JUAN 20
20
Libingang Walang Laman
(Mt. 28:1-8; Mc. 16:1-8; Lu. 24:1-12)
1Nang unang araw ng sanlinggo ay maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, samantalang madilim pa, at nakitang ang bato ay naalis na sa libingan.
2Kaya't tumakbo siya at pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na minamahal ni Jesus, at sa kanila'y sinabi, “Kinuha nila sa libingan ang Panginoon, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.”
3Kaya't umalis si Pedro kasama ang isa pang alagad at pumunta sila sa libingan.
4Silang dalawa'y tumakbong magkasama, subalit ang isang alagad ay mas matuling tumakbo kaysa kay Pedro, at naunang dumating sa libingan.
5At siya'y yumuko upang tingnan ang loob, at nakita niyang nakalatag ang mga telang lino. Subalit hindi siya pumasok sa loob.
6Dumating naman si Simon Pedro na sumusunod sa kanya, pumasok siya sa libingan at nakita niyang nakalatag ang mga telang lino,
7at ang damit na inilagay sa kanyang ulo ay hindi kasamang nakalatag ng mga telang lino, kundi bukod na nakatiklop sa isang tabi.
8Pumasok din ang alagad na unang dumating sa libingan at kanyang nakita at siya'y naniwala.
9Sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang kasulatan na kailangang siya'y bumangon mula sa mga patay.
10At ang mga alagad ay bumalik na sa kani-kanilang mga tahanan.
Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena
(Mt. 28:9, 10; Mc. 16:9-11)
11Ngunit si Maria ay nakatayong umiiyak sa labas ng libingan. Habang umiiyak, siya'y yumuko at tumingin sa loob ng libingan.
12At nakita niya ang dalawang anghel na nakaputi, na nakaupo sa hinigaan ng katawan ni Jesus, ang isa'y sa ulunan, at ang isa'y sa paanan.
13Sinabi nila sa kanya, “Babae, bakit ka umiiyak?” Sinabi niya sa kanila, “Sapagkat kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan nila siya inilagay.”
14Pagkasabi nito, siya'y lumingon at nakitang nakatayo si Jesus. Subalit hindi niya alam na iyon ay si Jesus.
15Sinabi sa kanya ni Jesus, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Sa kanyang pag-aakalang iyon ay ang hardinero, ay sinabi niya sa kanya, “Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kanya ay sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at siya'y aking kukunin.”
16Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maria.” Humarap siya, at sinabi sa kanya sa wikang Hebreo, “Rabboni!” (na ang ibig sabihin ay Guro).
17Sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakakaakyat sa Ama. Ngunit pumunta ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.’”
18Pumunta si Maria Magdalena at ibinalita sa mga alagad, “Nakita ko ang Panginoon;” at sinabi niya sa kanila na sinabi niya ang mga bagay na ito sa kanya.
Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad
(Mt. 28:16-20; Mc. 16:14-18; Lu. 24:36-49)
19Nang magdadapit-hapon na ng araw na iyon, na unang araw ng linggo, habang nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at tumayo sa gitna, at sa kanila'y sinabi, “Kapayapaan ang sumainyo.”
20At nang masabi niya ito ay kanyang ipinakita sa kanila ang kanyang mga kamay at tagiliran. Kaya't ang mga alagad ay nagalak nang makita nila ang Panginoon.
21Muling sinabi sa kanila ni Jesus, “Kapayapaan ang sumainyo. Kung paanong sinugo ako ng Ama ay sinusugo ko rin naman kayo.”
22At nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya, at sa kanila'y sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.
23Kung#Mt. 16:19; 18:18 inyong patawarin ang mga kasalanan ng sinuman, ang mga iyon ay ipinatatawad sa kanila. Sinumang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, iyon ay hindi ipinatatawad.”
Si Jesus at si Tomas
24Ngunit si Tomas, isa sa labindalawa na tinatawag na Kambal#20:24 Sa Griyego ay Didimo. ay hindi nila kasama nang dumating si Jesus.
25Kaya't sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, “Nakita namin ang Panginoon.” Ngunit sinabi niya sa kanila, “Malibang makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako, at mailagay ko ang aking daliri sa binutas ng mga pako, at mailagay ko ang aking kamay sa kanyang tagiliran ay hindi ako maniniwala.”
26Pagkaraan ng walong araw ay muling nasa loob ng bahay ang kanyang mga alagad, at kasama nila si Tomas. Nakasara ang mga pinto, subalit pumasok si Jesus, at tumayo sa gitna, at sinabi, “Kapayapaan ang sumainyo.”
27At sinabi niya kay Tomas, “Ilagay mo rito ang iyong daliri at tingnan mo ang aking mga kamay. Ilapit mo rito ang iyong kamay at ilagay mo sa aking tagiliran. Huwag kang mag-alinlangan kundi sumampalataya.”
28Sumagot si Tomas at sinabi sa kanya, “Panginoon ko at Diyos ko!”
29Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sapagkat ako'y nakita mo ay sumampalataya ka. Mapapalad ang hindi nakakita, gayunma'y sumasampalataya.”
Layunin ng Aklat na Ito
30Gumawa si Jesus ng marami pang ibang mga tanda sa harapan ng kanyang mga alagad, na hindi naisulat sa aklat na ito.
31Ngunit ang mga ito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos; at sa pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kanyang pangalan.
Právě zvoleno:
JUAN 20: ABTAG01
Zvýraznění
Sdílet
Kopírovat
Chceš mít své zvýrazněné verše uložené na všech zařízeních? Zaregistruj se nebo se přihlas
©Philippine Bible Society, 2001