Mga Awit 104
104
Awit ng Pagpuri sa Diyos na Manlilikha
1Papurihan mo si Yahweh, O aking kaluluwa!
Ikaw Yahweh na aking Diyos, kay dakila mong talaga!
Karangala't kamahalan, lubos na nadaramtan ka.
2O Diyos, kayo po ay puspos ng maningning na liwanag,
kalangita'y parang tolda, na kamay mo ang nagladlad.
3Ang ginawa mong tahanan ay ang tubig sa itaas,
ang karo mong sinasakyan ay ang papawiring-ulap,
sa pakpak ng mga hangin ay doon ka lumalakad.
4Tagahatid#Heb. 1:7. ng balita ay hangin ding sumisimoy,
at kidlat na matatalim ang lingkod mong tumutulong.
5Ikaw na rin ang nagtayo ng saligan nitong lupa,
matatag na ginawa mo't hindi ito mauuga.
6Ang ibabaw ng saliga'y ginawa mong karagatan,
at tubig din ang bumalot sa lahat ng kabundukan.
7Ngunit noong magalit ka itong tubig ay tumakas,
nang marinig ang sigaw mo, tumilapon agad-agad.
8Bumuhos sa kabundukan, umagos sa kapatagan,
natipon sa isang dako't naging isang karagatan,
9matapos, ang ginawa mo'y naglagay ka ng hangganan,
upang itong kalupaa'y di na muling laganapan.
10Lumilikha ka ng ilog na patungong kapatagan,
sa gilid ng mga burol, umaagos na marahan.
11Kaya kahit na sa ilang ang hayop na naroon,
maging hayop na mailap may tubig na naiinom.
12Sa naroong kakahuya'y umaawit na masaya,
mga ibo'y nagpupugad sa malabay nilang sanga.
13Magmula sa kalangitan, mga bundok ay nadilig,
ibinuhos ang pagpapala't lumaganap sa daigdig.
14Tumubo ang mga damong pagkain ng mga baka,
nagkaroon ng halamang masaganang namumunga;
anupa't ang mga tao'y may pagkaing nakukuha.
15Mayroong ubas na inumin kaya tao'y masasaya,
may langis pa ng olibong nagdudulot ng ligaya,
at tinapay na pagkaing pampalakas sa tuwina.
16Ang mga kahoy ni Yahweh, masaganang nadidilig,
mga sedar ng Lebanon, kayo mismo ang nagtanim.
17Sa malagong mga puno at malabay nitong sanga,
mga ibo'y nagpupugad, doon sila tumitira.
18Yaong mga kambing-gubat nagkalat sa kabundukan,
sa bitak ng mga bato ang kuneho nananahan.
19Ang buwan ay nababatid sa buwan ding iyong likha,
araw nama'y lumulubog sa oras na itinakda.
20Lumikha ka nitong dilim, at gabi ang itinawag,
kung gumabi gumigising ang hayop na maiilap.
21Umuungal itong leon, samantalang humahanap
ng kanyang makakain na sa Diyos din nagbubuhat.
22Kung sumapit ang umaga, dala nito kanyang huli,
pumupunta sa tagua't doon siya nangungubli;
23samantalang itong tao humahayo sa gawain,
sa paggawang walang tigil inaabot na ng dilim.
24Sa daigdig, ikaw Yahweh, kay rami ng iyong likha!
Pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa,
sa dami ng nilikha mo'y nakalatan itong lupa.
25Nariyan ang mga lawa't malawak na karagatan,
malalaki't maliliit na isda ay di mabilang.
26Iba't#Job 41:1; Awit 74:14; Isa. 27:1. ibang mga bapor ang dito ay naglalakbay,
samantalang ang Leviatang#26 LEVIATAN: Isang mala-alamat na dambuhalang halimaw sa karagatan na sumisimbolo sa kapangyarihan ng kaguluhan at kasamaan. nilikha mo'y kaagapay.
27Lahat sila'y umaasa, sa iyo ay nag-aabang,
umaasa sa pagkain na kanilang kailangan.
28Ang anumang kaloob mo ay kanilang tinatanggap,
mayro'n silang kasiyahan pagkat bukás ang iyong palad.
29Kapag ika'y lumalayo labis silang nangangamba,
takot silang mamatay kung lagutin mo ang hininga;
mauuwi sa alabok, pagkat doon sila mula.
30Taglay mo ang katangiang buhay nila ay ibalik,
bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.
31Sana ang iyong karangala'y manatili kailanman,
sa lahat ng iyong likha ang madama'y kagalakan.
32Nanginginig ang nilikha, kapag titig mo sa daigdig,
ang bundok na hipuin mo'y umuusok, nag-iinit.
33Aawitan ko si Yahweh, palagi kong aawitan,
siya'y aking pupurihin habang ako'y nabubuhay.
34Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan,
pagkat ako'y nagagalak, nagpupuri sa Maykapal.
35Ang lahat ng masasama sana'y alisin sa daigdig,
ang dapat ay lipulin na upang sila ay maalis.
Si Yahweh ay purihin mo, aking kaluluwa!
Purihin si Yahweh!
Currently Selected:
Mga Awit 104: RTPV05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society