Genesis 4
4
Si Cain at si Abel
1Pagkatapos noon, sumiping si Adan sa asawa niyang si Eva at nagbuntis ito. Nang manganak si Eva, sinabi niya, “Nagkaroon ako ng anak na lalaki sa pamamagitan ng tulong ng Panginoon, kaya Cain#4:1 Cain: Maaaring ang ibig sabihin, nakaangkin. ang ipapangalan ko sa kanya.” 2At muling nanganak si Eva ng lalaki at Abel ang ipinangalan sa kanya.
Nang lumaki na sila, si Abel ay naging pastol ng mga tupa at kambing, at si Cain naman ay naging magsasaka. 3Isang araw, naghandog si Cain sa Panginoon ng galing sa ani niya. 4Si Abel naman ay kumuha ng isang panganay sa mga inaalagaan niyang hayop, kinatay ito at inihandog sa Diyos ang pinakamatabang bahagi. Nasiyahan ang Panginoon kay Abel at sa handog nito, 5ngunit hindi siya nasiyahan kay Cain at sa handog nito. At dahil dito, labis ang galit ni Cain at kitang-kita ito mukha niya.
6Kaya tinanong siya ng Panginoon, “Ano ba ang ikinagagalit mo? Bakit ka nakasimangot? 7Kung gumawa ka nang mabuti, tatanggapin kita. Ngunit kung gumawa ka nang hindi mabuti, ang kasalanan ay katulad ng mabagsik na hayop na nakaabang sa may pintuan. Gusto ka nitong pagharian, ngunit kailangang talunin mo ito.”
8Isang araw, sinabi ni Cain kay Abel, “Halika, pumunta tayo sa bukid.” Nang naroon na sila, pinatay ni Cain ang kapatid niyang si Abel.
9Pagkatapos, nagtanong ang Panginoon kay Cain, “Nasaan ang kapatid mo?”
Sumagot si Cain, “Hindi ko alam. Bakit, ako ba ang tagapagbantay ng kapatid ko?”
10Sinabi ng Panginoon kay Cain, “Anoʼng ginawa mo? Ang dugo ng kapatid moʼy parang tinig na nagmamakaawa na parusahan ko ang taong pumatay sa kanya. 11Dahil sa ginawa mo, isusumpa ka. Mula ngayon, hindi ka na makakapagsaka sa lupa na sumipsip ng dugo ng iyong kapatid na iyong pinatay. 12Kahit magtanim ka pa, ang lupa ay hindi na magbibigay sa iyo ng ani. At wala kang pirmihang matitirhan, kaya magpapagala-gala ka kahit saan.”
13Sinabi ni Cain sa Panginoon, “Napakabigat ng parusang ito para sa akin. 14Itinataboy ninyo ako ngayon sa lupaing ito at sa inyong harapan. Wala na akong matitirhan, at akoʼy magiging isang palaboy. At sinumang makakita sa akin, tiyak na papatayin ako.”
15Ngunit sinabi ng Panginoon kay Cain, “Hindi iyan mangyayari sa iyo! Sapagkat ang sinumang papatay sa iyo ay gagantihan ko ng pitong beses.”#4:15 pitong beses: Ang ibig sabihin, pitong beses ang tindi ng ganti. Kaya nilagyan ng Panginoon ng palatandaan si Cain upang hindi siya patayin ng kahit sinong makakakita sa kanya. 16Pagkatapos, lumayo si Cain sa Panginoon at doon tumira sa lugar ng Nod,#4:16 Nod: Maaaring ang ibig sabihin, magiging palaboy o magpagala-gala. sa bandang silangan ng Eden.
Ang mga Lahi ni Cain
17Sumiping si Cain sa asawa niya. Nagbuntis ito at nanganak ng lalaki at pinangalanan nila siyang Enoc. Nagpatayo si Cain ng isang lungsod at pinangalanan niya itong Enoc kagaya ng pangalan ng kanyang anak. 18Si Enoc ay may anak na lalaki na ang pangalan ay Irad. Si Irad ang ama ni Mehujael; si Mehujael ang ama ni Metusael; at si Metusael ang ama ni Lamec.
19Si Lamec ay may dalawang asawa na sina Ada at Zila. 20Ipinanganak ni Ada si Jabal na siyang pinagmulan ng mga tao na nakatira sa mga tolda, na nag-aalaga ng mga hayop. 21May kapatid si Jabal na lalaki na ang pangalan ay Jubal, na siyang pinagmulan ng lahat na tagatugtog ng alpa at plauta. 22Si Zila ay nagkaanak din ng lalaki na ang pangalan ay Tubal-cain. Si Tubal-cain ay gumagawa ng lahat ng klase ng kagamitan mula sa bakal at tanso. May kapatid siyang babae na si Naama.
23Isang araw, sinabi ni Lamec sa dalawa niyang asawa,
“Ada at Zila, pakinggan ninyo ako,
mga asawa ni Lamec, dinggin ninyo ako.
Pumatay ako ng isang lalaki
dahil sinugatan niya ako;
oo, sinaktan ako ng isang binatilyo.
24Kung pitong beses ang tindi ng ganti
sa taong pumatay kay Cain,
pitumpuʼt pitong beses ang tindi ng ganti
sa taong papatay sa akin.”
Set at Enos
25Sumiping muli si Adan kay Eva at nanganak ng isang lalaki at pinangalanan niya itong Set.#4:25 Set: Maaaring ang ibig sabihin, ibinigay. Sinabi niya, “Muli akong binigyan ng Diyos ng anak na lalaki bilang kapalit ni Abel na pinatay ni Cain.” 26Nang lumaki si Set, nagkaroon din siya ng anak na lalaki at pinangalanan niya itong Enos.
Nang panahong isinilang si Enos, ang mga taoʼy nagsimulang tumawag sa pangalan ng Panginoon.
Obecnie wybrane:
Genesis 4: ASD
Podkreślenie
Udostępnij
Kopiuj

Chcesz, aby twoje zakreślenia były zapisywane na wszystkich twoich urządzeniach? Zarejestruj się lub zaloguj
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.