Genesis 11
11
Ang Tore ng Babel
1Sa simula'y iisa ang wika at magkakapareho ang mga salitang ginagamit ng lahat ng tao sa daigdig. 2Sa kanilang pagpapalipat-lipat sa silangan,#11:2 pagpapalipat-lipat sa silangan: o kaya'y pagpapalipat-lipat mula sa silangan. nakarating sila sa isang kapatagan sa Shinar at doon na nanirahan. 3Nagkaisa silang gumawa ng maraming tisa at lutuin itong mabuti para tumibay. Tisa ang ginagamit nilang bato at alkitran ang kanilang semento. 4Ang sabi nila, “Halikayo at magtayo tayo ng isang lunsod na may toreng abot sa langit upang maging tanyag tayo at huwag nang magkawatak-watak sa daigdig.”
5Bumabâ si Yahweh upang tingnan ang lunsod at ang toreng itinayo ng mga tao. 6Sinabi niya, “Ngayon ay nagkakaisa silang lahat at iisa ang kanilang wika. Pasimula pa lamang ito ng mga binabalak nilang gawin. Hindi magtatagal at gagawin nila ang anumang kanilang magustuhan. 7Ang mabuti'y bumabâ tayo at guluhin ang kanilang wika upang hindi sila magkaintindihan.” 8At ginawa ni Yahweh na ang mga tao ay magkawatak-watak sa buong daigdig, kaya natigil ang pagtatayo ng lunsod. 9Babel#11:9 BABEL: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Babel” at “ginulo” ay magkasintunog. ang itinawag nila sa lunsod na iyon, sapagkat doo'y ginulo ni Yahweh ang wika ng mga tao. At mula roon, nagkawatak-watak ang mga tao sa buong daigdig dahil sa ginawa ni Yahweh.
Ang Lahi ni Shem
(1 Cro. 1:24-27)
10Ito ang kasaysayan ng mga lahi na nagmula kay Shem. Dalawang taon makalipas ang baha, si Shem ay nagkaanak ng isang lalaki, si Arfaxad. Si Shem ay sandaang taóng gulang na noon. 11Nabuhay pa siya nang 500 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak.
12Nang si Arfaxad ay tatlumpu't limang taon na, nagkaanak siya ng isang lalaki, si Shela. 13Nabuhay pa siya nang 403 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak.
14Tatlumpung taon na noon si Shela nang maging anak niya si Heber. 15Nabuhay pa siya nang 403 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.
16Sa gulang na tatlumpu't apat na taon, naging anak ni Heber si Peleg. 17Nabuhay pa siya nang 430 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.
18Sa gulang na tatlumpung taon, naging anak ni Peleg si Reu. 19Nabuhay pa siya nang 209 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak.
20Si Reu naman ay tatlumpu't dalawang taon na nang maging anak niya si Serug. 21Nabuhay pa siya nang 207 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.
22Si Serug ay tatlumpung taon nang maging anak niya si Nahor. 23Nabuhay pa siya nang 200 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.
24Naging anak naman ni Nahor si Terah nang siya'y dalawampu't siyam na taon. 25Nabuhay pa siya nang 119 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak.
Ang Lahi ni Terah
26Pitumpung taon na si Terah nang magkaanak ng tatlong lalaki: sina Abram, Nahor at Haran.
27Ito naman ang kasaysayan ng mga anak ni Terah na sina Abram, Nahor at si Haran na ama ni Lot. 28Buháy pa si Terah nang mamatay si Haran sa kanyang sariling bayan ng Ur, sa Caldea. 29Napangasawa ni Abram si Sarai at napangasawa naman ni Nahor si Milca na anak ni Haran na ama rin ni Isca. 30Si Sarai ay hindi magkaanak sapagkat baog siya.
31Umalis si Terah sa bayan ng Ur, Caldea, kasama ang kanyang anak na si Abram, ang asawa nitong si Sarai at si Lot na anak ni Haran. Papunta sila sa Canaan ngunit nang dumating sa Haran, doon na sila nanirahan. 32Doon namatay si Terah sa gulang na 205 taon.
Aktuálne označené:
Genesis 11: MBBTAG12
Zvýraznenie
Zdieľať
Kopírovať
Chceš mať svoje zvýraznenia uložené vo všetkých zariadeniach? Zaregistruj sa alebo sa prihlás
New Testament © 2012 Philippine Bible Society
Old Testament © 2005 Philippine Bible Society