YouVersion Logo
Search Icon

Marcos 6:30-44

Marcos 6:30-44 RTPV05

Bumalik kay Jesus ang mga apostol at iniulat nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. Subalit napakaraming taong dumarating at umaalis, at hindi na nila makuhang kumain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Magpunta tayo sa isang lugar na kung saan maaari tayong makapagsarilinan, at upang makapagpahinga kayo nang kaunti.” Umalis nga silang sakay ng isang bangka, at nagpunta sa isang ilang na lugar. Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakaalam kung saan sila pupunta. Kaya't ang mga tao mula sa lahat ng bayan ay patakbong pumunta sa lugar na iyon at naunahan pa nila sila Jesus. Pagbaba ni Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol, kaya't sila'y tinuruan niya ng maraming bagay. Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi, “Ilang ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga karatig-nayon at bayan upang makabili ng pagkain.” Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” Sumagot ang mga alagad, “Nais po ba ninyong bumili kami ng pagkain sa halagang dalawandaang salaping pilak?” “Ilan ang dala ninyong tinapay? Tingnan nga ninyo,” utos niya. Pagkatapos tingnan ay kanilang sinabi, “Lima po, at dalawang isda.” Iniutos ni Jesus sa mga alagad na pangkat-pangkat na paupuin ang mga tao sa damuhan. Kaya't naupo ang mga tao nang tig-iisang daan at tiglilimampu bawat grupo. Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda at ipinamahagi rin nila. Ang lahat ay nakakain at nabusog, at nang tipunin ng mga alagad ang lumabis na tinapay at isda, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing. May limanlibong lalaki ang kumain ng tinapay.