Juan 4
4
1Nang maalaman nga ng Panginoon na nabalitaan ng mga Fariseo na si Jesus ay gumagawa at bumabautismo ng lalong maraming alagad kay sa kay Juan 2(Bagaman hindi bumabautismo si Jesus, kundi ang kaniyang mga alagad), 3Nilisan niya ang Judea, at naparoong muli sa Galilea. 4At kinakailangang magdaan siya sa Samaria. 5Sumapit nga siya sa isang bayan ng Samaria, na tinatawag na Sicar, malapit sa bahagi ng lupang ibinigay ni Jacob kay Jose na kaniyang anak: 6At naroon ang balon ni Jacob. Si Jesus nga, nang napapagod na sa kaniyang paglalakbay, ay naupong gayon sa tabi ng balon. Magiikaanim na nga ang oras. 7Dumating ang isang babaing taga Samaria upang umigib ng tubig: sa kaniya'y sinabi ni Jesus, Painumin mo ako. 8Sapagka't napasa bayan ang kaniyang mga alagad upang magsibili ng pagkain. 9Sinabi nga sa kaniya ng babaing Samaritana, Paano ngang ikaw, na isang Judio, ay humingi ng maiinom sa akin, na ako'y babaing Samaritana? (Sapagka't hindi nangakikipagusap ang mga Judio sa mga Samaritano.) 10Sumagot si Jesus at sa kaniya'y sinabi, Kung napagkikilala mo ang kaloob ng Dios, at kung sino ang sa iyo'y nagsasabi, Painumin mo ako; ikaw ay hihingi sa kaniya, at ikaw ay bibigyan niya ng tubig na buhay. 11Sinabi sa kaniya ng babae, Ginoo, wala kang sukat isalok ng tubig, at malalim ang balon: saan nga naroon ang iyong tubig na buhay? 12Dakila ka pa baga sa aming amang si Jacob, na sa ami'y nagbigay ng balon, at dito'y uminom siya, at ang kaniyang mga anak, at ang kaniyang mga hayop? 13Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya, Ang bawa't uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw: 14Datapuwa't ang sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya'y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailan man; nguni't ang tubig na sa kaniya'y aking ibibigay ay magiging isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan. 15Sinabi sa kaniya ng babae, Ginoo, ibigay mo sa akin ang tubig na ito, upang ako'y huwag mauhaw, ni pumarito man sa ganito kalayo upang umigib pa. 16Sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka, tawagin mo ang iyong asawa, at pumarito ka. 17Sumagot ang babae at sinabi sa kaniya, Wala akong asawa. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Mabuti ang pagkasabi mo, Wala akong asawa: 18Sapagka't nagkaroon ka na ng limang asawa; at ang nasa iyo ngayon ay hindi mo asawa: dito'y sinabi mo ang katotohanan. 19Sinabi sa kaniya ng babae, Ginoo, napaghahalata kong ikaw ay isang propeta. 20Nagsisamba ang aming mga magulang sa bundok na ito; at sinasabi ninyo, na sa Jerusalem ay siyang dakong kinakailangang pagsambahan ng mga tao. 21Sa kaniya'y sinabi ni Jesus, Babae, paniwalaan mo ako, na dumarating ang oras, na kahit sa bundok na ito, ni sa Jerusalem, ay hindi ninyo sasambahin ang Ama. 22Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nalalaman: sinasamba namin ang nalalaman namin; sapagka't ang kaligtasan ay nanggagaling sa mga Judio. 23Datapuwa't dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka't hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya. 24Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan. 25Sinabi sa kaniya ng babae, Nalalaman ko na paririto ang Mesias (ang tinatawag na Cristo): na pagparito niya, ay ipahahayag niya sa amin ang lahat ng mga bagay. 26Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako na nagsasalita sa iyo ay siya nga. 27At sa ganito'y nagsidating ang kaniyang mga alagad; at sila'y nangagtaka na siya'y nakikipagsalitaan sa isang babae; gayon ma'y walang taong nagsabi, Ano ang iyong hinahanap? o, Bakit nakikipagsalitaan ka sa kaniya? 