Mga Awit 80
80
Panalangin Upang Muling Ibalik ang Israel
Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo ng Kasunduan”.
1Pastol#Exo. 25:22. ng Israel,
ikaw na nanguna't umakay kay Jose, na tulad sa kawan,
ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
2Ang iyong pag-ibig iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,
sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!
3Ibalik mo kami, O Diyos,
at ipadama mo ang iyong pagmamahal, iligtas mo kami, at sa iyong sinag kami ay tanglawan.
4Yahweh, Makapangyarihang Diyos, hanggang kailan ba patatagalin mo ang galit sa amin?
Hanggang kailan pa diringgin mo kami sa aming dalangin?
5Masdan mo nga kami sa tuwi-tuwina'y tinapay ng luha yaong kinakain,
luha ng hinagpis, ang inihanda mo na aming inumin.
6Ang mga bansa sa paligid, hinayaan mong kami ay kutyain,
iyong pinayagang pagtawanan kami ng kaaway namin.
7Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
8Mula sa Egipto ikaw ay naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim
sa lupang dayuhan, matapos ang tao roo'y palayasin.
9Ngunit nilinis mo muna't pinagyaman ang piniling lugar na pagtataniman,
doon ay nag-ugat, ang buong lupain ay nalaganapan.
10Nagsanga ang puno, lumagong mabuti at ang kabunduka'y kanyang naliliman,
mga punong sedar, naliliman pati ng sangang malabay.
11Hanggang sa ibayo, sa ibayong dagat, ang sangang malabay nito'y nakaabot,
pati mga ugat humabang mabuti't umabot sa Ilog.
12Bakit mo sinira? Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,
pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
13Mga baboy damong nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan,
kinakain ito ng lahat ng hayop na nasa sa parang.
14Ika'y manumbalik, O Diyos na Dakila!
Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
at ang punong ito'y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
15Lumapit ka sana, ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
yaong punong iyon na pinalago mo't iyong pinalakas!
16Ito ay sinunog, sinunog pa nila ang nasabing puno matapos maputol,
sa galit mo't poot ay iyong harapin nang sila'y malipol.
17Ang mga lingkod mo ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay ipagsanggalang,
iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan!
18At kung magkagayon, magbabalik kami't di na magtataksil sa iyo kailanman,
kami'y pasiglahi't aming pupurihin ang iyong pangalan.
19Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
Currently Selected:
Mga Awit 80: RTPV05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society