dios kung hindi ko mapatay si Adonia dahil sa kahilingan niya. Ang PANGINOON ang siyang nagluklok sa akin sa trono ng aking amang si David. Tinupad niya ang kanyang pangako na ibibigay niya ang kaharian sa akin at sa aking mga angkan. Kaya sumusumpa ako sa buhay na PANGINOON na mamamatay si Adonia sa araw na ito!” Kaya iniutos ni Haring Solomon kay Benaya, na anak ni Jehoyada, na patayin si Adonia, at pinatay nga niya ito. Pagkatapos, sinabi ni Haring Solomon kay Abiatar na pari, “Umuwi ka sa iyong bukirin sa Anatot. Dapat kang patayin pero hindi kita papatayin ngayon dahil katiwala ka ng Kahon ng Panginoong DIOS noong kasama ka pa ng aking amang si David, at nakihati ka sa kanyang mga pagtitiis.” Kaya tinanggal ni Solomon si Abiatar sa kanyang tungkulin bilang pari ng PANGINOON. At natupad ang sinasabi ng PANGINOON doon sa Shilo tungkol sa pamilya ni Eli. Hindi tumulong si Joab kay Absalom na maging hari, pero tumulong siya kay Adonia. Kaya nang mabalitaan niya ang pagkamatay ni Adonia, tumakas siya papunta sa tolda ng PANGINOON at humawak sa parang mga sungay na bahagi ng altar. Nang mabalitaan ni Haring Solomon na tumakas si Joab papunta sa tolda ng PANGINOON at lumapit sa altar, inutusan niya si Benaya na patayin si Joab. Kaya pumunta si Benaya sa tolda ng PANGINOON at sinabihan si Joab, “Lumabas ka, sabi ng hari!” Pero sumagot si Joab, “Hindi ako lalabas; dito ako mamamatay!” Bumalik si Benaya sa hari at sinabi ang sagot ni Joab. Sinabi ni Solomon kay Benaya, “Gawin mo ang sinabi niya. Doon siya patayin sa tolda at ilibing, para ako at ang pamilya ng aking ama ay hindi managot sa pagpatay niya kay Abner na anak ni Ner, na kumander ng mga sundalo ng Israel, at kay Amasa na kumander ng mga sundalo ng Juda. Pinatay niya ang mga taong inosente nang hindi nalalaman ng aking ama. Mas matuwid at mabuti ang mga taong ito kaysa sa kanya. Ngayon, gagantihan siya ng PANGINOON sa ginawa niya sa kanila. Siya at ang angkan niya ang mananagot magpakailanman sa pagkamatay ng mga taong ito. Pero si David at ang angkan niyaʼt kaharian ay bibigyan ng mabuting kalagayan magpakailanman.” Kaya pinuntahan ni Benaya si Joab at pinatay. Inilibing siya malapit sa bahay niya sa ilang. Pagkatapos, ipinalit ng hari si Benaya kay Joab bilang kumander ng mga sundalo at ang ipinalit niya kay Abiatar ay ang paring si Zadok. Ipinatawag ng hari si Shimei at sinabi sa kanya, “Magpatayo ka ng sarili mong bahay sa Jerusalem at doon ka tumira. Huwag kang umalis sa lungsod at pumunta sa ibang lugar. Sa oras na umalis ka at tumawid sa Lambak ng Kidron, tiyak na mamamatay ka. At kapag nangyari ito, ikaw na ang may pananagutan nito.” Sumagot si Shimei, “Mabuti po ang sinabi nʼyo, susundin ko ito!” Kaya tumira si Shimei sa Jerusalem nang matagal na panahon. Pero pagkalipas ng tatlong taon, lumayas ang dalawa sa mga alipin ni Shimei, at pumunta sa hari ng Gat na si Akish, na anak ni Maaca. Nang mabalitaan ito ni Shimei, nilagyan niya agad ng upuan ang kanyang asno at sumakay, pumunta siya kay Akish sa Gat para hanapin ang dalawang alipin niya. Nakita niya sila at isinama pauwi. Nang mabalitaan ni Solomon na umalis si Shimei sa Jerusalem at pumunta sa Gat at nakabalik na, ipinatawag niya ito at sinabihan, “Hindi baʼt pinasumpa kita sa pangalan ng PANGINOON at binalaan na sa oras na umalis ka sa Jerusalem at pumunta sa ibang lugar ay tiyak na mamamatay ka? At hindi ba sinabi mo na mabuti ang sinabi ko at susundin mo ito? Ngayon, bakit hindi mo sinunod ang ipinangako mo sa PANGINOON? Bakit hindi mo tinupad ang mga iniutos ko sa iyo?” Sinabi pa ng hari sa kanya, “Tiyak na naaalala mo ang lahat ng kasamaan na ginawa mo sa aking amang si David. Ngayon, gagantihan ka ng PANGINOON sa masamang ginawa mo. Pero pagpapalain ako ng PANGINOON, at ang kaharian ng aking ama na si David ay magpapatuloy sa kanyang mga angkan magpakailanman.” Pagkatapos, inutusan ng hari si Benaya na patayin si Shimei. Kaya dinala ni Benaya si Shimei sa labas at pinatay. Mas lalong tumatag ang kaharian sa ilalim ng pamamahala ni Solomon.