Genesis 2
2
1At natapos ngang likhain ng Diyos ang langit at ang lupa at ang lahat ng naroon.
2Natapos niya ito sa loob ng anim na araw at nagpahinga siya sa ikapitong araw. 3Binasbasan niya ang ikapitong araw at itinuring ito na di-pangkaraniwang araw, dahil sa araw na ito nagpahinga siya nang matapos niyang likhain ang lahat.
Si Adan at si Eva
4Ito ang salaysay tungkol sa pagkalikha sa langit at sa lupa.
Nang likhain ng Panginoong Diyos ang lupa at ang langit, 5wala pang halamang tumutubo sa lupa at wala pang tanim na sumisibol, sapagkat hindi pa nagpapaulan ang Panginoong Diyos at wala pang taong nagbubungkal ng lupa. 6Ngunit kahit wala pang ulan, may mga bukal ng tubig mula sa ilalim ng lupa at dinidiligan ang lahat ng ibabaw nito. 7Nilikha ng Panginoong Diyos ang tao mula sa lupa. Hiningahan niya sa ilong ang tao ng hiningang nagbibigay-buhay. Kaya ang tao ay naging buháy na nilalang.
8Pagkatapos, nilikha rin ng Panginoong Diyos ang isang halamanan sa Eden, sa bandang silangan, at doon niya pinatira ang tao na nilikha niya. 9At pinatubo ng Panginoong Diyos ang lahat ng uri ng puno na magagandang tingnan at may masasarap na bunga. Sa gitna ng halamanan ay may puno na nagbibigay ng buhay, at may puno rin doon na nagbibigay ng kaalaman kung ano ang mabuti at masama.
10Mula sa Eden, may ilog na dumadaloy na siyang nagbibigay ng tubig sa halamanan. Nagsanga-sanga ito sa apat na ilog. 11Ang pangalan ng unang ilog ay Pishon. Dumadaloy ito sa buong lupain ng Havila kung saan mayroong ginto. 12Sa lugar na iyon makikita ang purong ginto, ang mamahaling pabango na bediliyum, at ang mamahaling batong onise. 13Ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon. Dumadaloy ito sa buong lupain ng Cus.#2:13 Cus: Maaaring tumutukoy sa rehiyon sa palibot ng Etiopia at Sudan; o sa timog-silangang Mesopotamia. 14Ang pangalan ng ikatlong ilog ay Tigris. Dumadaloy ito sa silangan ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.
15Pinatira ng Panginoong Diyos sa halamanan ng Eden ang taong nilikha niya upang bungkalin ito at alagaan. 16At sinabi ng Panginoong Diyos sa tao, “Makakakain ka ng kahit anong bunga ng punongkahoy sa halamanan, 17maliban lang sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman kung ano ang mabuti at masama. Sapagkat sa oras na kainin mo ito, tiyak na mamamatay ka.”
18Pagkatapos, sinabi ng Panginoong Diyos, “Hindi mabuting mabuhay ang tao nang nag-iisa lang, kaya igagawa ko siya ng kasama na tutulong sa kanya at nararapat sa kanya.”
19Nilikha ng Panginoong Diyos mula sa lupa ang lahat ng uri ng hayop na nakatira sa lupa pati ang lahat ng uri ng hayop na lumilipad. Pagkatapos, dinala niya ang mga ito sa tao upang tingnan kung ano ang ipapangalan nito sa kanila. At kung ano ang itatawag ng tao sa kanila, iyon ang magiging pangalan nila. 20Kaya pinangalanan ng tao ang lahat ng hayop na maaamo at maiilap, at ang mga ibon sa himpapawid.
Ngunit para sa kanya, wala kahit isa sa kanila ang nababagay na maging kasama niya na makakatulong sa kanya. 21Kaya pinatulog ng Panginoong Diyos ang lalaki nang mahimbing. At habang natutulog siya, kinuha ng Panginoong Diyos ang isa sa mga tadyang niya#2:21 isa sa mga tadyang niya: O isang parte sa tagiliran ng lalaki. at pinaghilom ang laman na pinagkuhanan nito. 22Mula sa tadyang na kinuha ng Panginoong Diyos sa lalaki, gumawa siya ng isang babae, at dinala ito sa lalaki.
23Sinabi ng lalaki,
“Narito na ang isang tulad ko!
Buto na kinuha sa aking mga buto,
at laman na kinuha sa aking laman.
Tatawagin siyang ‘babae,’
dahil kinuha siya mula sa lalaki.”
24Iyan ang dahilan na iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina at makikipag-isa sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isa.
25Nang panahong iyon, kapwa huboʼt hubad ang lalaki at ang babae, ngunit hindi sila nahihiya.
Obecnie wybrane:
Genesis 2: ASD
Podkreślenie
Udostępnij
Kopiuj

Chcesz, aby twoje zakreślenia były zapisywane na wszystkich twoich urządzeniach? Zarejestruj się lub zaloguj
Ang Banal na Bibliya, Ang Salita ng Diyos™, ASD™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Ginamit nang may pahintulot ng Biblica, Inc.
Reserbado ang lahat ng karapatan sa buong mundo.
―――――――
Holy Bible, Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Used with permission. All rights reserved worldwide.