GENESIS 11
11
Ang Tore ng Babel
1Noon, ang buong lupa ay iisa ang wika at magkakatulad ang salita.
2Sa kanilang paglalakbay sa silangan, nakatagpo sila ng isang kapatagan sa lupain ng Shinar, at sila'y tumira doon.
3At sinabi nila sa isa't isa, “Halikayo! Tayo'y gumawa ng mga tisa at ating lutuing mabuti.” At ang kanilang bato ay tisa at alkitran ang kanilang semento.
4Sinabi nila, “Halikayo! Magtayo tayo ng isang lunsod at isang tore na ang taluktok nito ay hanggang sa langit, at gumawa tayo ng pangalan para sa ating mga sarili, baka tayo magkawatak-watak sa ibabaw ng buong lupa.”
5Bumaba ang Panginoon upang tingnan ang lunsod at ang tore na itinayo ng mga anak ng mga tao.
6At sinabi ng Panginoon, “Tingnan ninyo, sila'y iisang bayan at may isang wika; at ito ay pasimula pa lamang ng kanilang gagawin, at ngayon, walang makakapigil sa anumang kanilang binabalak gawin.
7Halikayo! Tayo'y bumaba at ating guluhin ang kanilang wika, upang hindi nila maunawaan ang pananalita ng bawat isa.”
8Kaya't ikinalat sila ng Panginoon mula roon sa ibabaw ng buong lupa, at huminto sila sa pagtatayo ng lunsod.
9Kaya't ang ipinangalan dito ay Babel, sapagkat doon ay ginulo ng Panginoon ang wika ng buong lupa, at mula roon ay ikinalat sila ng Panginoon sa ibabaw ng buong lupa.
Ang mga Anak ni Sem
(1 Cro. 1:24-27)
10Ito ang mga salinlahi ni Sem. May isandaang taong gulang si Sem nang maging anak si Arfaxad, dalawang taon pagkatapos ng baha.
11Nabuhay si Sem ng limandaang taon pagkatapos na maipanganak si Arfaxad, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
12Nang si Arfaxad ay tatlumpu't limang taon, naging anak niya si Shela.
13Nabuhay si Arfaxad ng apatnaraan at tatlong taon pagkatapos na maipanganak si Shela, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
14Nabuhay si Shela ng tatlumpung taon, at naging anak si Eber.
15Nabuhay si Shela ng apatnaraan at tatlumpung taon pagkatapos na maipanganak si Eber, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
16Nabuhay si Eber ng tatlumpu't apat na taon, at naging anak si Peleg.
17Nabuhay si Eber ng apatnaraan at tatlumpung taon pagkatapos na maipanganak si Peleg, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
18Nabuhay si Peleg ng tatlumpung taon, at naging anak si Reu.
19Nabuhay si Peleg ng dalawang daan at siyam na taon pagkatapos na maipanganak si Reu, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
20Nabuhay si Reu ng tatlumpu't dalawang taon, at naging anak si Serug.
21Nabuhay si Reu ng dalawang daan at pitong taon pagkatapos na maipanganak si Serug, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
22Nabuhay si Serug ng tatlumpung taon, at naging anak si Nahor.
23Nabuhay si Serug ng dalawang daang taon pagkatapos maipanganak si Nahor, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
24Nabuhay si Nahor ng dalawampu't siyam na taon, at naging anak si Terah.
25Nabuhay si Nahor ng isandaan at labinsiyam na taon pagkatapos na maipanganak si Terah, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae.
26At nabuhay si Terah ng pitumpung taon, at naging anak sina Abram, Nahor at Haran.
Ang Sambahayan ni Terah
27Ito ang mga lahi ni Terah. Naging anak ni Terah sina Abram, Nahor, at Haran; at naging anak ni Haran si Lot.
28Unang namatay si Haran kaysa sa kanyang amang si Terah sa lupaing kanyang tinubuan, sa Ur ng mga Caldeo.
29At nagsipag-asawa sina Abram at Nahor. Ang pangalan ng asawa ni Abram ay Sarai, at ang pangalan ng asawa ni Nahor ay Milca, na anak na babae ni Haran na ama nina Milca at Iscah.
30At si Sarai ay baog; siya'y walang anak.
31Isinama ni Terah si Abram na kanyang anak, at si Lot na anak ni Haran, na anak ng kanyang anak, at si Sarai na kanyang manugang na asawa ni Abram na kanyang anak at sama-samang umalis sa Ur ng mga Caldeo upang magtungo sa lupain ng Canaan. Dumating sila sa Haran, at nanirahan doon.
32At ang mga naging araw ni Terah ay dalawandaan at limang taon, at namatay si Terah sa Haran.
Trenutno izabrano:
GENESIS 11: ABTAG01
Istaknuto
Podijeli
Kopiraj
Želiš li da tvoje istaknuto bude sačuvano na svim tvojim uređajima? Kreiraj nalog ili se prijavi
©Philippine Bible Society, 2001