Bakit, sino ba si Apolos? At sino nga ba naman akong si Pablo? Kami ay mga lingkod lamang ng Dios na ginamit niya upang sumampalataya kayo. At ang bawat isa sa amin ay gumagawa lamang ng gawaing ibinigay sa amin ng Panginoon. Ako ang nagtanim, at si Apolos ang nagdilig. Ngunit ang Dios ang siyang nagpatubo. Hindi ang nagtanim at ang nagdilig ang mahalaga, kundi ang Dios na siyang nagpapatubo nito. Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay parehong mga lingkod lamang. Ang bawat isa sa kanilaʼy tatanggap ng gantimpala ayon sa kanilang ginawa. Kami ni Apolos ay nagtutulungan bilang mga manggagawa ng Dios, at kayoʼy katulad ng bukirin na ipinasasaka sa amin ng Dios. Maihahalintulad din kayo sa isang gusali na kanyang itinatayo. At ako naman, bilang dalubhasang tagapagtayo ang siyang naglagay ng pundasyon ayon sa kakayahang ibinigay sa akin ng Dios. Pagkatapos, iba namang manggagawa ang nagpapatuloy sa pagtatayo ng gusali. Ngunit kailangang maging maingat ang bawat nagtatayo dahil wala nang pundasyong maaari pang ilagay maliban sa nailagay na, at itoʼy walang iba kundi si Jesu-Cristo. May magtatayo sa pundasyong ito na gagamit ng mabuting klase ng mga materyales gaya ng ginto, pilak at mamahaling bato. Mayroon namang gagamit lamang ng kahoy, tuyong damo at dayami. Ngunit sa Araw ng Paghuhukom, makikita ang kalidad ng itinayo ng bawat isa dahil susubukin ito sa apoy. Kung ang itinayo ay hindi masusunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo. Ngunit kung ito namaʼy masunog, wala siyang tatanggaping gantimpala. Ganoon pa man, maliligtas siya, ngunit tulad lamang ng isang taong nakaligtas sa sunog na walang nailigtas na kagamitan.
Basahin 1 Corinto 3
Makinig sa 1 Corinto 3
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: 1 Corinto 3:5-15
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas