Pagkatapos, sinabi ni Haring David sa lahat ng mamamayan ng Israel, “Ang anak kong si Solomon na pinili ng Dios ay bata pa at wala pang karanasan. Malaki ang gawain na ito, dahil ang ipapatayong gusali ay hindi para sa tao kundi para sa PANGINOONG Dios. Ginawa ko ang lahat para maihanda ang mga materyales para sa templo ng aking Dios – maraming ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, mamahaling bato na onix, at iba pang mamahaling hiyas at mga batong may ibaʼt ibang kulay, at marami ring marmol. At dahil sa kagustuhan kong maitayo ang templo ng aking Dios, ibibigay ko pati ang personal kong mga ginto at pilak, bukod pa ang mga materyales na naipon ko para sa banal na templo. Ang ibibigay ko ay 100 toneladang ginto mula sa Ofir, at 250 toneladang pilak. Ito ay gagamiting pangtapal sa mga dingding ng templo, at para naman sa lahat ng mga kagamitan na gagawin ng mga platero. Ngayon, sino ang gustong magbigay para sa PANGINOON?”
Pagkatapos, kusang-loob na nagbigay ang mga pinuno ng mga pamilya, mga pinuno ng mga lahi ng Israel, mga kumander ng libu-libo at daan-daang sundalo, at ang mga opisyal na itinalaga sa pamamahala ng mga ari-arian ng hari. Nagbigay sila para sa pagpapagawa ng templo ng Dios ng 175 toneladang ginto, 10,000 perang ginto, 350 toneladang pilak, 630 toneladang tanso, at 3,500 toneladang bakal. May mga nagbigay din ng mga mamahaling bato, at itinabi ito sa bodega ng templo ng PANGINOON na pinamamahalaan ni Jehiel na mula sa angkan ni Gershon. Nagalak ang mga tao sa mga pinuno nila dahil kusang-loob at taos-puso silang nagbigay para sa PANGINOON. Labis din ang kagalakan ni Haring David.
Pinuri ni David ang PANGINOON sa harap ng mga tao. Sinabi niya,
“O PANGINOON, Dios ng aming ninuno na si Jacob, sa inyo ang kapurihan magpakailanman! Makapangyarihan kayo, kagalang-galang, dakila, at kapuri-puri! Sapagkat sa inyo ang lahat ng bagay na nasa langit at nasa lupa. Kayo ang hari, O PANGINOON, at higit kayo sa lahat! Sa inyo nagmumula ang kayamanan at karangalan. Kayo ang namamahala sa lahat ng bagay. Makapangyarihan kayo, at kayo ang nagpapalakas at nagbibigay kapangyarihan sa sinuman.
“Ngayon, O aming Dios, pinasasalamatan namin kayo at pinupuri ang inyong kagalang-galang na pangalan. Pero sino po ba ako at ang aking mga mamamayan na makapagbibigay kami ng nag-uumapaw na kaloob gaya nito? Lahat ng bagay ay nagmula sa inyo, at ibinabalik lamang namin sa inyo ang ibinigay nʼyo sa amin. Nalalaman nʼyo, O PANGINOON, na pansamantala lang kami rito sa mundo gaya ng aming mga ninuno. Ang buhay namin ay gaya ng anino na hindi nananatili.
“O PANGINOON naming Dios, ang lahat ng ibinigay namin sa pagpapatayo ng templo para sa karangalan ng inyong banal na pangalan ay nagmula rin sa inyo. Pagmamay-ari nʼyo ang lahat ng ito! O aking Dios, alam ko pong sinasaliksik nʼyo ang aming puso at nasisiyahan kayo kapag nakikita nʼyong tapat ito. Kaya tapat at kusang-loob ang pagbibigay ko sa inyo ng mga bagay na ito. At nagagalak po ako dahil nakita kong kahit ang mga mamamayan ninyong narito ay kusang-loob na nagbigay.
“O PANGINOON, ang Dios ng aming mga ninuno na sina Abraham, Isaac at Jacob, palagi nʼyo po sanang ilagay sa puso ng mga mamamayan ninyo ang naising ito at tulungan nʼyo po sila na maging tapat sa inyo. Tulungan nʼyo rin po ang anak kong si Solomon na lalong maging tapat sa pagsunod sa inyong mga utos, katuruan at mga tuntunin, at sa paggawa ng lahat ng ipinatutupad ninyo tungkol sa pagpapatayo ng templo na aking inihanda.”
Pagkatapos, sinabi ni David sa lahat ng tao, “Purihin nʼyo ang PANGINOON na inyong Dios.” Kaya pinuri nila ang PANGINOON, ang Dios ng kanilang mga ninuno. Yumukod sila at nagpatirapa bilang pagpaparangal sa PANGINOON at sa kanilang hari.