Juan 2

2
Ang Unang Himala ni Jesus
1Nang ikatlong araw, may kasalan sa Cana sa Galilea, at naroon ang ina ni Jesus. 2Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay inanyayahan din sa kasalan. 3Naubos ang alak, kaya't sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Anak, wala na silang alak.”
4Sinabi ni Jesus, “Ipaubaya na lang po ninyo ito sa akin, Ginang.#2:4 Ginang: Sa Griego ay Babae. Hindi pa ito ang aking tamang oras.”
5Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.”
6May anim na banga doon, ang bawat isa'y naglalaman ng dalawampu hanggang tatlumpung galon. Ang mga ito ay nakalaan para sa paghuhugas ayon sa rituwal ng mga Judio. 7Sinabi ni Jesus sa mga tumutulong doon, “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.”
At pinuno nga nila ang mga banga na halos mag-umapaw. 8Pagkatapos, sinabi niya, “Kumuha kayo ng kaunti at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.”
Dinalhan nga nila ang namamahala, at 9tinikman nito ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon, subalit alam ng mga sumalok ng tubig. Kaya't tinawag niya ang lalaking ikinasal 10at sinabi, “Ang masarap na alak ay unang inihahain; kapag marami nang nainom ang mga tao, saka inihahain ang mababang uri. Ngunit sa huli ninyo inilabas ang masarap na alak!”
11Ang nangyaring ito sa Cana sa Galilea ang unang himalang ginawa ni Jesus. Sa pamamagitan nito'y inihayag niya ang kanyang kaluwalhatian at naniwala sa kanya ang mga alagad niya.
12Pagkatapos#Mt. 4:13. nito, pumunta si Jesus sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at mga alagad. Sila'y nanatili roon nang ilang araw.
Pagmamalasakit para sa Templo
(Mt. 21:12-13; Mc. 11:15-17; Lu. 19:45-46)
13Malapit#Exo. 12:1-27. na ang Paskwa ng mga Judio kaya't pumunta si Jesus sa Jerusalem. 14Nakita niya sa Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, tupa at kalapati, at ang mga namamalit ng salapi. 15Kumuha siya ng lubid at ginawa iyong panghagupit, at ipinagtabuyan niyang palabas ang mga nagtitinda, pati na ang mga baka at tupa. Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit ng pera at ipinagtataob ang kanilang mga mesa. 16Pinagsabihan niya ang mga nagtitinda ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!”
17Naalala#Awit 69:9. ng kanyang mga alagad ang sinasabi sa kasulatan, “Ang malasakit ko sa iyong bahay ang tutupok sa akin.”
18Dahil dito'y tinanong siya ng mga pinuno ng Judio, “Anong himala ang maipapakita mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?”
19Sumagot#Mt. 26:61; 27:40; Mc. 14:58; 15:29. si Jesus, “Gibain ninyo ang Templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli ko itong itatayo.”
20Sinabi ng mga Judio, “Apatnapu't anim na taong ginawa ang Templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?”
21Ngunit ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang katawan. 22Kaya't nang siya'y muling nabuhay, naalala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito, at sila'y naniwala sa kasulatan at sa sinabi ni Jesus.
Alam ni Jesus ang Kalooban ng Tao
23Nang Pista ng Paskwa ay nasa Jerusalem si Jesus. Marami ang naniwala sa kanya nang makita nila ang mga himalang ginagawa niya. 24Subalit hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang kanyang sarili sa kanila, sapagkat kilala niya ang lahat ng mga tao. 25Hindi na kailangang may magsabi pa sa kanya tungkol sa kaninuman, sapagkat nalalaman niya ang nasa isip ng lahat ng tao.

Nu geselecteerd:

Juan 2: MBBTAG12

Markering

Deel

Kopiëren

None

Wil je jouw markerkingen op al je apparaten opslaan? Meld je aan of log in