Mga Awit 71
71
Panalangin ng Isang Matanda Na
1Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig,
huwag mo akong pabayaang mapahiya at malupig.
2Tulungan mo po ako sapagkat ikaw ay matuwid,
ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig.
3Ikaw nawa ang muog ko, aking ligtas na kanlungan,
matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang.
4Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako'y ipaglaban,
sa kuko ng mababagsik, huwag mo akong pabayaan.
5Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa,
maliit pang bata ako, sa iyo'y may tiwala na.
6Sa simula at mula pa wala akong inasahang
sa akin ay mag-iingat, kundi tanging ikaw lamang;
kaya naman ikaw, Yahweh, pupurihin araw-araw.
7Sa marami ang buhay ko ay buhay na mahiwaga,
malakas kang katulong ko na di nila maunawa;
8kaya ako'y nagpupuri, nagpupuri buong araw,
akin ngayong ihahayag ang taglay mong karangalan.
9Ngayong ako'y matanda na huwag mo akong pabayaan,
katawan ko'y mahina na kaya ako'y huwag iiwan.
10Ang lahat ng kaaway ko, nais ako ay patayin,
ang palaging balak nila ay ako ang kalabanin.
11Ang kanilang sinasabi, ako raw ay iniwanan,
iniwan na ako ng Diyos, kaya nila sinusundan;
ako raw ay mabibihag dahil wala nang sanggalang.
12Panginoon at aking Diyos, huwag mo akong lalayuan,
lumapit ka sa piling ko't ako ngayon ay tulungan!
13Nawa silang naghahangad na ako ay salakayin,
lahat sila ay mawasak, at mabigo ang layunin!
Maging yaong mga taong tanging nais ako'y saktan,
mapahamak sanang lahat, mag-ani ng kahihiyan.
14Ako naman, samantala ay patuloy na aasa,
patuloy na magpupuri, pupurihin ka tuwina.
15Pagkat ikaw ay dakila, patuloy kong isasaysay,
maghapon kong ihahayag ang dulot mong kaligtasan;
hindi ko man nalalaman kung paanong ito'y gawin.
16Pagkat ikaw, Panginoong Yahweh, malakas at makatuwiran,
ihahayag ko sa madla, katangiang iyo lamang.
17Mula pa sa pagkabata ako'y iyong tinuruan,
hanggang ngayo'y hinahayag ang gawa mong kabutihan.
18Matanda na't puti na ang aking buhok,
huwag akong iiwanan, ang samo ko sa iyo, O Diyos.
Hayaan mong ihayag ko ang lakas mong tinataglay,
samahan sa bawat lahing sa daigdig ay lilitaw.
19Dakila ka, Panginoon, matuwid ka hanggang langit,
dakila ang ginawa mo at wala kang makaparis.
20Kahit na nga dinanas ko ang hirap at madlang sakit,
subalit ang aking lakas ay muli mong ibinalik,
upang ako'y di tuluyang sa libingan ay mabulid.
21Tutulungan mo po ako at karangala'y dadagdagan,
ako'y muli mong aliwin; iahon sa kahirapan.
22Tutugtugin ko ang alpa't pupurihin kitang tunay,
pupurihin kita, O Diyos, dahil sa iyong katapatan.
Mga imno ng papuri sa alpa ko'y tutugtugin,
iuukol ko ang tugtog sa iyo, Banal na Diyos ng Israel.
23Habang ako'y tumutugtog ay sisigaw na may galak,
masigla kong aawiting: “Ako'y iyong iniligtas.”
24Maghapon kong isasaysay, O Diyos, ang iyong katarungan,
yamang lahat na nagtangka, sa lingkod mo ay nasaktan,
lahat sila ay nabigo't humantong sa kahihiyan.
Currently Selected:
Mga Awit 71: RTPV05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society