Juan 12

12
Binuhusan ng Pabango ang mga Paa ni Jesus
(Mt. 26:6-13; Mc. 14:3-9)
1Anim na araw bago sumapit ang Pista ng Paskwa, si Jesus ay nagpunta sa Bethania, kung saan nakatira si Lazaro na kanyang muling binuhay. 2Isang hapunan ang inihanda roon para sa kanya. Si Lazaro ay isa sa mga kasalo ni Jesus samantalang si Martha naman ay tumutulong sa paglilingkod sa kanila. 3Kumuha#Lu. 7:37-38. naman si Maria ng isang bote ng mamahaling pabangong galing sa katas ng dalisay na nardo, at ibinuhos sa mga paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok. At napuno ang buong bahay ng halimuyak ng pabango. 4Ito'y pinuna ni Judas Iscariote, ang alagad na magkakanulo sa kanya. Sinabi niya, 5“Bakit hindi na lamang ipinagbili ang pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan? Maaaring umabot sa tatlong daang salaping pilak ang halaga ng pabangong iyan!” 6Sinabi iyon ni Judas, hindi dahil sa siya'y may malasakit sa mga dukha, kundi dahil sa siya'y magnanakaw. Siya ang tagapagdala ng kanilang salapi, at madalas niyang kinukupitan ito.
7Ngunit sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo siya! Hayaan ninyong ilaan niya ito para sa araw ng aking libing. 8Habang#Deut. 15:11. panaho'y kasama ninyo ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon.”
Ang Balak Laban kay Lazaro
9Nabalitaan ng maraming Judio na si Jesus ay nasa Bethania kaya't nagpunta sila roon upang makita siya at si Lazaro, na kanyang muling binuhay. 10Kaya't binalak ng mga punong pari na ipapatay din si Lazaro, 11sapagkat dahil sa kanya'y maraming Judio ang humihiwalay na sa kanila at sumasampalataya kay Jesus.
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem
(Mt. 21:1-11; Mc. 11:1-11; Lu. 19:28-40)
12Kinabukasan, nabalitaan ng maraming taong dumalo sa pista na si Jesus ay papunta sa Jerusalem. 13Kumuha#Awit 118:25-26; 1 Mcb. 13:51. sila ng mga palapa ng palmera, at lumabas sila sa lungsod upang siya'y salubungin. Sila'y sumisigaw, “Purihin ang Diyos.#12:13 PURIHIN ANG DIYOS: o kaya'y Hosanna, na nangangahulugan ding “Iligtas mo kami” ngunit mas madalas itong ginagamit bilang isang sigaw ng pagpupuri. Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Hari ng Israel!”
14Nakakita si Jesus ng isang batang asno at sinakyan niya ito, gaya ng nasusulat,
15“Huwag#Zac. 9:9. kang matakot, lungsod ng Zion!
Masdan mo, dumarating ang iyong hari,
nakasakay sa isang batang asno!”
16Hindi ito naunawaan noon ng kanyang mga alagad. Ngunit matapos na si Jesus ay maluwalhating nabuhay muli, naalala nilang ganoon nga ang sinasabi sa kasulatan tungkol sa kanya, kaya't gayon nga ang nangyari.
17Ang mga taong kasama ni Jesus noong tawagin niya si Lazaro mula sa libingan at muli niya itong binuhay ay nagpatotoo tungkol sa nangyari. 18At ito ang dahilan kaya siya sinalubong ng napakaraming tao—nabalitaan nila ang himalang ginawa niya.
19Kaya't nasabi ng mga Pariseo, “Nakikita ninyong walang nangyayari sa mga ginagawa natin. Tingnan ninyo, sumusunod sa kanya ang buong mundo!”
Hinanap ng Ilang Griego si Jesus
20May ilang Griegong dumalo sa pista upang sumamba. 21Lumapit sila kay Felipe na taga-Bethsaida sa Galilea, at nakiusap, “Ginoo, nais po naming makita si Jesus.”
22Ito'y sinabi ni Felipe kay Andres, at magkasama silang nagsabi nito kay Jesus. 23Sumagot si Jesus, “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao. 24Pakatandaan ninyo: hangga't hindi nahuhulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, mamumunga ito nang sagana. 25Ang#Mt. 10:39; 16:25; Mc. 8:35; Lu. 9:24; 17:33. taong nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang taong hindi nagpapahalaga sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 26Ang naghahangad na maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroroon din siya. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.”
