YouVersion Logo
Search Icon

Mga Awit 78

78
Awit Tungkol sa Kasaysayan ng Israel
Isang Maskil#MASKIL: Tingnan ang Awit 32. ni Asaf.
1Kayo ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak,
inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas.
2Itong#Mt. 13:35. aking sasabihin ay bagay na talinhaga,
nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga.
3Ito'y aming narinig na, kaya naman aming alam,
nagbuhat sa aming nuno na sa ami'y isinaysay.
4Sa sarili naming anak ito'y hindi ililihim,
ito'y aming isasaysay sa sunod na lahi namin;
mga gawang tinutukoy ay lubhang kahanga-hanga
na si Yahweh ang gumanap, mga gawa niyang dakila.
5Mayro'n siyang patotoo na kay Jacob itinatag,
mayro'n siyang kautusang sa Israel iniatas;
ang utos sa ating nuno, dapat nilang ipatupad,
ituturong lagi ito, sa kanilang mga anak.
6Sa lahat ng lahi nila ito'y dapat na iaral,
at ang angkang susunod pa ay marapat na turuan.
7Sa ganito, masusunod nilang lagi yaong utos,
ang matatag na pag-asa'y ilalagak nila sa Diyos,
at ang dakila niyang gawa'y hindi nila malilimot.
8Sa kanilang mga nuno, hindi dapat na pumaris,
na matigas ang damdaming sa Diyos ay naghimagsik;
isang lahing di marunong magtiwala at magtiis,
ang pag-asa ay marupok at kulang ang pananalig.
9Tulad ng Efraimita, mga pana ang sandata,
sa panahon ng labana'y nagsitakas pa rin sila.
10Ang tipan sa Panginoo'y hindi nila sinusunod,
hindi sila lumalakad nang ayon sa mga utos.
11Nakalimutan na nila ang lahat ng kabutihan,
mga gawa ng ating Diyos na kanilang hinangaan.
12Ang#Exo. 7:8–12:32. #Kar. 16:1–19:22. lahat ng gawang ito, noong una'y nasaksihan,
ang nangyari sa Egipto, sa lupain nitong Zoan,
13hinawi#Exo. 14:21-22. niya yaong dagat, doon sila pinaraan,
ang tubig sa magkabila'y parang pader kung pagmasdan.
14Kapag#Exo. 13:21-22. araw, sa paglakad naging gabay nila'y ulap,
at kung gabi naman, tanglaw ay apoy na maliwanag.
15May#Exo. 17:1-7; Bil. 20:2-13. tubig na iniinom kahit sila nasa ilang,
sa batuha'y umaagos na likas sa kalaliman.
16Mula roon sa batuhan, ang tubig ay umaagos,
daloy nito kung pagmasdan, katulad ay isang ilog.
17Ngunit sila'y patuloy rin sa kanilang kasalanan,
sinusuway nila ang Diyos habang sila'y nasa ilang.
18Sadya#Exo. 16:2-15; Bil. 11:4-23, 31-35. nilang sinusubok, ginagalit nila ang Diyos;
ang hiningi ay pagkaing gustung-gusto nilang lubos.
19Kinalaban nila ang Diyos nang sabihin ang ganito:
“Sa gitna ba nitong ilang mabubusog niya tayo?
20Nang hampasin yaong bato, oo't tubig ay bumukal,
dumaloy ang mga batis, tubig doon ay umapaw;
ngunit ito yaong tanong, tayo kaya'y mabibigyan
ng tinapay na masarap at ng karneng kailangan?”
21Nang marinig ang ganito, si Yahweh nama'y nag-init,
sa hinirang niyang bansa'y nag-apoy ang kanyang galit.
22Pagkat sila ay ayaw nang sa Diyos ay magtiwala,
sa pangakong pagliligtas ay ayaw nang maniwala.
23Gayon pa man, itong Diyos nag-utos sa kalangitan,
at ang mga pinto nito'y agad-agad na nabuksan.
24Bunga#Kar. 16:20-29; Jn. 6:31. nito, ang pagkai'y bumuhos na parang ulan,
ang pagkain nilang manna, sa kanila'y ibinigay.
25Ang kaloob na pagkai'y pagkain ng mga anghel,
hindi sila nagkukulang, masagana kung dumating.
26Yaong ihip ng amihan, ay siya rin ang nag-utos,
sa taglay na lakas niya'y dumating ang hanging timog.
27Ang pagkain nilang karne'y masaganang dumarating,
makapal na mga ibon na sindami ng buhangin.
28Sa gitna ng kampo nila ay doon na bumabagsak,
sa palibot ng tolda ay doon nila kinakalap.
29Kinakain nila ito, nasisiyahan silang lahat,
binibigyan sila ng Diyos ng pagkaing hinahangad.
30Ngunit habang kinakain ang pagkaing idinulot,
at hindi pa tumitigil pagkat di pa nabubusog,
31pagkagalit sa nangyari, ipinakita ng Diyos,
sa kanilang kabataan, parusa niya'y ibinuhos;
ang mga malalakas at mga magagaling, buhay nila'y tinapos.
32Sa ganitong gawa ng Diyos, sunod-sunod na himala,
ganti nila ay paglabag, hindi pa rin naniwala.
33Kaya't yaong pasya ng Diyos, ang araw ay wakasan na,
bigla-biglang paratingin sa kanila ang parusa.
34Subalit noong sila ay lilipulin na ng Diyos,
nagsisi ang karamiha't sa kanya'y nagbalik-loob.
35Noon nila nagunitang ang sanggalang nila'y ang Diyos,
ang Kataas-taasang Diyos ay kanilang Manunubos.
