YouVersion Logo
Search Icon

Miracles | Ipakilala SiyaSample

Miracles | Ipakilala Siya

DAY 1 OF 7

Mga Gawa 1:5–8

“Nagbautismo si Juan sa tubig, ngunit makalipas lang ang ilang araw ay babautismuhan kayo sa Banal na Espiritu.” Minsan nang nagtitipon sila, tinanong nila si Jesus, “Panginoon, ito na po ba ang panahon na ibabalik ninyo ang kaharian ng Israel?” Sumagot si Jesus, “Hindi pinahihintulutan ng Ama na malaman ninyo kung kailan mangyayari ang mga bagay na itinakda niya. Ngunit pagdating ng Banal na Espiritu sa inyo, bibigyan niya kayo ng kapangyarihan. At ipapahayag ninyo ang mga bagay tungkol sa akin, mula rito sa Jerusalem hanggang sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa buong mundo.”

Karagdagang Babasahin: Mateo 28:16–20; Jeremias 32:27; Lucas 18:27

Madalas na itinuturing ang Mga Gawa 1:6–11 bilang pangkalahatang kaisipan ng aklat ng Mga Gawa, na nagpapakilala sa mga susunod pang paksa sa aklat. Ang mga tema sa talatang ito ay nagpapatuloy sa buong aklat ng Mga Gawa—ang Banal na Espiritu ay magbibigay ng kapangyarihan, mamumuno, at gagabay sa mga mamamayan ng Diyos sa pagsulong nila ng Kanyang kaharian. Sa Mateo 28, ibinigay ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ang dakilang utos na puntahan “ang lahat ng mga lahi at gawin silang mga tagasunod” Niya, at sa Mga Gawa 1:8, ibinigay Niya sa kanila ang kapangyarihang kailangan nila upang matupad ang misyong ito.

Sa kabuuan ng Lumang Tipan, dumarating sa mga tao ang Espiritu ng Diyos sa isang partikular na panahon upang gumawa ng mga himala at pagkatapos nito’y lumilisan din. Ngunit matapos ang himala ng muling pagkabuhay ni Cristo sa Bagong Tipan, ang Espiritu ay ibinigay upang manatili kasama ang mga mamamayan ng Diyos. Ipinadala Siya upang manatiling kasama natin.

Sa pamamagitan ng kaloob na Banal na Espiritu, binigyan ni Jesus ang Kanyang mga disipulo ng hindi pangkaraniwang kapangyarihan upang maging mga patotoo Niya at mamuhay sa paraang nagbibigay karangalan sa Kanya.

Ang mga kwentong nakikita natin sa aklat ng Mga Gawa ay mayroong tanda ng mga himala. Ang kahulugan ng salitang himala ayon sa diksiyonaryong Merriam-Webster ay “pamamagitan ng langit sa kalagayan ng mga tao” (Isinalin sa Filipino). Hanggang ngayon, namamagitan pa rin ang Diyos, at ginagawa Niyang himala ang mga ordinaryong sandali. Ipinakita ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan, upang maramdaman ang pagmamahal Niya para sa Kanyang mamamayan, sa pamamagitan ng Kanyang mamamayan, at para sa mundo.

Ang mga himala ay laging may kaugnayan sa misyon sa unang kabanata ng Mga Gawa—na tayo ay magiging mga saksi ng Diyos, ng Kanyang kabutihan, at ng Kanyang kapangyarihan. Gumagawa ang Diyos ng mga himala upang Siya’y makilala at maipakilala natin sa iba.

  • Mayroon bang pagkakataong namagitan ang Diyos sa buhay mo?
  • Maglaan ng panahon upang manalangin at magpasalamat sa Diyos para sa Kanyang kapangyarihan at kabutihan.

Hakbang ng Pananampalataya

Sumulat ng ilang praktikal na paraan kung paano ka magiging isang patotoo sa iyong pang-araw-araw na pamumuhay.

Panalangin

Ama namin sa langit, nagpapasalamat kami sa Iyong pagdating sa nasira naming mundo upang tuluyang baguhin ang aming kalagayan. Ang Iyong salita ay puno ng mga himalang nagpapakita ng Iyong pag-ibig, kapangyarihan, at kabutihan. Ipinapanalangin kong nawa ay buksan Mo ang aking puso upang tunay na maniwalang magagawa Mo ang lahat ng bagay. Ikaw ay pinakamakapangyarihan, mabuti, at karapat-dapat purihin, at handa akong makita Kang kumilos sa buhay ko at sa pamamagitan ng buhay ko. Ito ang dalangin ko sa pangalan ni Jesus, AMEN.

Scripture

Day 2

About this Plan

Miracles | Ipakilala Siya

Sa pagsisimula ng bawat taon, maglaan tayo ng oras para sa pananalangin at pag-aayuno upang magpakumbaba sa harapan ng Diyos, italaga ang ating sarili sa Kanya, at sama-samang sumang-ayon sa pambihirang tagumpay na ibinibigay Niya. Sa panahong ito, tingnan natin kung paano ipinapakilala ng Diyos ang Kanyang sarili at ipinapakita ang lalim ng Kanyang pagmamahal sa atin sa pamamagitan ng mga himala.

More