Ipinahiwatig ni Jesus ang Kanyang Pagkamatay
27“Ako'y nababagabag ngayon. Sasabihin ko bang, ‘Ama, huwag mong hayaang sumapit sa akin ang oras na ito ng paghihirap’? Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito—upang danasin ang oras na ito. 28Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.”
Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Niluwalhati ko na ito, at muli kong luluwalhatiin.”
29Narinig iyon ng mga taong naroon kaya't sinabi nila, “Kumulog!” Sabi naman ng iba, “Nagsalita sa kanya ang isang anghel!”
30Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang tinig na iyon ay ipinarinig para sa inyo at hindi para sa akin. 31Panahon na upang hatulan ang mundong ito. Panahon na rin upang hatulan ang pinuno ng mundong ito. 32At kung ako'y maitaas na, ilalapit ko sa aking sarili ang lahat ng tao.” 33Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay.
34Sinagot#Awit 110:4; Isa. 9:7; Eze. 37:25; Dan. 7:14. siya ng mga tao, “Sinasabi sa amin ng Kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Bakit mo sinasabing dapat maitaas ang Anak ng Tao? Sino ba ang Anak ng Taong ito?”
35Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kaunting panahon na lamang ninyong makakasama ang ilaw. Lumakad kayo habang kasama pa ninyo ang ilaw upang hindi kayo abutan ng dilim. Hindi alam ng lumalakad sa dilim kung saan siya pupunta. 36Sumampalataya kayo sa ilaw habang kasama pa ninyo ang ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng liwanag.”
Hindi Sumampalataya kay Jesus ang mga Judio
Pagkasabi nito, si Jesus ay umalis doon at hindi na muling nagpakita sa kanila. 37Kahit na nasaksihan nila ang maraming himalang ginawa niya, hindi pa rin sila naniwala sa kanya. 38Nangyari#Isa. 53:1 (LXX). ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias,
“Panginoon, sino ang naniwala sa aming ibinalita?
Kanino ipinakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan?”
39Hindi nga sila makapaniwala sapagkat tulad ng sinabi ni Isaias,
40“Binulag#Isa. 6:10 (LXX). ng Diyos ang kanilang mga mata
at pinatigas ang kanilang mga puso,
upang sila'y hindi makakita,
ni makaunawa ang kanilang mga isip,
baka pa sila'y manumbalik sa akin
at sila'y pagalingin ko.”
41Sinabi ito ni Isaias sapagkat nakita niya ang kaluwalhatian ni Jesus, at nagpahayag siya tungkol kay Jesus.#12:41 nakita niya…kay Jesus: o kaya'y nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at nagpahayag siya tungkol kay Jesus.
42Gayunman, marami ring pinuno ng mga Judio ang naniwala sa kanya. Subalit hindi nila maipahayag ito dahil sa takot sa mga Pariseo, na baka sila'y itiwalag sa sinagoga. 43Mas ginusto nilang parangalan sila ng tao kaysa parangalan ng Diyos.
Ang Salita ni Jesus ang Hahatol
44Malakas na sinabi ni Jesus, “Ang nananalig sa akin ay hindi lamang sa akin nananalig, kundi pati sa nagsugo sa akin. 45At ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa nagsugo sa akin. 46Ako'y naparito bilang ilaw ng sanlibutan, upang ang manalig sa akin ay huwag manatili sa kadiliman. 47Hindi ako ang humahatol sa taong dumirinig ng aking salita, ngunit ayaw namang sumunod dito. Sapagkat hindi ako naparito upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. 48May ibang hahatol sa mga ayaw tumanggap sa akin at sa aking mga salita. Ang salitang ipinahayag ko ang hahatol sa kanila sa huling araw. 49Sapagkat hindi ako nagsalita nang mula sa sarili ko lamang; ang Ama na nagsugo sa akin ang siyang nag-utos kung ano ang aking sasabihin at ipahahayag. 50At alam kong ang kanyang utos ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya't ang ipinapasabi ng Ama ang siya kong ipinapahayag.”

Currently Selected:

Juan 12: MBBTAG12

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in