28Sa gayo'y iniwan ng babae ang kaniyang banga ng tubig, at napasa bayan, at sinabi sa mga tao, 29Magsiparito kayo, tingnan ninyo ang isang lalake, na nagsabi sa akin ng lahat ng mga bagay na aking ginawa: mangyayari kayang ito ang Cristo? 30Nagsilabas sila sa bayan, at nagsisiparoon sa kaniya. 31Samantala ay ipinamamanhik sa kaniya ng mga alagad, na nangagsasabi, Rabi, kumain ka. 32Datapuwa't sinabi niya sa kanila, Ako'y may pagkaing kakanin na hindi ninyo nalalaman. 33Ang mga alagad nga ay nangagsangusapan, May tao kayang nagdala sa kaniya ng pagkain? 34Sinabi sa kanila ni Jesus, Ang pagkain ko ay ang aking gawin ang kalooban ng sa akin ay nagsugo, at tapusin ang kaniyang gawa. 35Hindi baga sinasabi ninyo, May apat na buwan pa, at saka darating ang pagaani? narito, sa inyo'y aking sinasabi, Itanaw ninyo ang inyong mga mata, at inyong tingnan ang mga bukid, na mapuputi na upang anihin. 36Ang umaani ay tumatanggap ng upa, at nagtitipon ng bunga sa buhay na walang hanggan; upang ang naghahasik at ang umaani ay mangagalak kapuwa. 37Sapagka't dito'y totoo ang kasabihan, Isa ang naghahasik, at iba ang umaani. 38Kayo'y sinugo ko upang anihin ang hindi ninyo pinagpagalan: iba ang nangagpagal, at kayo'y siyang nagsipasok sa kanilang pinagpagalan. 39At marami sa mga Samaritano sa bayang yaon ang sa kaniya'y nagsisampalataya dahil sa salita ng babae, na nagpatotoo, Sinabi niya sa akin ang lahat ng mga bagay na aking ginawa. 40Kaya nang sa kaniya'y magsidating ang mga Samaritano, ay sa kaniya'y ipinamanhik nila na matira sa kanila: at siya'y natira roong dalawang araw. 41At lalo pang marami ang mga nagsisampalataya sa kaniya dahil sa kaniyang salita; 42At sinabi nila sa babae, Ngayo'y nagsisisampalataya kami, hindi dahil sa iyong pananalita: sapagka't kami rin ang nakarinig, at nalalaman naming ito nga ang Tagapagligtas ng sanglibutan. 43At pagkaraan ng dalawang araw ay umalis siya doon at napasa Galilea. 44Sapagka't si Jesus din ang nagpatotoo, na ang isang propeta ay walang kapurihan sa kaniyang sariling lupain. 45Kaya nang siya'y dumating sa Galilea, ay tinanggap siya ng mga Galileo, nang kanilang mangakita ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginawa sa Jerusalem sa kapistahan: sapagka't sila man ay nagsiparoon din sa kapistahan. 46Naparoon ngang muli siya sa Cana ng Galilea, na doo'y kaniyang pinapaging alak ang tubig. At naroroon ang isang mahal na tao, na ang kaniyang anak na lalake ay may-sakit sa Capernaum. 47Nang mabalitaan niya na si Jesus ay dumating sa Galilea na mula sa Judea, ay naparoon siya sa kaniya, at ipinamanhik sa kaniya na siya'y lumusong, at pagalingin ang kaniyang anak na lalake; sapagka't siya'y naghihingalo. 48Sinabi nga sa kaniya ni Jesus, Malibang kayo'y mangakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, ay hindi kayo magsisipaniwala sa anomang paraan. 49Ang mahal na tao ay nagsabi sa kaniya, Ginoo, lumusong ka bago mamatay ang aking anak. 50Sinabi sa kaniya ni Jesus, Yumaon ka ng iyong lakad; buhay ang anak mo. Pinaniwalaan ng lalake ang salitang sinalita sa kaniya ni Jesus, at siya'y yumaon sa kaniyang lakad. 51At samantalang siya'y lumulusong, ay sinalubong siya ng kaniyang mga alipin, na nangagsasabi, na ang kaniyang anak ay buhay. 52Itinanong nga niya sa kanila ang oras nang siya'y pasimulan ng paggaling. Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Kahapon nang ikapitong oras inibsan siya ng lagnat. 53Naunawa nga ng ama na sa oras na yaon nang sabihin sa kaniya ni Jesus, Buhay ang anak mo: at siya'y sumampalataya, at ang kaniyang buong sangbahayan. 54Ito nga ang muling pangalawang tanda na ginawa ni Jesus, nang siya'y pumaroon sa Galilea na mula sa Judea.
Currently Selected:
Juan 4: TLAB
Označeno
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in