LUCAS 15
15
Ang Nawalang Tupa
(Mt. 18:12-14)
1Noon,#Lu. 5:29, 30 ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ay lumalapit sa kanya upang makinig.
2Ang mga Fariseo at mga eskriba ay nagbulung-bulungan, na nagsasabi, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at kumakaing kasalo nila.”
3Kaya't isinalaysay niya sa kanila ang talinghagang ito:
4“Sino sa inyo na mayroong isandaang tupa at mawalan ng isa sa mga iyon ay hindi iiwan ang siyamnapu't siyam sa ilang at hahanapin ang nawawala, hanggang sa ito'y kanyang matagpuan?
5At kapag natagpuan niya, pinapasan niya ito sa kanyang balikat na nagagalak.
6Pag-uwi niya sa tahanan, tinatawag niya ang kanyang mga kaibigan at ang kanyang mga kapitbahay na sinasabi sa kanila, ‘Makigalak kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko na ang aking tupang nawala.’
7Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi, kaysa siyamnapu't siyam na taong matutuwid na hindi nangangailangan ng pagsisisi.
Ang Nawalang Pilak
8“O sinong babae na may sampung pirasong pilak,#15:8 Sa Griyego ay drakma na katumbas ng isang araw na sahod ng isang manggagawa. na kung mawalan siya ng isang piraso, ay hindi ba magsisindi ng isang ilawan at magwawalis ng bahay, at naghahanap na mabuti hanggang ito'y matagpuan niya?
9At kapag matagpuan niya ito ay tinatawag niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay, na nagsasabi, ‘Makigalak kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko na ang pilak na nawala sa akin.’
10Gayundin, sinasabi ko sa inyo, may kagalakan sa harapan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi.”
Ang Alibughang Anak
11Sinabi ni Jesus,#15:11 Sa Griyego ay niya. “May isang tao na may dalawang anak na lalaki:
12Sinabi ng nakababata sa kanila sa kanyang ama, ‘Ama, ibigay mo sa akin ang bahagi ng kayamanang nauukol sa akin.’ At hinati niya sa kanila ang kanyang pag-aari.
13Makaraan ang ilang araw, tinipon ng nakababatang anak ang lahat ng kanya, at naglakbay patungo sa isang malayong lupain at doo'y nilustay ang kanyang kabuhayan sa maaksayang pamumuhay.
14Nang magugol na niyang lahat ay nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, at siya'y nagsimulang mangailangan.
15Kaya't pumaroon siya at sumama sa isa sa mga mamamayan sa lupaing iyon na nagpapunta sa kanya sa kanyang mga bukid upang magpakain ng mga baboy.
16At siya'y nasasabik na makakain ng mga pinagbalatan na kinakain ng mga baboy at walang sinumang nagbibigay sa kanya ng anuman.
17Subalit nang siya'y matauhan ay sinabi niya, ‘Ilan sa mga upahang lingkod ng aking ama ang may sapat at lumalabis na pagkain, ngunit ako rito'y namamatay sa gutom?
18Titindig ako at pupunta sa aking ama, at aking sasabihin sa kanya, “Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyo.
19Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo. Ituring mo ako na isa sa iyong mga upahang lingkod.”’
20Siya'y tumindig at pumunta sa kanyang ama. Subalit habang nasa malayo pa siya, natanaw siya ng kanyang ama at ito'y awang-awa sa kanya. Ang ama'y#15:20 Sa Griyego ay siya'y. tumakbo, niyakap siya at hinagkan.
21At sinabi ng anak sa kanya, ‘Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyo; hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo.’
22Subalit sinabi ng ama sa kanyang mga alipin, ‘Dali, dalhin ninyo rito ang pinakamagandang kasuotan at isuot ninyo sa kanya. Lagyan ninyo ng singsing ang kanyang daliri, at mga sandalyas ang kanyang mga paa.
23At kunin ninyo ang pinatabang guya at patayin ito, at tayo'y kumain at magdiwang.
24Sapagkat ang anak kong ito ay patay na, at muling nabuhay; siya'y nawala, at natagpuan.’ At sila'y nagsimulang magdiwang.
25Samantala, nasa bukid ang anak niyang panganay at nang siya'y dumating at papalapit sa bahay, nakarinig siya ng tugtugan at sayawan.
26Tinawag niya ang isa sa mga alipin at itinanong kung ano ang kahulugan nito.
27At sinabi niya sa kanya, ‘Dumating ang kapatid mo at pinatay ng iyong ama ang pinatabang guya, dahil sa siya'y tinanggap niyang ligtas at malusog.’
28Subalit nagalit siya at ayaw pumasok. Lumabas ang kanyang ama, at siya'y pinakiusapan.
29Subalit sumagot siya sa kanyang ama, ‘Tingnan mo, maraming taon nang ako'y naglingkod sa iyo, at kailanma'y hindi ako sumuway sa iyong utos. Gayunman ay hindi mo ako binigyan kailanman ng kahit isang batang kambing upang makipagsaya sa aking mga kaibigan.
30Subalit nang dumating ang anak mong ito na lumustay ng iyong kabuhayan sa masasamang babae ay ipinagpatay mo pa siya ng pinatabang guya.’
31At sinabi niya sa kanya, ‘Anak, ikaw ay palagi kong kasama, ang lahat ng sa akin ay sa iyo.
32Ngunit nararapat lamang na magsaya at magalak, sapagkat ang kapatid mong ito ay patay at muling nabuhay; siya'y nawala at natagpuan.’”
Atualmente selecionado:
LUCAS 15: ABTAG01
Destaque
Partilhar
Copiar
Quer salvar os seus destaques em todos os seus dispositivos? Faça o seu registo ou inicie sessão
©Philippine Bible Society, 2001