36Kaya't siya ay pinuri, ng papuring hindi tapat,
pagkat yao'y pakunwari't balatkayong matatawag.
37Sa#Gw. 8:21. kanilang mga puso, naghahari'y kataksilan,
hindi sila naging tapat sa ginawa niyang tipan.
38Gayon pa man, palibhasa'y Diyos siyang mahabagin,
ang masamang gawa nila'y kanyang pinatawad pa rin;
dahilan sa pag-ibig niya'y hindi sila wawasakin,
kung siya ma'y nagagalit, ito'y kanyang pinipigil.
39Nagunita pa ni Yahweh, sila'y mga tao lamang,
hanging di na nagbabalik matapos na makaraan.
40Madalas na nag-aalsa noong sila'y nasa ilang;
ang ganitong gawa nila'y labis niyang dinaramdam.
41Lagi siyang sinusubok, hindi sila tumitigil,
ginagalit nilang lagi itong Banal na Diyos ng Israel.
42Ang kapangyarihan niya'y ayaw nilang gunitain,
gayong sila'y iniligtas sa kaaway nilang taksil.
43Ang ginawa nitong Diyos na lubos na hinangaan,
ay nangyari sa Egipto sa lupain nitong Zoan.
44Yaong#Exo. 7:17-21. mga ilog doo'y naging dugong umaagos,
kaya walang makainom sa batis at mga ilog.
45Makapal#Exo. 8:20-24; Exo. 8:1-6. na mga langaw at palaka ang dumating,
nataranta silang lahat, di malaman ang gagawin.
46Dumating#Exo. 10:12-15. ang maninira sa taniman ng halaman,
mga tanim ay kinain ng balang na di mabilang.
47Pati#Exo. 9:22-25. tanim na ubasa'y winasak ng ulang yelo,
anupa't sa kalamiga'y namatay ang sikamoro.
48Nang ulanin na ng yelo, mga baka ay namatay,
sa talim ng mga kidlat namatay ang mga kawan.
49Sa ganito ay nadama ang matinding poot ng Diyos,
kaya sila ay winasak sa sama ng kanyang loob,
mga anghel ang gumanap ng parusang sunod-sunod.
50Ang matinding galit ng Diyos hindi niya pinigilan,
yaong naging wakas nila'y humantong sa kamatayan;
dahilan sa isang salot, buhay nila ay pumanaw.
51Yaong#Exo. 12:29. lahat na panganay sa Egipto ay pinatay,
ang panganay na lalaki sa Egiptong lahi ni Ham.
52Tinipon#Exo. 13:17-22. ang kanyang hirang na animo'y mga tupa,
inakay sa lupaing ilang sa kanyang pangunguna.
53Inakay#Exo. 14:26-28. nga at naligtas, kaya naman di natakot,
samantalang ang kanilang kaaway ay nangalunod.
54Inihatid#Exo. 15:17; Jos. 3:14-17. sila ng Diyos sa lupain niyang banal,
sa bundok na mismong siya ang kumuha sa kaaway.
55Itinaboy#Jos. 11:16-23. niyang lahat ang naroong namamayan,
pinaghati-hati niya ang lupaing naiwanan;
sa kanilang mga tolda ang Israel ay nanahan.
56Ngunit#Huk. 2:11-15. sila'y naghimagsik sa Kataas-taasang Diyos,
hindi nila iginalang ang kanyang mga utos;
57katulad ng nuno nila sila'y kusang tumalikod,
nagtaksil na wari'y panang lumipad nang walang taros.
58Nanibugho itong Diyos, sa kanila ay nagalit,
nang makita ang dambana ng larawang iniukit.
59Sumama ang loob niya noong ito ay mamasid,
itinakwil ang Israel sa tindi ng kanyang galit.
60Kaya't#Jos. 18:1; Jer. 7:12-14; 26:6. kanyang iniwanan ang tahanang nasa Shilo,
yaong toldang tirahan niya sa gitna ng mga tao.
61Sagisag#1 Sam. 4:4-22. ng kanyang lakas, ang Kaban ng kanyang Tipan,
binayaan na mahulog at makuha ng kaaway.
62Nagalit sa kanyang baya't ibinigay sa kaaway,
kaya naman ang marami sa kanila ay namatay.
63Kanilang mga binata ay nasawi sa labanan,
dalaga mang magaganda'y wala nang mapangasawa.
64Pati mga pari nila, sa patalim ay napuksa,
ang kanilang mga balo'y ni ayaw nang magluksa.
65Parang tulog na gumising, si Yahweh ay nagbangon, ang katawan ay masigla, tumayo ang Panginoon;
parang taong nagpainit sa alak na iniinom.
66Pinaurong ang kaaway, lahat niyang katunggali,
napahiya silang lahat, pawang galit na umuwi.
67Maging ang lahi ni Jose, sadya niyang itinakwil,
at di niya pinagbigyan pati lahi ni Efraim.
68Sa halip, pinili niya'y ang sambahayan ni Juda,
at ang bundok naman ng Zion ang tirahang minahal niya.
69Doon niya itinayo yaong banal na santuwaryo,
katulad ng nasa langit na tahanan niyang dako;
lubos niyang pinatatag na tulad ng mundong ito.
70Ang#1 Sam. 16:11-12; 2 Sam. 7:8; 1 Cro. 17:7. kinuhang pangunahi'y sa mahirap pa hinugot,
isang pastol ang napili, si David na kanyang lingkod.
71Ang alagang dati nito ay kawan ng mga hayop,
nang maghari sa Israel, nanguna sa bayan ng Diyos.
72Matuwid na namahala, namalakad na mahusay,
lubos silang kinalinga sa tulong niya at patnubay.

Currently Selected:

Mga Awit 78: RTPV05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in