YouVersion Logo
Search Icon

Mga Kawikaan 6

6
Mga Dagdag na Babala
1Aking#Ecc. 29:14-20. anak, sa utang ba ng iba ikaw ay nananagot?
2Ikaw ba ay nangako, sa utang niya ay nasangkot?
3Kung gayon ay nasasakop ka ng kanyang pagpapasya,
ngunit ito ang gawin mo nang makaiwas sa problema:
Ikaw ay magmadali sa kanya ay makiusap,
sabihin mong pawalan ka sa napasukan mong bitag.
4Huwag kang titigil, huwag kang maglulubay,
ni huwag kang iidlip, hanggang walang kalayaan.
5Iligtas ang sarili mo parang usang tumatakas,
at tulad niyong ibong sa kulunga'y umaalpas.
6Tingnan mo ang mga langgam, ikaw na taong ubod ng tamad,
pamumuhay niya'y masdan mo at nang ikaw ay mamulat.
7Kahit sila'y walang pinunong sa kanila'y nag-uutos,
walang tagapamahala o tagamasid na sinusunod,
8ngunit nag-iimbak ng pagkain sa tag-araw,
kailanga'y iniipon kung panahon ng anihan.
9Hanggang kailan, taong tamad mananatili sa higaan,
kailan ka babalikwas sa iyong pagkakahimlay?
10Kaunting#Kaw. 24:33-34. tulog, bahagyang idlip, sandaling pahinga at paghalukipkip,
11samantalang namamahinga ka ang kahirapa'y darating
na parang armadong magnanakaw upang kunin ang lahat ng iyong kailangan.
12Taong walang kuwenta at taong masama,
kasinungalingan, kanyang dala-dala.
13Ang#Ecc. 27:22. mata ay ikikindat o kaya'y ipipikit,
ikukumpas pa ang kamay upang ikaw ay maakit.
14Ngunit sa sarili ay may masamang iniisip,
ang lagi niyang nais ay manggulo sa paligid.
15Dahil dito, kapahamakan niya'y biglang darating,
sa sugat na tatamuhi'y hindi na nga siya gagaling.
16Ang kinamumuhian ni Yahweh ay pitong bagay,
mga bagay na kanyang kinasusuklaman:
17kapalaluan, kasinungalingan,
at mga pumapatay sa walang kasalanan,
18pusong sa kapwa'y walang mabuting isipan,
mga paang ubod tulin sa landas ng kasamaan,
19saksing sinungaling, mapaglubid ng buhangin,
pag-awayin ang kapwa, laging gusto niyang gawin.
Babala Laban sa Pangangalunya
20Aking anak, utos nga ng ama mo ay sundin,
huwag mong tatalikuran, turo ng inang giliw.
21Sa puso mo ay iukit, at itanim mo sa isip.
22Pagkat ang aral na ito sa iyo ay patnubay,
sa pagtulog mo ay bantay, sa paggawa ay alalay.
23Pagkat ang utos ay ilaw, ang turo ay tanglaw,
at daan ng buhay itong mga saway.
24Ilalayo ka nito sa babaing masama,
sa mapang-akit niyang salita ngunit puno ng daya.
25Huwag mong nanasain ang ganda niyang taglay,
ni huwag paaakit sa tingin niyang mapungay.
26Babaing masama'y maaangkin sa halaga ng tinapay,
ngunit bunga'y kasamaan sa buo mong pamumuhay.
27Kung ang tao ba'y magkandong ng apoy,
kasuotan kaya niya'y di masusunog niyon?
28Kung ang tao ay tumapak sa uling na nagbabaga,
hindi kaya malalapnos itong kanyang mga paa?
29Ganoon din ang taong sisiping sa asawa ng kapwa,
tiyak siyang magdurusa pagkat ito ay masama.
30Ang sinumang magnakaw ay tiyak na nagkasala,
kahit iyon ay pamawi sa gutom na taglay niya.
31Ang bayad ay makapito kung siya'y mahuli,
ang lahat niyang pag-aari ay kulang pang panghalili.
32Ngunit ang nangangalunya ay isang taong mangmang,
sinisira ang sarili, buhay niya at pangalan.
33Ang tangi niyang mapapala ay pahirap sa sarili,
ang kanyang kahihiyan, hindi na niya mababawi.
34Sapagkat ang panibugho sa tao ay nag-uudyok,
ang puri nga ay ibangon, kahit buhay ay malagot.
35Wala kang itutumbas para kamtin ang patawad,
kahit gaano pa kalaki ang sa kanya ay ibayad.

Currently Selected:

Mga Kawikaan 6: RTPV05

Highlight

Share

Copy

None

Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in