Marcos 15
15
Sa Harapan ni Pilato
(Mt. 27:1-2, 11-14; Lu. 23:1-5; Jn. 18:28-38)
1Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga punong pari, mga pinuno ng bayan, mga tagapagturo ng Kautusan, at iba pang bumubuo ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. Ipinagapos nila si Jesus, at dinala kay Pilato.
2“Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ni Pilato.
“Ikaw na ang may sabi,” tugon naman ni Jesus.
3Nagharap ng maraming paratang ang mga punong pari laban kay Jesus 4kaya't siya'y muling tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Narinig mo ang marami nilang paratang laban sa iyo.”
5Ngunit hindi pa rin sumagot si Jesus, kaya't nagtaka si Pilato.
Hinatulang Mamatay si Jesus
(Mt. 27:15-26; Lu. 23:13-25; Jn. 18:39–19:16)
6Tuwing Pista ng Paskwa ay nagpapalaya si Pilato ng isang bilanggo, sinumang hilingin sa kanya ng mga taong-bayan. 7May isang bilanggo noon na ang pangalan ay Barabbas. Kasama siya sa mga nagrebelde, at nakapatay siya noong panahon ng pag-aalsa. 8Nang lumapit ang mga tao kay Pilato upang hilingin sa kanya na gawin niya ang dati niyang ginagawa, 9tinanong sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” 10Sinabi niya ito sapagkat batid ni Pilato na inggit lamang ang nag-udyok sa mga punong pari upang isakdal si Jesus.
11Ngunit sinulsulan ng mga punong pari ang mga tao na si Barabbas ang hilinging palayain. 12Kaya't muli silang tinanong ni Pilato, “Ano naman ang gagawin ko sa taong ito na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?”
13“Ipako siya sa krus!” sigaw ng mga tao.
14“Bakit, ano ba ang kasalanan niya?” tanong ni Pilato. Ngunit lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!”
15Sa paghahangad ni Pilato na mapagbigyan ang mga tao, pinalaya niya si Barabbas at si Jesus naman ay kanyang ipinahagupit, at pagkatapos ay ibinigay sa kanila upang ipako sa krus.
Hinamak ng mga Kawal si Jesus
(Mt. 27:27-31; Jn. 19:2-3)
16Dinala ng mga kawal si Jesus sa bakuran ng palasyo ng gobernador, at kanilang tinipon doon ang buong batalyon. 17Sinuotan nila si Jesus ng balabal na kulay ube. Kumuha sila ng halamang matinik, ginawa iyong korona at ipinutong sa kanya. 18Pagkatapos, sila'y pakutyang nagpugay at bumati sa kanya, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 19Siya'y pinaghahampas sa ulo, pinagduduraan at pakutyang niluhud-luhuran. 20Matapos kutyain, hinubad nila sa kanya ang balabal na kulay ube, sinuotan ng sarili niyang damit, at inilabas upang ipako sa krus.
Ipinako sa Krus si Jesus
(Mt. 27:32-44; Lu. 23:26-43; Jn. 19:17-27)
21Nasalubong#Ro. 16:13. nila sa daan ang isang lalaking galing sa bukid, si Simon na taga-Cirene na ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. 22Kanilang dinala si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang ibig sabihi'y “Pook ng Bungo.” 23Siya'y binibigyan nila ng alak na may kahalong mira, ngunit hindi niya ito ininom. 24Ipinako#Awit 22:18. siya sa krus at saka pinaghati-hatian ang kanyang damit sa pamamagitan ng palabunutan. 25Ikasiyam ng umaga nang ipako siya sa krus. 26Isinulat sa itaas ng krus ang paratang laban sa kanya, “Ang Hari ng mga Judio.” 27May dalawang tulisang kasama niyang ipinako sa krus, isa sa kanan at isa sa kaliwa. [28Sa#Isa. 53:12. gayon ay natupad ang sinasabi sa kasulatan, “Ibinilang siya sa mga kriminal.”]#15:28 Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang talatang 28.
29Ininsulto#Awit 22:7; 109:25; Mc. 14:58; Jn. 2:19. siya ng mga nagdaraan at pailing-iling na sinabi, “O ano? Di ba ikaw ang gigiba sa Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? 30Bumabâ ka sa krus at iligtas mo ngayon ang iyong sarili!” 31Kinutya rin siya ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi mailigtas ang sarili! 32Makita lamang nating bumabâ sa krus ang Cristo na iyan na Hari daw ng Israel, maniniwala na tayo sa kanya!”
Nilait din siya ng mga nakapakong kasama niya.
Ang Pagkamatay ni Jesus
(Mt. 27:45-56; Lu. 23:44-49; Jn. 19:28-30)
33Nagdilim sa buong lupain mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon. 34Nang#Awit 22:1. ikatlo na ng hapon, sumigaw si Jesus, “Eloi, Eloi, lema sabachthani?” na ang kahulugan ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
35Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias!” 36May#Awit 69:21. tumakbo upang kumuha ng isang espongha; ito'y isinawsaw sa maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus. “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang iligtas siya,” sabi niya.
37Sumigaw nang malakas si Jesus at pagkatapos ay nalagutan ng hininga.
38At#Exo. 26:31-33. napunit sa gitna ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. 39Nakatayo sa harap ng krus ang opisyal ng mga kawal. Nang makita kung paano namatay si Jesus, sinabi niya, “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!”
40Naroon#Lu. 8:2-3. din ang ilang babaing nakatanaw mula sa malayo. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Salome, at si Maria na ina ng nakababatang si Santiago at ni Jose. 41Mula pa sa Galilea ay sumusunod na sila at naglilingkod kay Jesus. Naroon din ang iba pang mga babaing kasama ni Jesus na pumunta sa Jerusalem.
Ang Paglilibing kay Jesus
(Mt. 27:57-61; Lu. 23:50-56; Jn. 19:38-42)
42-43Nang dumidilim na, dumating si Jose na taga-Arimatea, isang iginagalang na kasapi ng Kapulungan. Siya rin ay naghihintay sa pagdating ng kaharian ng Diyos. Dahil iyon ay Araw ng Paghahanda, o bisperas ng Araw ng Pamamahinga, naglakas-loob siyang lumapit kay Pilato upang hingin ang bangkay ni Jesus. 44Nagtaka si Pilato nang marinig niyang patay na si Jesus kaya't ipinatawag niya ang opisyal at tinanong kung matagal na siyang namatay. 45Nang malaman niya sa kapitan na talagang patay na si Jesus, pumayag siyang kunin ni Jose ang bangkay. 46Ibinabâ mula sa krus ang bangkay ni Jesus at binalot sa telang lino na binili ni Jose. Pagkatapos, ang bangkay ay inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, at iginulong ni Jose ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan. 47Nagmamasid naman sina Maria Magdalena at Maria na ina ni Jose, at nakita nila kung saan inilibing si Jesus.
Právě zvoleno:
Marcos 15: MBBTAG12
Zvýraznění
Sdílet
Kopírovat
Chceš mít své zvýrazněné verše uložené na všech zařízeních? Zaregistruj se nebo se přihlas
New Testament © 2012 Philippine Bible Society
Old Testament © 2005 Philippine Bible Society