Mga Taga-Roma 1:16-32
Mga Taga-Roma 1:16-32 RTPV05
Hindi ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego. Sapagkat ipinapakita ng Magandang Balita kung paano ginagawang matuwid ng Diyos ang isang tao; at ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya buhat sa simula hanggang sa wakas. Tulad ng sinasabi sa Kasulatan, “Ang itinuring na matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.” Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong dahil mismo sa kanilang kasamaan ay hinahadlangan ang katotohanan. Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag, dahil iyon ay ipinapahayag sa kanila ng Diyos. Mula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa. Kaya't wala na silang maidadahilan pa. Kahit na alam nilang may Diyos, siya'y hindi nila pinarangalan bilang Diyos, ni pinasalamatan man lang. Sa halip, naghaka-haka sila ng mga bagay na walang kabuluhan kaya't nagdilim ang hangal nilang pag-iisip. Sila'y nagmamarunong ngunit lumitaw na sila'y mga hangal. Tinalikuran nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba nila'y mga larawan ng mga taong may kamatayan, ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga hayop na gumagapang. Kaya't hinayaan na sila ng Diyos sa kanilang maruruming pagnanasa hanggang sa hindi na nila mapigil ang paggawa ng kahalayan sa isa't isa. Ang katotohanan tungkol sa Diyos ay tinalikuran at pinalitan nila ng kasinungalingan. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha, sa halip na ang lumikha, na siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen. Dahil dito'y hinayaan sila ng Diyos sa mahahalay na pagnanasa. Ayaw nang makipagtalik ng babae sa lalaki, at sa halip ay sa kapwa babae sila nakikipag-ugnayan. Ganoon din ang mga lalaki; ayaw na nilang makipagtalik sa mga babae, at sa kanilang kapwa lalaki sila nahuhumaling. Ginagawa nila ang mga kasuklam-suklam na bagay, kaya't sila'y paparusahan ng nararapat sa kanilang masasamang gawa. Dahil ayaw nilang kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa masasamang pag-iisip at sa mga gawaing kasuklam-suklam. Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kabuktutan, kasakiman, masasamang isip, pagkainggit, pagpatay, pagtatalo, pandaraya at masasamang hangarin. Sila'y naging mahihilig sa tsismis, mapanirang puri, nasusuklam sa Diyos, walang pakundangan, mapagmataas, mayayabang, mapagkatha ng kasamaan, at suwail sa magulang. Sila'y naging mga hangal, mga taksil, mga walang puso, at di-marunong lumingap sa kapwa. Nalalaman nila ang utos ng Diyos na dapat mamatay ang mga gumagawa nito, ngunit patuloy sila sa paggawa nito at natutuwa pang makita na ang iba ay gumagawa rin ng ganoon.