Marcos 3
3
Pinagaling ang Lalaking Paralisado ang Isang Kamay
(Mt. 12:9-14; Lu. 6:6-11)
1Muling pumasok si Jesus sa sinagoga. Naratnan niya roon ang isang lalaking paralisado ang isang kamay. 2May ilang taong naroroon at inaabangan kung pagagalingin ni Jesus ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya. 3Tinawag ni Jesus ang lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito!” 4Pagkatapos, tinanong naman niya ang mga tao, “Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?”
Ngunit sila'y hindi sumagot. 5Tiningnan ni Jesus ang mga taong nakapaligid sa kanya. Galit at lungkot ang naramdaman niya dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. Pagkatapos, sinabi niya sa maysakit, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling. 6Umalis ang mga Pariseo at agad nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes upang maipapatay si Jesus.
Ang Napakaraming Tao sa Tabi ng Lawa
7Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at sila'y nagpunta sa tabi ng lawa. Sinundan siya roon ng napakaraming taong buhat sa Galilea, sa Judea, 8sa Jerusalem, sa Idumea, sa ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. Sumunod sila kay Jesus dahil nabalitaan nila ang lahat ng ginagawa niya. 9Dahil#Mc. 4:1; Lu. 5:1-3. napakarami ng mga tao, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na maghanda ng isang bangkang masasakyan niya upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. 10Sapagkat marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit upang mahawakan man lamang siya. 11Bawat taong sinasapian ng masamang espiritu na makakita sa kanya ay nagpapatirapa sa harapan niya at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” 12Ngunit mahigpit silang inutusan ni Jesus na huwag ipagsabi kung sino siya.
Ang Pagpili ni Jesus sa Labindalawang Apostol
(Mt. 10:1-4; Lu. 6:12-16)
13Pagkatapos nito, umakyat si Jesus sa bundok kasama ang mga taong pinili niya at sumunod sa kanya. 14Buhat sa mga taong iyon ay pumili siya ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol.#14 na tinawag niyang mga apostol: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito. Hinirang niya ang mga ito upang maging kasa-kasama niya at upang suguing mangaral. 15Sila ay binigyan din niya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. 16Ito ang labindalawang hinirang niya:#16 Ito ang…hinirang niya: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito. si Simon, na pinangalanan niyang Pedro; 17sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, sila'y tinawag din niyang Boanerges, na ang kahulugan ay “mga anak ng kulog”; 18sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Makabayan, 19at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo kay Jesus.
Si Jesus at si Beelzebul
(Mt. 12:22-32; Lu. 11:14-23; 12:10)
20Pag-uwi ni Jesus, muling nagkatipon doon ang napakaraming tao kaya't hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong kumain pa. 21Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga kasambahay, sila'y pumaroon upang sawayin siya#21 sawayin siya: o kaya'y isama siya pauwi. dahil sinasabi ng mga tao na siya'y nasisiraan ng bait.
22Sinasabi#Mt. 9:34; 10:25. naman ng mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, “Sinasapian siya ni Beelzebul. Nakapagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo!”
23Dahil dito, pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila ang ilang talinhaga. Sabi niya, “Paanong mapapalayas ni Satanas ang kanyang sarili? 24Kapag naglaban-laban ang mga mamamayan ng isang kaharian, hindi magtatagal, mawawasak ang kahariang iyon. 25Kapag naglaban-laban naman ang mga magkakasambahay, hindi rin magtatagal ang sambahayang iyon. 26Gayundin naman, kapag naghimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili at magkabaha-bahagi ang kanyang nasasakupan, hindi magtatagal at darating ang kanyang wakas.
27“Subalit hindi maaaring pasukin at pagnakawan ang bahay ng isang taong malakas malibang gapusin muna siya. Kapag siya'y nakagapos na, saka pa lamang mapagnanakawan ang kanyang bahay. 28Tandaan ninyo ito: maaaring patawarin ang tao sa lahat ng kanyang kasalanan at paglapastangan, 29ngunit#Lu. 12:10. ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran, sapagkat ito ay walang hanggang kasalanan.” 30Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinasabi ng mga tao na siya'y sinasapian ng masamang espiritu.
Ang Ina at mga Kapatid ni Jesus
(Mt. 12:46-50; Lu. 8:19-21)
31Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Sila'y nasa labas ng bahay at ipinapatawag siya. 32Nang oras na iyon ay maraming taong nakaupo sa palibot ni Jesus. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po at naghihintay ang inyong ina at mga kapatid.”
33“Sino ang aking ina at mga kapatid?” tanong naman ni Jesus. 34Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot at sinabi, “Sila ang aking ina at mga kapatid! 35Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng Diyos ay siyang aking ina at mga kapatid.”
Currently Selected:
Marcos 3: RTPV05
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
© 2005 Philippine Bible Society