Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Cronica 16:7-36

1 Cronica 16:7-36 ASND

Nang araw na iyon, sa unang pagkakataon ay ibinigay ni David kay Asaf at sa mga kapwa niya Levita ang awit na ito ng pasasalamat sa PANGINOON: Pasalamatan nʼyo ang PANGINOON. Sambahin nʼyo siya! Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa. Awitan nʼyo siya ng mga papuri; ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa. Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan. Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa PANGINOON. Magtiwala kayo sa PANGINOON, at sa kanyang kalakasan. Palagi kayong dumulog sa kanya. Kayong mga pinili ng Dios na mga lahi ni Jacob na lingkod ng Dios, alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang mga paghatol. Siya ang PANGINOON na ating Dios, at siya ang namamahala sa buong mundo. Hindi niya kinakalimutan ang kanyang kasunduan at pangako sa libu-libong henerasyon. Ang kasunduang ito ay ginawa niya kay Abraham, at ipinangako niya kay Isaac. Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob, at magpapatuloy ito magpakailanman. Sinabi niya sa bawat isa sa kanila, “Ibibigay ko sa inyo ang lupain ng Canaan, ipamamana ko ito sa inyo at sa inyong mga angkan.” Noon iilan pa lang ang mga mamamayan ng Dios, at mga dayuhan pa lang sila sa lupain ng Canaan. Nagpalipat-lipat sila sa mga bansa at mga kaharian. Ngunit hindi pinahintulutan ng Dios na apihin sila. Para maproteksyunan sila, sinaway niya ang mga hari na kumakalaban sa kanila. Sinabi niya, “Huwag ninyong galawin ang hinirang kong mga lingkod, huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.” Kayong mga tao sa buong mundo, umawit kayo sa PANGINOON. Ipahayag ninyo sa bawat araw ang tungkol sa pagliligtas niya sa atin. Ipahayag ninyo sa lahat ng tao sa mga bansa ang kanyang kapangyarihan at kahanga-hangang mga gawa. Dahil dakila ang PANGINOON at karapat-dapat papurihan. Dapat siyang katakutan ng higit kaysa sa lahat ng mga dios, dahil ang lahat ng dios ng ibang mga bansa ay ginawa lang nila para sambahin, ngunit ang PANGINOON ang lumikha ng langit. Nasa kanya ang kaluwalhatian at karangalan; ang kalakasan at kagalakan ay nasa kanyang tahanan. Purihin ninyo ang PANGINOON, kayong lahat ng tao sa mundo. Purihin ninyo ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan. Ibigay ninyo sa PANGINOON ang mga papuring nararapat sa kanya. Magdala kayo ng mga handog at pumunta sa kanyang presensya. Sambahin ninyo ang PANGINOON sa kagandahan ng kanyang kabanalan. Matakot kayo sa kanya, kayong lahat ng nasa sanlibutan. Matatag niyang itinayo ang mundo at hindi ito mauuga. Magalak ang buong kalangitan at mundo; ipahayag sa mga bansa, “Naghahari ang PANGINOON.” Magalak din ang mga karagatan, bukirin at ang lahat ng nasa kanila. At ang mga puno sa gubat ay aawit sa tuwa sa presensya ng PANGINOON. Dahil darating siya upang hatulan ang mga tao sa mundo. Magpasalamat kayo sa PANGINOON dahil siyaʼy mabuti; ang kanyang pag-ibig ay walang hanggan. Manalangin kayo, “Iligtas nʼyo kami, O Dios na aming Tagapagligtas; palayain nʼyo po kami sa mga bansa at muli kaming tipunin sa aming lupain, upang makapagpasalamat at makapagbigay kami ng papuri sa inyong kabanalan.” Purihin ang PANGINOON, ang Dios ng Israel, magpakailanman. At ang lahat ay magsabing, “Amen!” Purihin ninyo ang PANGINOON!

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa 1 Cronica 16:7-36

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya