Mga Awit 119
119
# 119 Sa tekstong Hebreo, ang kapitulong ito'y nabaha-bahagi ayon sa alpabetong Hebreo. Ang mga salitang nasa saknong ay mga pangalan ng alpabetong Hebreo. 1Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay,
kautusan ni Yahweh ang sinusunod araw-araw.
2Mapalad ang sumusunod sa kanyang patakaran,
buong pusong naghahanap sa kanyang kalooban;
3ang gawain ay matuwid, namumuhay silang ganap,
sa kanyang kalooban ay doon sila lumalakad.
4Ibinigay mo nga sa amin ang iyong mga utos,
upang buong pagsisikap na ito'y aming masunod.
5Gayon ako umaasa, umaasang magiging tapat,
susundin ang iyong utos, susundin nang buong ingat.
6Kahihiyan ay hindi ko matitikman kailanpaman,
kung ako ay susunod nang tapat sa iyong kautusan.
7Ang matuwid mong tuntunin habang aking tinatarok,
buong pusong magpupuri, pupurihin kitang lubos.
8Ang lahat ng iyong utos ay sisikapin kong sundin,
huwag mo akong iiwanan, huwag mo akong lilisanin.
Pagiging Masunurin sa Kautusan ni Yahweh
(Bet)
9Paano mapapanatiling malinis ang pamumuhay ng sinumang tao, sa kanilang kabataan?
Sa pamamagitan ng pagsunod sa banal mong kautusan.
10Buong puso ang hangad kong sambahin ka't paglingkuran,
huwag mo akong hahayaang sa utos mo ay sumuway.
11Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan,
upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman.
12Pupurihin kita, Yahweh, ika'y aking pupurihin;
ang lahat ng tuntunin mo ay ituro po sa akin.
13Ang lahat mong mga utos na sa aki'y ibinigay,
palagi kong babanggitin, malakas kong isisigaw.
14Nagagalak na susundin ko ang iyong kautusan,
higit pa sa kagalakang dulot nitong kayamanan.
15Ako'y laging mag-aaral sa lahat ng tuntunin mo,
nang aking maunawaan, pagbubulay-bulayan ko.
16Sa bigay mong kautusa'y lubos akong nalulugod,
iingatan sa puso ko upang iyo'y di malimot.
Kagalakan sa Kautusan ni Yahweh
(Gimmel)
17Itong iyong abang lingkod, O Yahweh, nawa'y pagpalain,
upang ako ay mabuhay at ang utos mo ang sundin.
18Buksan mo ang paningin ko pagkat nananabik masdan,
kabutihang idudulot sa akin ng iyong aral.
19Ang buhay ko sa daigdig ay pansamantala lamang,
kaya huwag mong ikukubli sa akin ang kautusan.
20Ang puso ko'y nasasabik, at ang laging hinahangad,
ang lahat ng tuntunin mo ay mabatid oras-oras.
21Ang mga mapagmataas, iyong pinaparusahan;
at iyong isinusumpa ang sa utos mo ay laban.
22Sa ganitong mga tao'y ilayo mo akong ganap,
yamang ang iyong kautusan ay siya kong tinutupad.
23Kahit ako ay usigi't labanan ng pamunuan,
itong iyong abang lingkod sa utos mo'y mag-aaral.
24Ang buo mong kautusan sa akin ay umaaliw,
siyang gurong nagpapayo sa lahat kong suliranin.
Ang Pagsunod sa Kautusan ni Yahweh
(Daleth)
25Ako'y gapi't lupasay na sa bunton ng alikabok,
sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
26Ang aking mga gawang kamalia'y pinatawad mo,
ang tuntunin mo at aral, sa lingkod mo'y ituro.
27Tulungang maunawaan, iyong mga kautusan,
iyong kahanga-hangang gawa, lubos kong pag-aaralan.
28Damdam ko ba sa sarili, naghahari'y pawang lungkot;
sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
29Sa landas na di matuwid, huwag mo akong hahayaan,
pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral.
30Ang pasya ko sa sarili, ako'y maging masunurin,
sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling.
31Itong mga tuntunin mo, O Yahweh, ay sinunod ko;
huwag nawang hahayaang mapahiya ang lingkod mo.
32Ang lahat mong mga utos, ay malugod kong susundin,
dahilan sa pang-unawang ibibigay mo sa akin.
Panalangin Upang Makaunawa
(He)
33Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan,
at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay.
34Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod,
buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.
35Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan,
pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam.
36Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos,
higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos.
37Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay;
at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay.
38Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod,
ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot.
39Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam,
sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay!
40Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin,
pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain.
Pagtitiwala sa Kautusan ni Yahweh
(Vav)
41Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo,
ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako;
42upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko,
yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo.
43Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan,
pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan.
44Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
45Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya,
yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa.
46At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin,
hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin.
47Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis,
di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig.
48Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang,
sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay.
Pananalig sa Kautusan ni Yahweh
(Zayin)
49Ang pangako sa lingkod mo, sana'y iyong gunitain,
pag-asa ang idinulot ng pangako mo sa akin.
50Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw,
pagkat buhay ang natamo sa pangako mo sa akin.
51Labis akong hinahamak nitong mga taong hambog,
ngunit di ko sinusuway ang bigay mong mga utos.
52Bumabalik sa gunita ang payo mo noong araw,
ito, Yahweh, sa lingkod mo ang dulot ay kaaliwan.
53Nag-aapoy ang galit ko sa tuwing nakikita ko,
yaong mga masasamang lumalabag sa batas mo.
54Noong ako'y mapalayo sa sarili kong tahanan,
ang awiting nilikha ko ay tungkol sa kautusan.
55Ang ngalan mo'y nasa isip kung kumagat na ang dilim,
Yahweh, aking sinisikap na utos mo'y laging sundin.
56Nasasalig sa pagsunod ang tunay kong kagalakan,
kaya naman sinusunod ko ang iyong kautusan.
Pagtupad sa Kautusan ni Yahweh
(Kheth)
57Ikaw lamang, O Yahweh, ang lahat sa aking buhay,
kaya ako'y nangangakong susundin ang kautusan.
58Taimtim sa aking puso, na ako ay humihiling,
sang-ayon sa pangako mo ay mahabag ka sa akin.
59Tinanong ko ang sarili kung ano ang nararapat,
ang tugon sa katanunga'y sundin ko ang iyong batas.
60Kaya ako'y nagdumali, upang hindi na mabalam,
sa hangad kong masunod na ang bigay mong kautusan.
61Mga taong masasama kahit ako ay gapusin,
ang bigay mong mga utos ay di pa rin lilimutin.
62Gumigising akong lagi pagsapit ng hatinggabi,
sa matuwid mong paghatol lagi kitang pinupuri.
63Tapat akong kaibigan ng sa iyo'y naglilingkod,
mga taong buong pusong sa utos mo'y sumusunod.
64Ang dakilang pag-ibig mo'y laganap sa daigdigan,
ituro sa akin, Yahweh, ang banal mong kautusan.
Ang Kahalagahan ng Kautusan ni Yahweh
(Tet)
65Tinupad mo, O Yahweh, ang pangakong binitiwan,
kay buti ng ginawa mo sa lingkod mong minamahal.
66Ako'y bigyan mo ng dunong at ng tunay na kaalaman,
yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay.
67Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot,
nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod;
68kay buti mo, O Yahweh! Kay ganda ng iyong loob;
sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos.
69Ang gawain nitong hambog sadyang ako ay siraan,
ngunit buong puso ko ring sinusunod ang iyong aral.
70Ang ganoong mga tao'y sadyang kapos ng unawa,
ngunit sa pagsunod sa utos mo, ako'y natutuwa.
71Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot,
pagkat aking naunawang mahalaga ang iyong utos.
72Higit pa sa ginto't pilak nitong buong sanlibutan,
ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan.
Ang Katarungan ng Kautusan ni Yahweh
(Yod)
73Nilikha mo ako, O Yahweh, ako'y iyong iningatan;
bigyan ako ng unawa upang batas mo'y malaman.
74Ang sa iyo'y natatakot, kapag ako ay nakita,
matutuwa sa lingkod mong sa iyo ay umaasa.
75Nababatid ko, O Yahweh, matuwid ang iyong batas,
kahit ako'y pagdusahin, nananatili kang tapat.
76Aliwin mo sana ako niyang pag-ibig mong lubos,
katulad ng binitiwang pangako sa iyong lingkod.
77Sa akin ay mahabag ka, at ako ay mabubuhay,
ang lubos kong kasiyaha'y nasa iyong kautusan.
78Ang hambog na naninira sa lingkod mo ay hiyain,
sa aral mo ako nama'y magbubulay na taimtim.
79Sa akin ay magsilapit ang sa iyo ay may takot,
maging yaong mga tao na alam ang iyong utos.
80Sana'y lubos kong masunod ang buo mong kautusan,
upang hindi mapahiya't tamuhin ko ang tagumpay.
Panalangin Upang Iligtas ng Diyos
(Kap)
81Kaluluwa ko'y naghihintay ng iyong pagliligtas;
lubos akong nagtiwala sa bigay mong pangungusap.
82Dahilan sa paghihintay lumamlam na yaring tingin,
ito ngayon ang tanong ko: “Kailan mo aaliwin?”
83Katulad ko'y nangulubot na sisidlang yaring katad,
gayon pa man, di ko pa rin nilimot ang iyong batas.
84Gaano bang katagal pa, ang lingkod mo maghihintay,
sa parusang igagawad sa nang-usig kong kaaway?
85Mga taong mayayabang, mga taong masuwayin,
nag-umang ng mga bitag upang ako ay hulihin.
86Inuusig nila ako, kahit mali ang paratang,
sa batas mo'y may tiwala, kaya ako ay tulungan!
87Halos sila'y magtagumpay na kitlin ang aking buhay,
ngunit ang iyong mga utos ay hindi ko nalimutan.
88Dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako ay lingapin,
at ang iyong mga utos ay masikap kong susundin.
Pananampalataya sa Kautusan ni Yahweh
(Lamedh)
89Ang salita mo, O Yahweh, di kukupas, walang hanggan,
matatag at di makilos sa rurok ng kalangitan.
90Ang taglay mong katapatan ay hindi na magbabago;
ang nilikha mong daigdig, matatag sa kanyang dako.
91Hanggang ngayon ay matatag, pagkat ikaw ang nag-utos,
alipin mo silang lahat at sa iyo'y naglilingkod.
92Kung ang iyong kautusa'y di bukal ng aking galak,
namatay na sana ako sa dinanas na paghihirap.
93Ang utos mo'y susundin ko, di ito tatalikuran,
pagkat dahil sa utos mo, ako ngayo'y nabubuhay.
94Ang lingkod mo'y iyong-iyo, kaya ako ay iligtas,
ang pagsunod sa utos mo ay siya kong sinisikap.
95Nag-aabang ang masama, upang ako ay mapatay,
ngunit ako'y magbubulay sa bigay mong kautusan.
96Nabatid kong sa daigdig, walang ganap na anuman,
ngunit ang iyong mga utos walang hanggan yaong saklaw.
Ang Pag-ibig sa Kautusan ni Yahweh
(Mem)
97O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig,
araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip.
98Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan,
kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway.
99Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit,
pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip.
100Ang taglay kong karununga'y higit pa sa matatanda,
pagkat ang iyong mga utos ay hindi ko sinisira.
101Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama,
ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita.
102Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin,
pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin.
103O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay,
matamis pa kaysa pulot lasa nitong tinataglay.
104Sa bigay mong mga utos, natamo ko'y karunungan,
kaya ako'y namumuhi sa ugaling mahahalay.
Kaliwanagan Mula sa Kautusan ni Yahweh
(Nun)
105Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay,
sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw.
106Taimtim ang pangako kong ang utos mo ay susundin,
tutupdin ko ang tuntuning iniaral mo sa akin.
107Labis-labis, O Yahweh, ang hirap kong tinataglay,
sang-ayon sa pangako mo, pasiglahin yaring buhay.
108Ang handog kong pasalamat, Yahweh, sana ay tanggapin,
yaong mga tuntunin mo ay ituro mo sa akin.
109Ako'y laging nakahandang magbuwis ng aking buhay;
pagkat di ko malilimot yaong iyong kautusan.
110Sa akin ay mayroong handang patibong ang masasama,
ngunit ang iyong kautusan ay hindi ko sinisira.
111Ang bigay mong mga utos, ang pamanang walang hanggan,
sa puso ko'y palagi nang ang dulot ay kagalakan.
112Ang pasya ko sa sarili, sundin ko ang kautusan,
susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
Pagliligtas na Dulot ng Kautusan ni Yahweh
(Samek)
113Ako'y galit sa sinumang sa iyo ay hindi tapat,
ang tunay kong iniibig ay ang iyong mga batas.
114Ikaw lamang ang muog ko at matibay na sanggalang,
ang pangako mo sa akin ay lubos kong aasahan.
115Kaya kayong masasama, ako'y inyo nang lubayan,
pagkat ang utos ng Diyos, hindi ko tatalikuran.
116Ang lakas na pangako mo, upang ako ay mabuhay,
ibigay mo't ang pag-asa ko ay hindi mapaparam.
117Upang ako ay maligtas, ingatan mo ako, O Diyos,
ang pansin ko'y itutuon sa bigay mong mga utos.
118Ang lumabag sa utos mo ay lubos mong itatakwil,
ang kanilang panlilinlang ay wala ring sasapitin.
119Sa lahat ng masasama, basura ang iyong tingin,
kaya naman ang turo mo ang siya kong iibigin.
120Dahil sa iyo, ang damdam ko'y para akong natatakot,
sa hatol mong igagawad, natatakot akong lubos.
Ang Pagsunod sa Kautusan ni Yahweh
(Ayin)
121Ang matuwid at mabuti ay siya kong ginampanan,
sa kamay ng kaaway ko, huwag mo akong pabayaan.
122Aming Diyos, mangako kang iingatan ang iyong lingkod,
at hindi mo babayaang guluhin ng mga hambog.
123Malamlam na ang mata ko, sa tagal ng paghihintay,
sa pangako mo sa aking tatanggapi'y kaligtasan.
124Sang-ayon sa pag-ibig mo, gayon ang gawing pagtingin,
ang lahat ng tuntunin mo ay ituro na sa akin.
125Bigyan mo ng pang-unawa itong iyong
abang lingkod,
upang aking maunawa ang aral mo't mga utos.
126Panahon na, O Yahweh, upang ikaw ay kumilos,
nilalabag na ng tao ang bigay mong mga utos.
127Mahal ko ang iyong utos nang higit pa kaysa ginto,
kaysa gintong dinalisay, utos mo'y isinapuso.
128Kaya iyang tuntunin mo ang siya kong sinusunod,
pagkat ako'y namumuhi sa anumang gawang buktot.
Paghahangad na Sundin ang Kautusan ni Yahweh
(Pe)
129Lubos akong humahanga sa bigay mong mga turo;
lahat aking iingata't susundin nang buong puso.
130Ang liwanag ng turo mo'y nagsisilbing isang tanglaw,
nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan.
131Halos humihingal ako dahilan sa kasabikan,
na matamo yaong aking minimithing kautusan.
132Ako'y iyong kahabagan, ngayon ako ay lingapin,
at sa mga taong tapat, itulad mo ang pagtingin.
133Sang-ayon sa pangako mo, huwag mo akong hahayaang
mahulog sa gawang mali at ugaling mahahalay.
134Sa sinumang naghahangad na ako ay alipinin,
iligtas mo ang lingkod mo't ang utos mo ang susundin.
135Sa buhay ko'y tumanglaw ka at ako ay pagpalain,
at ang iyong mga utos ay ituro mo sa akin.
136Parang agos na ng batis ang daloy ng aking luha,
dahilan sa mga taong sa utos mo'y sumisira.
Ang Katarungan ng Kautusan ni Yahweh
(Tsade)
137Matuwid ka, O Yahweh, matapat ka nga at banal,
matapat ang tuntunin mo sa bigay mong kautusan.
138Yaong mga tuntunin mong iniukol mo sa amin,
sa lahat ay naaangkop, at matapat ang layunin.
139Nag-aapoy ang galit ko, sa puso ko'y nag-aalab,
pagkat yaong kaaway ko sa utos mo'y yumuyurak.
140Ang pangako mo sa amin ay subok na't walang mintis,
kaya naman ang lingkod mo'y labis itong iniibig.
141Kung ako ma'y walang saysay at kanilang itinakwil,
gayon pa man, ang utos mo'y hindi pa rin lilimutin.
142Ang taglay mong katapatan, kailanma'y di kukupas,
katuruan mo'y totoo at ito ay walang wakas.
143Ang buhay ko'y nalilipos ng hirap at suliranin,
ngunit ang iyong kautusan ang sa aki'y umaaliw.
144Ang lahat ng tuntunin mo'y matuwid at walang hanggan,
bigyan ako ng unawa at ako ay mabubuhay.
Panalangin Upang Iligtas ng Diyos
(Qof)
145Buong pusong tumatawag itong iyong abang lingkod;
ako'y iyong dinggin, Yahweh, at susundin ko ang utos.
146Tumatawag ako, Yahweh, sa iyo ay dumaraing,
iligtas mo ako ngayon nang ang utos mo ay sundin.
147Madilim pa, ang lingkod mo ay gising na't tumatawag,
sa pangako mong iniwan, pag-asa ko'y nakalagak.
148Hindi ako makatulog, magdamag na laging gising,
at ang aking binubulay ay ang bigay mong aralin.
149Ako'y dinggin mo, O Yahweh, ayon sa iyong pag-ibig,
iligtas mo ang buhay ko yamang ikaw ay matuwid.
150Palapit na nang palapit ang sa aki'y umuusig,
mga taong walang galang sa utos mong sakdal tuwid.
151Ngunit ikaw, O Yahweh, ay malapit sa piling ko,
ang pangakong binitiwan mo sa akin ay totoo.
152Iyang mga tuntunin mo'y matagal nang aking talos,
ang utos na ginawa mo'y walang hanggang mga utos.
Panalangin Upang Maligtas
(Resh)
153Ang taglay kong paghihirap ay masdan mo at lunasan,
pagkat aking sinusunod ang banal mong kautusan.
154Ako'y iyong ipagtanggol at ako ay tubusin,
dahil iyan ang pangakong binitiwan mo sa akin.
155Iyang mga masasama'y tiyak na di maliligtas,
dahilan sa kautusang hindi nila ginaganap.
156Sa iyong habag, O Yahweh, ay wala nang makapantay,
kaya ako ay iligtas, ayon sa iyong kapasyahan.
157Kay rami ng kaaway ko, at mga mapang-alipin,
ngunit ang iyong kautusan ay patuloy kong susundin.
158Nagdaramdam akong labis kapag aking namamasdan,
yaong mga taong taksil na laban sa kautusan.
159Nalalaman mo, O Yahweh, mahal ko ang iyong utos,
iligtas mo ako ayon sa pag-ibig mong taos.
160Ang buod ng kautusa'y batay sa katotohanan,
ang lahat ng tuntunin mo'y pawang walang katapusan.
Pagtatalaga sa Kautusan ni Yahweh
(Shin)
161Mga taong namumuno na kulang sa katarungan,
usigin man nila ako, susundin ko'y iyong aral.
162Dahilan sa pangako mo, nagagalak yaring buhay,
katulad ko ay taong nakatuklas noong yaman.
163Sa anumang di totoo muhi ako't nasusuklam,
ang tunay kong iniibig ay ang iyong kautusan.
164Araw-araw, pitong beses akong nagpapasalamat,
sa lahat ng kahatulang matuwid mong iginawad.
165Ang magmahal sa utos mo'y mapayapa yaong buhay,
matatag ang taong ito at hindi na mabubuwal.
166Hinihintay kita, O Yahweh, upang ako ay iligtas,
ang lahat ng iyong utos ay akin ngang tinutupad.
167Tinutupad ko ang utos at lahat mong mga aral,
buong pusong iniibig ang buo mong kautusan.
168Sinusunod ko ang iyong kautusa't mga aral,
ang anumang gawain ko ay kita mo't namamasdan.
Panalangin Upang Tulungan ng Diyos
(Taw)
169O Yahweh, tanggapin mo ang daing ko na tulungan,
at ayon sa pangako mo, pang-unawa ako'y bigyan.
170Hayaan ang dalangin ko ay dumating sa iyo, O Diyos,
sang-ayon sa pangako mo, iligtas ang iyong lingkod.
171Ako'y laging magpupuri, lagi kitang pupurihin,
pagkat ako'y tinuruan ng aral mo at tuntunin.
172Dahilan sa pangako mo, ako ngayon ay aawit,
sapagkat ang iyong utos ay marapat at matuwid.
173Humanda ka sa pagtulong, ito'y aking kailangan,
sapagkat ang susundin ko'y ang utos mong ibinigay.
174Nasasabik ako, Yahweh, sa pangakong pagliligtas,
natamo ko sa utos mo, ang ligaya at ang galak.
175Upang ako ay magpuri, ako'y bigyan mo ng buhay,
matulungan nawa ako ng tuntunin mo at aral.
176Para akong isang tupa na nawala at nawalay,
hanapin mo ang lingkod mo, ako ngayon ay lapitan,
pagkat ako ay sumunod sa lahat mong kautusan.
Currently Selected:
Mga Awit 119: RTPV05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society